Paggamit ng Brochure na “Narito!” sa mga Pagdalaw Muli
1 Batid ni apostol Pablo ang kahalagahan ng pangangalaga doon sa mga nagpakita ng interes sa katotohanan. Sila’y itinulad niya sa mga murang halaman na nangangailangan ng regular na pagdidilig at paglilinang. (1 Cor. 3:6-9) Gayundin sa ngayon, ang mga taong interesado ay nangangailangan ng mapagmahal na pangangalaga na maibibigay natin kapag tayo ay gumagawa ng mga pagdalaw muli upang linangin ang kanilang espirituwal na paglago.
2 Sa bawat pagdalaw muli makabubuting repasuhin sa maikli ang inyong tinalakay sa nakaraan ninyong pagdalaw, na binibigyang pansin ang mga puntong nagustuhan ng maybahay. Akayin sa pag-uusap ang maybahay at alamin ang kaniyang mga interes at pangangailangan.
3 Sa pagdalaw muli, nakapaglagay man o hindi ng brochure na “Narito!”, nanaisin ninyong gamitin ang paraang ito sa pagbubukas ng isang pag-aaral:
◼ “Marami sa mga taong aming nakausap ang nakasumpong ng mga kasagutan sa kanilang mga katanungan sa Bibliya sa pamamagitan ng brochure na ito.” Pagkatapos na bumaling sa 12 mga katanungan sa pahina 30 ng brochure na “Narito!”, maaari kayong magtanong: “Alin sa mga tanong na ito ang nais ninyong masagot?” Bumaling sa pahina na sumasagot sa tanong at ipakita sa maybahay ang mga tanong sa bawat parapo. Saklawin ang ilang punto at gumawa ng tiyak na mga kaayusan upang dumalaw muli.
4 Ang isa pang paraan ay maaaring ganito:
◼ “Tunay na naging kasiyasiya sa akin ang ating pag-uusap noong nakaraang linggo. Maraming tao ang nagtataka kung bakit kami patuloy na dumadalaw sa kanilang tahanan. Sa palagay ko’y magiging interesado kayo sa komento dito sa pahina 26 ng brochure na ito. [Ipakita ang ilustrasyon ng pag-aaral sa Bibliya at basahin ang bahagi ng mga parapo 51 at 52.] Salig sa ating binasa rito, ano ang masasabi ninyong kahilingan upang makapasok sa Paraiso?” Hayaang sumagot at gumawa ng kaayusan sa pagbabalik upang ipagpatuloy ang pag-aaral.
5 Sa pagdalaw muli sa napaglagyan ng brochure na “Narito!”, maaari ninyong sabihin:
◼ “Noong huli akong dumalaw, ating pinag-usapan ang mga kalagayan sa daigdig na nangangailangan ng pagbabago. Naisip na ba ninyo kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kabalakyutan?” Hayaang sumagot at bumaling sa pahina 15, parapo 27-9, na isinasaalang-alang ang mga tanong sa pag-aaral. Basahin at talakayin ang mga parapo.
6 Kapag Nakapag-iwan ng Tract: Kung minsan ay nakapag-iiwan ng tract sa unang pagdalaw. Sa pagdalaw muli, maaari ninyong talakayin ang isa o dalawang parapo mula sa tract pati na ang mga binanggit na kasulatan. Pagkatapos ay ipakita kung papaanong ang isa sa mga kasulatan sa tract ay tinalakay nang higit na detalyado sa brochure na “Narito!” Kung nagpakita ng interes ang indibiduwal, nanaisin ninyong mag-alok ng brochure at gumawa ng kaayusan upang ipagpatuloy ang pag-uusap sa susunod ninyong pagdalaw.
7 Habang may katapatan nating dinidilig ang murang halaman ng Kristiyanong pananampalataya na nasa ating pangangalaga, palalaguin ito ng Diyos ukol sa kaniyang kapurihan at kaluwalhatian.—1 Cor. 3:7.