Parangalan ang Maylikha ng Lahat ng mga Bagay
1 Noong ika-19 na siglo, gumawa si Satanas ng tusong pakana upang bulagin ang sangkatauhan—ang teorya ng ebolusyon. (2 Cor. 4:4) Ang teoryang ito ay isang hayagang pagtatatuwa sa ulat ng Bibliya hinggil sa paglalang at sa pagkahulog ng tao sa kasalanan. Winawalang kabuluhan nito ang haing pantubos ni Jesus at ang turo ng Bibliya hinggil sa Kaharian at sa walang hanggang buhay. Karagdagan pa, ang teorya ng ebolusyon ay nagbibigay-daan sa karahasan at digmaan, seksuwal na kahalayan, at sa lahat ng uri ng katampalasanan. Sino ang magbibigay-babala sa sangkatauhan hinggil sa mga panganib ng nakamamatay na turong ito?
2 Sa buwan ng Hulyo ay gagawin natin ito, yamang tayo’y magiging abala sa pagsasabi ng hinggil sa pagiging maylikha ni Jehova. Sa ministeryo sa bahay-bahay, sa gawain sa lansangan, sa mga panahon ng pamamahinga sa trabaho, at sa paaralan, ay ating itatampok ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? Nanaisin nating matutuhan ng bawat isa kung papaanong ang teorya ng ebolusyon ay nakasisirang puri sa Maylikha ng sangkatauhan.
3 Magbigay ng Mabisang Patotoo: Kapag nagpapatotoo nang impormal o sa bahay-bahay, nanaisin ninyong buksan ang pag-uusap sa pamamagitan ng pagsipi sa sinasabi ng ilang mga tao hinggil sa ebolusyon. Bagaman maaaring nakabasa o nakarinig ang isa ng mga argumento at mga pagtatalo sa paksang ito, tiyak na magugustuhan niya ang tuwirang pananalita ng Bibliya sa bagay na ito. Pagkatapos ay bumaling sa sinasabi ng Hebreo 3:4. Basahin ang teksto at kumentuhan ito sa maikli.
4 Kapag lumilitaw na relihiyoso ang tao, maaari ninyong sabihin na maging ang mga taong relihiyoso ay kadalasan ding nagbibigay ng kapurihan sa “Kalikasan” sa halip na sa Diyos bilang puwersa na nasa likuran ng lahat ng kamangha-manghang mga bagay na nakikita natin sa palibot. Subalit maliwanag na ipinakikilala ng Bibliya ang maylikha ng kagilagilalas na sansinukob. Maaaring akayin ang pansin sa Apocalipsis 4:11. Maiuugnay ninyo ang isa o dalawang tiyak na punto sa aklat na Creation at kung angkop, pasiglahin siyang basahin iyon.
5 Sa Paaralan: Sa muling pagbubukas ng paaralan, kayong lahat ng mga kabataang lingkod ni Jehova ay magnanais na magrepaso sa inyong aklat na Creation at isaalang-alang ang mga paraan kung papaano magkakainteres dito ang inyong kapuwa mga estudiyante at mga guro. Nasumpungan ng ilan na ang basta pag-iiwan ng publikasyon sa kanilang mesa ay umaakay sa pag-uusap. Iniharap ng ilan sa mga guro at mga administrador ng paaralan ang paksa hinggil sa paglalang at sila’y nakapaglagay ng maraming aklat sa ganitong paraan.
6 Ikinagagalak nating lahat ang pag-asang mabuhay sa isang sanlibutan na doo’y magbibigay ang lahat ng karangalan kay Jehova, gaya ng ipinahahayag ng mga salita sa Apocalipsis 4:11. Kaya gamitin natin ang aklat na Creation upang parangalan siya sa ating ministeryo sa Hulyo.