Pagharap sa mga Hamon ng Pagiging Magulang
ANG pagpapalaki sa mga anak ngayon, lalo na ang mga tin-edyer, ay isang napakalaking hamon para sa mga magulang. Iniuulat ng The Gazette ng Montreal, Canada, na ang pag-eeksperimento sa alkohol at mga droga ang naging “kagawian ng mga nagdadalaga at nagbibinata.” Idiniriin nito na ang mga magulang ay “may pananagutang maging mapagbantay tungkol sa mga pagbabago sa paggawi ng [kanilang] mga tin-edyer.”
Ano ang dapat tingnan ng mga magulang na maaaring magpahiwatig ng gayong mga problema sa mga nagdadalaga at nagbibinata? Kabilang sa ilang pisikal, emosyonal, at panlipunang mga babalang tanda na tinukoy ng American Academy of Child and Adolescent Psychiatry ay ang namamalaging pagkahapo, pagbabago sa personalidad at kalooban, labis na paggugol ng panahon na nakakulong sa kuwarto, pagkahilig na makipagtalo, at paglabag sa batas.
Paano maiingatan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa gayong nakapipinsalang pag-eeksperimento at sa masasamang ibinubunga nito? Naniniwala si Dr. Jeffrey L. Derevensky, ng McGill University, na ang malayang pag-uusap at ang pagpapaunlad ng paggalang sa isa’t isa sa panahong nagkakaisip ang isang bata ay maaaring makabawas sa mga suliranin sa hinaharap. Sinabi pa ng The Gazette na bagaman ang paghahangad ng higit na kalayaan ay mapapansin sa panahon ng pagdadalaga at pagbibinata, ang mga tin-edyer ay patuloy na nangangailangan “ng patnubay, suporta, kaayusan at pag-ibig na inilalaan ng kanilang mga magulang.” Ang mga obserbasyong ito ay nakakahawig ng isang kawikaan sa Bibliya na nagsasabi: “Sanayin mo ang bata ayon sa daan para sa kaniya; tumanda man siya ay hindi siya lilihis mula roon.” (Kawikaan 22:6) Ang mga magulang ay pinapayuhan ng Diyos na maging mga halimbawa, kasama, kausap, at mga guro.—Deuteronomio 6:6, 7.