Kapag ‘ang Hangin ay Pasalungat sa Atin’
Sa paglalarawan sa totoong-buhay na karanasan ng mga alagad ni Jesus habang nakikipagpunyagi sila na tawirin ang Dagat ng Galilea sa isang bangka, ang manunulat ng Ebanghelyo na si Marcos ay nagsabi na sila ay ‘nahihirapan sa kanilang pagsagwan, sapagkat ang hangin ay pasalungat sa kanila.’ Habang nasa dalampasigan pa lamang, nakita ni Jesus ang kanilang kalagayan at makahimalang lumakad sa dagat upang marating sila. Nang sumampa siya sa bangka na kasama nila, humupa ang hangin.—Marcos 6:48-51.
Ang manunulat ding iyon ng Bibliya ay nag-ulat na sa isang mas naunang pagkakataon, isang ‘malakas na bagyong-hangin ang nagpasimula.’ Sa pagkakataong iyon, “sinaway [ni Jesus] ang hangin . . . , at ang hangin ay humupa, at nagkaroon ng isang malaking katahimikan.”—Marcos 4:37-39.
Bagaman hindi tayo nagkapribilehiyo sa ngayon na masaksihan ang gayong makahimalang mga pangyayari, malaki ang ating matututuhan mula sa mga ito. Bilang di-sakdal na mga tao na nabubuhay sa mapanganib na mga panahon, hindi tayo ligtas sa mga hangin ng kagipitan. (2 Timoteo 3:1-5) Sa katunayan, kung minsan ay nadarama natin na ang kabagabagan na nauugnay sa personal na mga pagsubok ay umaabot na sa lakas ng bagyong-hangin. Ngunit mayroon namang lunas! Ipinaaabot ni Jesus ang paanyaya: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo.”—Mateo 11:28.
Kung waring ‘ang hangin ay pasalungat sa atin,’ makararanas tayo ng “isang malaking katahimikan” ng puso. Paano? Sa pamamagitan ng pagtitiwala sa di-nabibigong mga pangako ng Diyos na Jehova.—Ihambing ang Isaias 55:9-11; Filipos 4:5-7.