“Lalakad Ako sa Palibot ng Iyong Altar, O Jehova”
“HUHUGASAN ko ang aking mga kamay sa kawalang-sala, at lalakad ako sa palibot ng iyong altar, O Jehova.” (Awit 26:6) Inihayag ni Haring David nang sinauna sa mga salitang ito ang kaniyang debosyon kay Jehova. Gayunman, bakit siya ‘lalakad sa palibot’ ng altar ni Jehova, at sa anong diwa?
Para kay David, ang sentro ng pagsamba kay Jehova ay ang tabernakulo kasama na ang nababalot-ng-tanso na altar nito para sa paghahandog, na noong panahon ng kaniyang pamamahala ay masusumpungan sa Gibeon, sa hilaga ng Jerusalem. (1 Hari 3:4) Ang altar ay halos 2.2 metro kuwadrado lamang, mas maliit kaysa sa magarang altar na itatayo sa looban ng templo ni Solomon.a Gayunpaman, nakasumpong si David ng malaking kaluguran sa tabernakulo kasama na ang altar nito, na siyang sentro ng dalisay na pagsamba sa Israel.—Awit 26:8.
Sa altar isinasagawa ang pagsunog sa mga handog na sinusunog, mga haing pansalu-salo, at mga handog ukol sa pagkakasala, at ang taunang Araw ng Pagbabayad-sala ay nagtampok ng mga hain alang-alang sa bansa. Ang altar at ang mga hain nito ay may kahulugan para sa mga Kristiyano sa ngayon. Ipinaliwanag ni apostol Pablo na ang altar ay lumalarawan sa kalooban ng Diyos, na ayon dito ay tinanggap Niya ang angkop na hain para sa pagtubos sa sangkatauhan. Sinabi ni Pablo: “Dahil sa nasabing ‘kalooban’ ay pinabanal na tayo sa pamamagitan ng paghahandog ng katawan ni Jesu-Kristo nang minsanan.”—Hebreo 10:5-10.
Kapag maglilingkod na sa altar, kinaugalian na ng mga saserdote na hugasan ang kanilang mga kamay sa tubig upang linisin ang kanilang mga sarili. Angkop kung gayon na hinugasan ni Haring David ang kaniyang mga kamay “sa kawalang-sala” bago ‘lumakad sa palibot ng altar.’ Siya ay gumawi “taglay ang katapatan ng puso at taglay ang katuwiran.” (1 Hari 9:4) Kung hindi niya hinugasan ang kaniyang mga kamay sa ganitong paraan, ang kaniyang pagsamba—ang kaniyang ‘paglakad sa palibot ng altar’—ay hindi magiging karapat-dapat tanggapin. Siyempre pa, si David ay hindi isang Levita at wala siyang pribilehiyo na magsagawa ng paglilingkod bilang saserdote sa altar. Bagaman isang hari, hindi man lamang siya pinahihintulutan sa looban ng tabernakulo. Gayunpaman, bilang matapat na Israelita, sinunod niya ang Kautusang Mosaiko at palagiang nagdadala ng kaniyang mga hain upang ihandog sa altar. Lumakad siya sa palibot ng altar sa diwa na ginawa niyang sentro ng kaniyang buhay ang dalisay na pagsamba.
Matutularan ba natin sa ngayon ang halimbawa ni David? Oo. Maaari rin nating hugasan ang ating mga kamay sa kawalang-sala at lumakad sa palibot ng altar ng Diyos kung magsasagawa tayo ng pananampalataya sa hain ni Jesus at buong-pusong paglingkuran si Jehova ng ‘walang-sala ang mga kamay at dalisay ang puso.’—Awit 24:4.
[Talababa]
a Ang altar na iyon ay halos siyam na metro kuwadrado.
[Larawan sa pahina 23]
Inilalarawan ng altar ang kalooban ni Jehova, na sa pamamagitan nito’y tinatanggap niya ang isang angkop na hain para sa katubusan ng sangkatauhan