Panatilihing Nakapako ang Inyong mga Kaisipan sa mga Bagay na Nasa Itaas
1 Sa pagkokomento hinggil sa salinlahi ngayon at sa pangmalas nito sa kinabukasan, isang artikulo sa The New York Times ng Disyembre 31, 1994, ang nagsabi: “Ang mga tao ay natatakot sa kinabukasan. Sila’y natatakot tungkol sa mga trabaho, may kinalaman sa mga sakit, may kinalaman sa ekonomiya, may kinalaman sa mga kalagayan sa daigdig.” Saanman tayo tumingin, waring may kawalang katiyakan sa buhay. Bagaman tayong mga Saksi ni Jehova ay nakaharap din sa mga problema na gaya ng sa kanila, ang ating pananampalataya at pagtitiwala sa tiyak na mga pangako ng Salita ng Diyos ay nagpapangyari na tayo’y magkaroon ng kakaibang pangmalas sa buhay at sa kinabukasan.—Isa. 65:13, 14, 17.
2 Ang ating positibong pagtingin at pangmalas sa tiyak na pag-asa ay nagpapangyari sa maraming tapat-pusong tao na makinig sa mensahe na dala natin sa kanila. Maraming indibiduwal na nakadarama ng panlulumo at pagkaapi ang nakasusumpong ng kaaliwan sa pakikipag-usap sa atin. Dahilan sa nagugustuhan nila ang kanilang naririnig, ang iba ay pumapayag na makipag-aral sa atin ng Bibliya. Gayunpaman, kung minsan, nais muna ng mga tao na pag-usapan ang kanilang personal na mga problema. Bagaman ilang panahon ang maaaring gugulin sa pakikinig sa personal na pagkabalisa ng isa, hindi natin dapat kaligtaan ang ating tunguhin, na turuan sila ng positibong mga katotohanan ng Salita ng Diyos.
3 Nais nating maging madamayin doon sa mga nabibigatan. Si Jesus ay naglaan ng halimbawa nang sabihin niya ang nakaulat sa Mateo 11:28: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan.” Nais nating patibayin ang mga tao sa gayon ding paraan. Gayunpaman, pansinin na sa pagtatapos ng talatang 28, sinabi ni Jesus: “Pananariwain ko kayo.” Iyon ang dapat na maging pakay natin. Ginagawa natin iyon sa pamamagitan ng paglalaan sa kanila ng nakagiginhawang mga pangako mula sa Salita ng Diyos. Sa pagiging isang mabuting tagapakinig naipamamalas nito ang ating personal na interes at ito’y mahalaga sa pagtupad sa ating atas na mangaral, at tulungan ang iba na kilalaning ang Kaharian ang tangi lamang lunas sa lahat ng problema ng sangkatauhan.—Mat. 24:14.
4 Ang ating gawain ay hindi gaya ng mga dalubhasang propesyonal na tagapangalaga ng kalusugan. Sa halip, gaya ng ipinaliwanag ni Pablo sa 1 Timoteo 4:6, ang atin ay isang ministeryo ng “mainam na turo,” ang pagtuturo na nasusumpungan sa Salita ng Diyos. Yaong may personal o emosyonal na mga problema kaypala’y nangangailangan ng pampatibay-loob upang umasa kay Jehova. Turuan silang ingatan ang kanilang ‘kaisipan na nakapako sa mga bagay na nasa itaas’—mga bagay na may kaugnayan sa pag-asa sa Kaharian. (Col. 3:2) Kapag iniingatan ng mga tao na ang kanilang pansin ay nakapako sa Salita ng Diyos, sila’y mapatitibay bilang resulta ng makapangyarihang impluwensiya nito sa kanilang buhay.—Heb. 4:12.
5 Kaya ang ating tunguhin ay ang tulungan ang mga tao na ipako ang kanilang pag-iisip sa mga bagay na ‘matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kapuri-puri.’ (Fil. 4:8) Kapag ipinako nila ang pansin sa pag-asa ng Kaharian, sila man ay makararanas ng kagalakang dulot ng kaalaman na sa wakas ay lulutasin ni Jehova ang lahat ng kanilang problema sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian.—Awit 145:16.