Maitutuwid ba ang Isang Hukom?
SI Sladjana, isang Saksi ni Jehova sa Croatia, ay nakaiskedyul na humarap sa hukuman upang ayusin ang mga bagay-bagay hinggil sa pananalapi. Dumating siya sa hukuman sa takdang oras upang humarap sa hukom. Pero nahuling dumating ang isa na kasama sa kaso. Nanabik si Sladjana na magpatotoo, kaya habang naghihintay ang lahat, lakas-loob siyang nakipag-usap sa hukom.
“Ginoo, alam n’yo po ba na di-magtatagal, wala nang mga hukom at mga hukuman sa lupa?” ang tanong niya. Siyempre, ang tinutukoy niya ay ang sekular na mga hukom.
Palibhasa’y nagulat, tiningnan lamang siya ng hukom, at hindi umimik. Pagkatapos, nagsimula na ang pagdinig. Nang matapos ito at tumayo si Sladjana para pirmahan ang isang dokumento, bumulong ang hukom sa kaniya: “Sigurado ka ba sa sinabi mo sa akin kanina, na di-magtatagal, wala nang mga hukom at mga hukuman sa lupa?”
“Opo, Ginoo. Siguradung-sigurado po ako!” ang tugon ni Sladjana.
“Ano ang patotoo mo riyan?” ang tanong ng hukom.
“Mababasa po ito sa Bibliya,” ang sagot ni Sladjana.
Sinabi ng hukom na gusto niyang mabasa ang patotoong ito, pero wala siyang Bibliya. Kaya nag-alok si Sladjana na bigyan siya ng kopya. Dinalaw ng mga Saksi ang hukom, binigyan siya ng Bibliya, at hinimok siyang tanggapin ang iniaalok nilang lingguhang pag-aaral sa Bibliya. Tinanggap ng hukom ang alok at di-nagtagal, naging isang Saksi ni Jehova.
Bilang hula, sinabi sa Awit 2:10: “Ngayon, O mga hari, gumamit kayo ng kaunawaan; hayaan ninyong maituwid kayo, O mga hukom sa lupa.” Talagang nakaaantig ng puso kapag mapagpakumbabang tinatanggap ng gayong mga tao ang maibiging patnubay ni Jehova!
[Larawan sa pahina 32]
Si Sladjana kasama ang hukom