Kayo Ba ay Mag-aauxiliary Payunir sa Nobyembre o Disyembre?
1 Pinasigla ni Jesus ang kaniyang mga alagad na gamiting lubos ang kanilang sarili sa ministeryo, at tiniyak sa kanila na ang paggawa nito ay magdudulot sa kanila ng kaligayahan at ng maraming espirituwal na pagpapala. (Mat. 10:8b; Gawa 20:35) Nang nakaraang Nobyembre 2,307 indibiduwal sa Pilipinas ang nagtamasa ng mga pagpapala ukol sa higit na gawain bilang mga auxiliary payunir, samantalang noong Disyembre 4,307 ang nakibahagi sa gawaing ito. Kayo ba ay maaaring pumasok bilang auxiliary payunir sa Nobyembre o Disyembre o kaya’y sa loob ng dalawang buwan?—Awit 34:8.
2 Sa mga buwang ito ang panahon ay kadalasang higit na kaayaaya pagkatapos ng tag-ulan at lalo sa Disyembre na may mga bakasyon sa paaralan anupat mas madali ang pag-aauxiliary payunir. Bagaman ang mga pandistritong kombensiyon ay idaraos sa katapusan ng Disyembre, may tatlong linggo pa rin sa buwang ito na maaaring magamit sa pag-aauxiliary payunir.
3 Bakit hindi gumawa ng positibong mga plano ngayon upang mag-auxiliary payunir sa Nobyembre at Disyembre? Upang maging matagumpay, ang maingat na pagpaplano ay kailangan. Makipag-usap sa iba na nakapagpayunir kahit na may mga sekular na trabaho at pampamilyang pananagutan. Maaari kayong makinabang mula sa kanilang karanasan. Gayundin, lumapit kay Jehova sa panalangin, na hinihiling ang kaniyang tulong.—Isa. 40:29-31; Sant. 1:5.
4 Kapag posible para sa ilang mga matatanda at ministeryal na lingkod na mag-auxiliary payunir, makapagpapatibay sa iba kung gagawin ang patalastas hinggil sa kanilang atas bago matapos ang Oktubre. Kadalasan ang mga kapatid ay napatitibay na magpatala kapag nalaman nila na may mga kapatid na lalake na mangunguna at sila’y hindi nag-iisa sa kanilang pagpapayunir.
5 Walang alinlangan na marami ang kagalakan niyaong nagsasaayos na maglingkod bilang mga auxiliary payunir. Maaari bang tamasahin ninyo ang pribilehiyong ito sa Nobyembre at Disyembre? Kung pagsisikapan ninyong mapalawak ang inyong pribilehiyo na ibahagi ang mabuting balita sa iba, tiyak na ibubuhos ni Jehova sa inyo ang mayamang pagpapala.—Mal. 3:10.