“Isang Bagay na Dapat Magdulot ng Kagalakan sa Lahat”
ANG Tuvalu, isang magandang bansa na binubuo ng siyam na isla sa Timog Pasipiko, ay may populasyon na humigit-kumulang sa 10,500. Gayunman, yamang natatanto “na ang kalooban [ng Diyos] ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan,” hinahangad ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon na magkaroon ng mga publikasyon sa Bibliya sa sarili nilang wika. (1 Timoteo 2:4) Ito’y naging hamon dahil walang diksyunaryong makukuha sa gayong wika. Noong 1979, ang hamon ay tinanggap ng isang misyonerong Saksi ni Jehova na naglilingkod sa Tuvalu. Silang mag-asawa ay nanirahang kasama ng isang pamilya sa lugar na iyon, pinag-aralan ang wika, at unti-unting nakabuo ng talasalitaan ng mga salitang Tuvaluano. Noong 1984, ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa ay inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc. sa wikang Tuvaluano.
Si Dr. T. Puapua, ang dating punong ministro ng Tuvalu, ay sumulat ng isang liham na nagpapahayag ng pagpapahalaga sa aklat na Mabuhay Magpakailanman. Sumulat siya: “Ang aklat na ito ay isa na namang bago at mahalagang karagdagan sa mahahalagang ‘yaman’ ng Tuvalu. Dapat na lubos kayong matuwa sa bahagi na inyong ginampanan—isang napakainam na bahagi sa pagpapasulong sa espirituwal na buhay ng mga tao sa bansang ito. Naniniwala ako na ang akdang ito ay mapapasulat sa kasaysayan ng Tuvalu may kinalaman sa paglilimbag ng mga nakapagtuturong aklat. . . . [Ang naisagawang] ito ay isang bagay na dapat magdulot ng kagalakan sa lahat.”
Ang talaan ng mga naipong salita ng tagasalin ang umakay sa paglalathala ng diksyunaryong Tuvaluano-Ingles noong 1993. Ito ang kauna-unahang diksyunaryong pampubliko sa wikang iyon. Kamakailan, humingi ng pahintulot ang National Language Board of Tuvalu na gamitin ito sa paggawa ng kanilang unang diksyunaryo sa lokal na wika.
Mula noong Enero 1, 1989, ang buwanang edisyon ng magasing Bantayan ay inilalathala na sa wikang Tuvaluano. Kung nagbabasa ka ng magasing ito sa iyong pangalawang wika, bakit hindi tingnan ang pahina 2 kung ang iyong katutubong salita ay kasama sa mga wikang ginagamit sa paglalathala ng Ang Bantayan? Ang pagbabasa nito sa iyong katutubong wika ay walang alinlangang magdudulot sa iyo ng higit pang kagalakan.