“Isang Huwaran ng Pagkakaisa”
IYAN ang titulo ng isang editoryal na inilathala sa isang pahayagan sa Indaiatuba, São Paulo, Brazil. Sino ang nagpakita ng huwaran? “Ang mga Saksi ni Jehova, na nagpaplanong magtayo ng bagong ‘Kingdom Hall,’ gaya ng tawag sa kanilang mga templo o mga awditoryum, ay nagpapakita ng mabuti at tunay na huwaran ng pagtutulungan na hindi maipagwawalang-bahala,” ang paliwanag ng manunulat.
Ang pagkakaisa sa gitna ng mga Saksi ni Jehova ay makikita sa gayong mga pagkakataon. Kaya, tinukoy ng artikulo: “Nakaaantig ng damdamin na makita ang mga boluntaryong lalaki, babae, at tin-edyer na kusang gumagawa nang magkakasama upang magtayo ng isang dako na doo’y maaari silang magtipon at sumamba sa Diyos.”
Nagpapakita rin ang mga Saksi ni Jehova ng mabuting halimbawa sa iba pang mga bagay. “Maliban sa pag-aaral at pananalangin, tunguhin nila na mapagbagong-buhay ang mga alkoholiko at mga sugapa sa droga at maituro sa mga tao ang daan ng pagkakaisa at pag-ibig,” dagdag pa ng editoryal. Paano nila naisasakatuparan ito? Batid ng mga Saksi na ang pag-aaral at pagkakapit ng mga payo sa Bibliya ay tumutulong sa isang tao na makalaya mula sa mga bisyo. Iyan ang dahilan kung bakit nagsisikap sila na ituro sa iba ang kanilang natutuhan mula sa Bibliya. Ang editoryal ay nagtapos sa pagsasabing ang kanilang ginagawa ay “isang halimbawa na, walang alinlangan, kailangang-kailangang tularan.”
Ang pulong ng mga Saksi ni Jehova ay bukas sa publiko at walang koleksiyon. Ikaw ay malugod na inaanyayahang dumalaw sa Kingdom Hall na malapit sa inyo.