Pagbabalik Taglay ang Tunguhing Magpasimula ng Pag-aaral sa Bibliya
1 Pagkatapos masumpungan ang isang taong interesado, dapat nating panatilihing buháy ang interes. Ang paggawa ng mga pagdalaw muli ay maaaring umakay sa mga pag-aaral sa Bibliya. Isaalang-alang ang mga mungkahing ito sa pagsasagawa ng mabibisang pagdalaw-muli.
Sa katapusan ng unang pagdalaw, maaari ninyong ilatag ang pundasyon para sa pagdalaw muli sa pamamagitan ng pagtatanong:
◼ “Naisip na ba ninyo kung bakit napakaraming relihiyon?” Sa pagbabalik maaari ninyong sabihin: “Sa nakaraang kong pagdalaw, napag-usapan natin kung bakit napakaraming relihiyon. Nais kong basahin ang isang kapanapanabik na bagay na nasumpungan ko hinggil sa katanungang ito.” Bumaling sa pahina 359 ng aklat na Nangangatuwiran (pahina 322 sa Ingles) at basahin ang seksiyon sa ilalim ng sub-titulong “Bakit ganiyang karami ang mga relihiyon?”
2 Ang Diyos ba ay nasa lahat ng relihiyon? Upang ang Diyos ay sumaisang relihiyon, dapat na ito’y nagluluwal ng matuwid na bunga.
Upang mapasimulan ang isang pagdalaw muli, maaari kayong magtanong:
◼ “Papaano dapat makaapekto ang relihiyon sa paggawi ng isang tao? Ang sinabi ni Jesus sa Mateo 7:17-20 ay nagbibigay sa atin ng tuntunin na dapat sundin ng tunay na relihiyon.” Basahin ang kasulatan mula mismo sa katapusan ng parapo 19 sa pahina 12 ng aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos. Pagkatapos ay tanungin ang maybahay kung ano ang nakikita niya sa larawan sa pahina 13. Pagkatapos, basahin ang unang dalawang pangungusap sa parapo 20. “Ang karahasang ito ay nagpapakilala sa mga relihiyon na hindi sumusunod sa tagubilin ni Jesus na ibigin ang isa’t isa kahit na ang ating mga kaaway. Sa susunod kong pagdalaw, marahil ay mapag-uusapan natin kung anong mabubuting bunga ang dapat iluwal ng tunay na relihiyon.”
3 Ano ang magiging kinabukasan ng mga humahanap sa tunay na Diyos? Ang pag-uusap sa katanungang ito mula sa aklat na Paghahanap sa Diyos ay maaaring humantong sa isang pag-aaral sa Bibliya.
Upang pasimulan ang pag-uusap, maaari ninyong sabihin:
◼ “Dahilan sa mga suliranin sa ekonomiya, maraming tao ang nag-iisip kung magkakaroon pa ba sila ng positibong pangmalas sa kinabukasan. Subalit ang Bibliya ay nagpapatibay sa bagay na ito. Hayaan ninyong ipakita ko ang pangako ng Diyos sa Isaias 65:21, 22, 25. [Basahin at komentuhan sa maikli.] Ang aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos ay sumasagot sa ilang kapanapanabik na katanungan hinggil dito, pasimula sa parapo 17 sa pahina 372.” Pagkatapos ay itanghal ang isang pag-aaral sa Bibliya na ginagamit ang mga parapo 17-20. “Sa susunod na linggo nais kong talakayin ang katanungang, Ano ang pundasyon para sa isang bagong sanlibutang ipinangako sa Bibliya?”
4 Gamiting may katalinuhan ang panahong nalalabi upang makapagbigay ng puspusang patotoo. (Ihambing ang Gawa 20:21.) Ang paggawa ng mga pagdalaw muli taglay ang tunguhing mapasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya ay maaaring mangahulugan ng buhay na walang hanggan para doon sa mga pinangangaralan natin.