‘Ang Pag-ibig Ninyong Lahat ay Lumalago’
MARAMING likas na kasakunaan ang sumapit sa Hapon noong 2004. Kabilang sa mga ito ang bagyo, baha, at lindol. Malulubha ang naging epekto nito sa buhay ng marami, pati na sa buhay ng mga Saksi ni Jehova. (Eclesiastes 9:11) Subalit ang mga kapighatiang ito ay nagbigay ng mga pagkakataon sa mga Saksi upang ipakita sa isa’t isa ang pagmamahal na pangkapatid.—1 Pedro 1:22.
Halimbawa, dahil sa malakas na pag-ulan noong Hulyo, umapaw ang mga pampang ng isang ilog sa sentral Hapon. Sinira ng baha ang mahigit 20 tahanan ng mga Saksi ni Jehova. Sa isang Kingdom Hall, tumaas nang halos 1 metro ang tubig. Agad-agad na tumulong ang mga Saksi mula sa karatig na mga kongregasyon. Daan-daang boluntaryo ang naglinis ng mga bahay na punô ng putik. Lubusang nalinis at nakumpuni ang Kingdom Hall sa loob lamang ng dalawang linggo.
Noong Oktubre 23, nagkaroon din ng lindol sa lugar na iyon na may sukat na 6.8 sa Richter scale. Di-kukulangin sa 40 buhay ang nasawi, at mahigit 100,000 katao ang kinailangang ilikas mula sa kanilang mga tahanan. Naputol ang suplay ng tubig, gas, at kuryente. Bagaman 50 kilometro lamang ang layo ng sentro ng lindol, hindi nito nasira ang kakukumpuning Kingdom Hall. Agad itong naging pansamantalang sentro sa pagtulong. Mabilis na inalam ng mga tagapangasiwang Kristiyano ang kalagayan ng kanilang mga kapananampalataya at napawi ang kanilang pangamba nang malaman na walang isa mang nasaktan o nasawi. Maaga pa kinabukasan, anim na Saksi na naging biktima ng baha noong Hulyo ang sabik na nagboluntaryo upang maghatid ng pagkain at tubig sa nasalantang lugar. Mga ilang oras lamang pagkalindol, dumating na ang mga tulong na panustos.
“Itinuring ng mga naging biktima ng baha na ang gawaing pagtulong sa mga naapektuhan ng lindol ay isang pagkakataon upang ipahayag ang kanilang pasasalamat sa tulong na tinanggap nila mismo noon,” ang sabi ng isang tagapangasiwa. “Nagtrabaho sila nang husto mula madaling-araw hanggang hatinggabi. At mababakas talaga ang kaligayahan sa kanilang mukha!”
Kahit ang mga baha o lindol ay hindi banta sa bigkis ng pag-ibig na nagbubuklod sa kapatirang Kristiyano ng mga Saksi ni Jehova. Sa kabaligtaran, kapag sumapit ang gayong mga sakuna, nararanasan ng mga Kristiyano ang sinabi ni apostol Pablo sa mga kapananampalataya niya sa Tesalonica: “Ang pag-ibig ng bawat isa at ninyong lahat ay lumalago sa isa’t isa.”—2 Tesalonica 1:3.