Mga Namamalaging Impresyon
BAWAT taon, ang mga Saksi ni Jehova sa kani-kanilang bansa ay nagsasama-sama sa mga asamblea at kombensiyong Kristiyano. Ginagawa nila ito upang tamasahin ang pagtuturo at pagsasamahan na nakapagpapatibay sa espirituwal. Ngunit ang iba pang mga aspekto ng kanilang mga pagtitipon ay maaaring makapag-iwan din ng namamalaging impresyon sa mga bisita.
Halimbawa, noong Hulyo 1999, libu-libong Saksi sa Mozambique ang nagtipon sa loob ng tatlong kasiya-siyang araw sa “Makahulang Salita ng Diyos” na mga Pandistritong Kombensiyon. Marami sa mga naroroon ang dumalo sa isang kombensiyon sa kauna-unahang pagkakataon. Humanga sila hindi lamang sa mga salitang narinig nila mula sa plataporma kundi gayundin sa nakita nila sa kanilang paligid.
Ang isang naging komento sa Maputo Assembly Hall ay: “Hindi pa ako nakakita ng ganito kagandang lugar sa buong buhay ko! Ang mga banyo ay may sabon at mga salamin, at amoy-malinis pa nga ang mga ito. Mapayapa ang kapaligiran at walang ingay ng mga batang nag-aaway. At walang tulakan! Nakakita ako ng masasayang kabataan na ang pinag-uusapan ay mga bagay na nakapagpapatibay. Humanga rin ako dahil bihis na bihis ang lahat. Sa susunod na pagkakataon, isasama ko ang aking mga anak at kukumbinsihin ko ang aking mister na dapat naming daluhan ang kombensiyong ito.”
Oo, ang pagkamatapat, integridad, at pisikal na kalinisan ng mga Saksi ni Jehova ay napapansin. Bakit kaya naiiba ang mga Saksi? Sapagkat talagang sinisikap nilang ikapit ang kanilang natututuhan mula sa Bibliya. Bakit hindi makipagtipong kasama nila sa taóng ito sa kanilang pambansang mga kombensiyon o sa kanilang lingguhang mga pulong sa lokal na Kingdom Hall upang masaksihan mo mismo?
[Larawan sa pahina 32]
ZAMBIA
[Larawan sa pahina 32]
KENYA
[Larawan sa pahina 32]
MOZAMBIQUE