Pagpalain si Jehova “Buong Araw”
1 Sinabi ni Haring David sa Awit 145:2: “Buong araw ay pagpapalain kita, at aking pupurihin ang pangalan mo hanggang sa panahong walang takda, magpakailan pa man.” Papaano natin matutularan ang halimbawa ni David sa pagpuri kay Jehova “buong araw”?
2 Punuin ang Ating mga Puso ng Pagpapahalaga kay Jehova: Ang regular na pag-aaral ng Salita ng Diyos ay nagpapalalim sa ating pagtanaw ng utang-na-loob sa ginawa ni Jehova at gagawin pa para sa atin. Habang lumalaki ang ating pagpapahalaga, lalong mag-uumapaw ang ating pagdakila sa kaniyang kabutihan. (Awit 145:7) May pananabik nating pupurihin si Jehova araw-araw.
3 Purihin si Jehova sa Araw-Araw na Pag-uusap: Kapag nakikipag-usap sa mga kapitbahay, mga kamag-aral, mga kamanggagawa at sa iba pang nakakasalamuha natin sa araw-araw, makasusumpong tayo ng pagkakataon na ibahagi ang ating pag-asa sa kanila. Ang kapitbahay ay maaaring magpahayag ng pagkabahala sa krimen sa komunidad; ang kamag-aral ay maaaring nababalisa may kaugnayan sa pag-aabuso sa droga o imoralidad; ang kamanggagawa ay maaaring magpahayag ng opinyon hinggil sa ilang isyung politikal. Maaari nating ituro ang Salita ng Diyos upang ipakita ang wastong landasin na dapat kunin ngayon at ang pangwakas na lunas sa mga suliraning ito. Ang gayong mga salitang sinabi sa “tamang panahon” ay maaaring maging isang pagpapala!—Kaw. 15:23.
4 Magsalita Hinggil kay Jehova sa Buong Panahon: Ang isang tao na may malalim na pagpapahalaga kay Jehova ay magnanais na ibahagi ang mabuting balita sa lalong marami hangga’t maaari. (Awit 40:8-10) Anupat maitatanong natin sa sarili, ‘Ginagawa ko ba ang lahat ayon sa ipinahihintulot ng aking mga kalagayan?’ Nasumpungan ng marami na sa paggawa ng ilang mga pagbabago, sila ay nakapag-regular pioneer. Kung ang ating mga kalagayan ay hindi nagpapahintulot nito, maaari ba tayong magpatala bilang mga auxiliary pioneer? Yamang ang panahon ng Memoryal ay isang panahon para sa pinalawak na gawain, ang mga buwan ng Marso, Abril, at Mayo ay magsisilbing isang mainam na panahon upang mag-auxiliary pioneer.
5 Tulungan ang mga Baguhan na Sumama sa Atin Upang Pagpalain si Jehova: Ang pagdiriwang ng Memoryal ng kamatayan ni Jesus ay laging nagpapaalaala sa atin sa mga dahilan upang pagpalain si Jehova. Ito ay isang mabuting panahon upang pasiglahin ang ating mga estudyante sa Bibliya na sumama sa atin sa pagsasalita sa madla hinggil sa paghahari ni Jehova. Himukin silang isaalang-alang ang binanggit sa mga parapo 7-9 sa mga pahina 173-5 ng aklat na Kaalaman. Kung sila’y kuwalipikado, hindi sila dapat mag-atubili dahilan lamang sa kawalan nila ng karanasan. Kung magtitipon sila ng tibay-ng-loob upang mangaral, makapagtitiwala sila na ang tulong ay tatanggapin nila mula sa may kakayahang mga mamamahayag at mula kay Jehova.—Gawa 4:31; 1 Tes. 2:2.
6 Nadudulutan natin ng walang-hanggang kapakinabangan ang ating sarili at gayundin ang iba kapag sinisikap nating pagpalain si Jehova buong araw.