Pandaigdig na Kapayapaan—Paano?
MALAPIT na nga bang makamit ang pandaigdig na kapayapaan? Gayon ang inisip ng marami noon subalit sila’y nag-aalinlangan na ngayon. Ayon sa isang ulat na tumatalakay sa mga hamon sa ating kinabukasan, na inilathala sa Daily Mail & Guardian ng Timog Aprika, “ang mga hula tungkol sa bagong kaayusan sa buong daigdig na ginawa 10 taon pa lamang ang nakararaan ay waring wala ngayong pag-asang matupad.”
Ipinababanaag ng mga awtor ang espiritu ng pag-asa na umiral noong nakalipas na mga dekada. Katatapos pa lamang ng Cold War, at wala na ang alitan ng makapangyarihang mga puwersa. At sa waring pagbubukang-liwayway ng bagong panahon, inaasahan ng marami na makagagawa ng malaking pagsulong ang sangkatauhan sa pagsugpo sa karalitaan, sakit, at mga problemang pangkapaligiran. “Ang mga hulang iyon ay waring walang pag-asang magkatotoo ngayon,” ang sabi ng ulat. “Sumiklab ang bagong mga digmaan sa mga lugar na hindi natin inaasahang magaganap ito; patuloy na lumalala ang karalitaan sa daigdig. May dalawang bansa na may bagong bombang nuklear. Nasira na nang husto ang reputasyon ng UN dahil sa kawalan ng kakayahan nitong tumugon sa sunud-sunod na mga krisis ng mga tao. Ang saloobin ay nagbabago mula sa imposibleng huwarang mga pagsulong tungo sa kalunus-lunos na guniguning mga kalagayan.”
Natatanto ng mga estudyante ng Bibliya na ang pagsisikap ng tao, gaano man ito kadakila, ay hindi kailanman lubusang magtatagumpay. Bakit hindi? Sapagkat, gaya ng sinasabi ng Bibliya, “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Samantalang nasa ilalim ng pagsupil ni Satanas, hindi mangyayari na maging Paraiso ang kalagayan sa daigdig na siyang layunin ng Diyos sa paglikha nito.
Kasabay nito, may saligan naman para umasa. Ipinangangako ng Diyos na Jehova na pasasapitin niya ang pandaigdig na kapayapaan, hindi sa pamamagitan ng pag-aayos ng sistemang ito ng mga bagay, kundi sa pamamagitan ng pagdadala ng “isang bagong lupa” kung saan “tatahan ang katuwiran.” (2 Pedro 3:13) Oo, sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos, ang ating globo ay magiging mapayapa at maligayang tahanan, kung saan ang buhay at gawain ay patuloy na makapagpapaligaya sa lahat ng masunuring sangkatauhan. Isa pa, ipinangangako ng Diyos na “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” Ang mga pangakong ito ay hindi nakasalig sa mabuway na mga hula ng tao. Sa halip, ang mga ito ay nakasalig sa siguradong Salita ng Maylalang, na hindi makapagsisinungaling.—Apocalipsis 21:4; Tito 1:2.