Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w06 10/1 p. 32
  • Paglalayag sa Malawak na Karagatan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paglalayag sa Malawak na Karagatan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
w06 10/1 p. 32

Paglalayag sa Malawak na Karagatan

ANG Marshall Islands ay binubuo ng mahigit na 1,200 isla at maliliit na pulo, na karamihan ay ilang metro lamang ang taas mula sa kapantayan ng dagat. Kapag napalayo ka lamang nang kaunti, hindi mo na makikita ang mga islang ito. Gayunman, kayang-kaya ng mga sinaunang marinerong Marshallese, sakay ng kanilang mga bangkang may katig, na maglayag mula sa maliliit na isla patungo sa maliliit na pulo, anupat nalalaman nila kung saan sila patungo sa humigit-kumulang 2 milyong kilometro kuwadrado na lawak ng Karagatang Pasipiko. Paano nila nagagawa ito? Naging gabay nila ang paggamit ng simple ngunit napakabisang “mga mapa” na tinatawag na mga tsart na patpat.

Dahil sa karanasan, natutuhan ng mga nabiganteng Marshallese na ang lupa ay lumilikha ng partikular na mga padron ng alon na nagsisiwalat sa lokasyon ng isang isla nang hanggang 30 kilometro ang layo. Maraming padron ng alon na dapat matutuhan, at ang mga tsart na patpat ang nagsisilbing mga pantulong sa memorya. Ano ba ang hitsura ng mga tsart na patpat? Gaya ng makikita mo sa larawan, ang mga patpat na gawa sa pahabang piraso ng mga ugat ng pandan o mga tingting ng niyog ay pinagkakabit-kabit upang magsilbing pinakapadron ng mga alon. Idinidikit dito ang maliliit na kabibi upang maging tanda ng relatibong posisyon at agwat ng mga isla.

Sa loob ng maraming taon, inilihim ang paggamit ng tsart na patpat sa paglalayag, at isinisiwalat lamang sa ilang piniling indibiduwal. Paano matututuhang gamitin ng isang baguhang nabigante ang tsart na patpat? Tanging sa pamamagitan lamang ng pagsasanay at aktuwal na paggamit nito. Pribadong tinuturuan ng isang makaranasang nabigante ang bagong magdaragat, marahil isinasama siya sa mga paglalakbay sa kalapit na mga isla. Habang natututuhan ng baguhan na makilala ang mga padron ng alon, nagkakaroon siya ng kumpiyansa sa paggamit sa kaniyang tsart na patpat. Sa kalaunan, kaya na niyang maglayag nang mag-isa sa karagatan.

Sa katulad na paraan, ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay maaaring maging giya natin sa paglalakbay sa buhay. Sa simula, maaari tayong tulungan ng iba na magtamo ng saligang kaunawaan sa Kasulatan. Pagkatapos, habang nagpapatuloy tayo sa pag-aaral ng Salita ng Diyos at ikinakapit ang mga simulain nito, nalilinang natin ang pagtitiwala sa sinasabi nito. Sinabi kay Josue, na lider ng mga Israelita, na patuloy na basahin ang Salita ng Diyos upang “maingatan [niyang] gawin ang ayon sa lahat ng nakasulat dito.” “Sa gayon,” ang sabi ng Diyos kay Josue, “gagawin mong matagumpay ang iyong lakad at sa gayon ay kikilos ka nang may karunungan.” (Josue 1:8) Oo, ang Bibliya ay maaaring maging mapa natin tungo sa isang maaasahan at matagumpay na landasin sa buhay.

[Picture Credit Line sa pahina 32]

© Greg Vaughn

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share