Tanong
◼ Kapag hinilingan ang kongregasyon na tumulong sa pagsasaayos ng libing, ang sumusunod na katanungan ay maaaring bumangon:
Sino ang magbibigay ng pahayag sa libing? Ito ay dapat pagpasiyahan ng mga miyembro ng pamilya. Maaari nilang piliin ang sinuman sa bautisadong kapatid na lalaki na may mabuting katayuan. Kung ang lupon ng mga matatanda ay hinilingang maglaan ng isang tagapagsalita, kadalasang pipili sila ng isang may kakayahang matanda upang magbigay ng pahayag salig sa balangkas ng Samahan.
Maaari bang gamitin ang Kingdom Hall? Oo, kung nagpahintulot ang lupon ng matatanda at kung ito ay hindi makahahadlang sa regular na iskedyul ng mga pulong. Ang bulwagan ay maaaring gamitin kung ang namatay ay may malinis na reputasyon at isang miyembro ng kongregasyon o menor-de-edad na anak ng isang miyembro. Kung ang indibiduwal ay lumikha ng kasiraan sa madla dahilan sa di-Kristiyanong pag-uugali, maaaring magpasiya ang matatanda na hindi magpahintulot na gamitin ang bulwagan.—Tingnan ang aklat na Ating Ministeryo, pahina 62-3.
Karaniwan na, ang mga Kingdom Hall ay hindi ginagamit sa libing ng di-kapananampalataya. Ang isang eksepsiyon ay maaaring gawin kung ang nabubuhay na mga miyembro ng pamilya ay aktibong kasamahan bilang bautisadong mga mamamahayag, at ang namatay ay kilala ng mga ilang mamamahayag sa kongregasyon na pabor sa katotohanan at may mabuting reputasyon sa komunidad, at na walang makasanlibutang kaugalian ang ihahalo sa programa. Walang anumang dapat gawin na makasusugat sa damdamin ng kongregasyon o sisira sa reputasyon nito.
Kapag pinahintulutan ang paggamit ng Kingdom Hall, isasaalang-alang ng matatanda kung karaniwang inaasahan na makikita doon ang kabaong. Kung gayon, maaari nilang pahintulutan na madala iyon sa bulwagan.
Ano naman ang tungkol sa libing ng mga taong taga-sanlibutan? Kung ang namatay ay may mabuting reputasyon sa komunidad, isang kapatid ang maaaring magbigay ng nakaaaliw na pahayag sa Bibliya sa punerarya o sa libingan. Hindi papayag ang kongregasyon na magsaayos ng libing para sa mga kilala dahilan sa imoral, labag sa batas na paggawi o may istilo ng pamumuhay na kasalungat ng mga simulain ng Bibliya. Ang isang kapatid ay tiyak na hindi makikisali sa isang klero sa pagsasagawa ng serbisyo ng haluang pananampalataya ni sa libing na ginagawa sa simbahan ng Babilonyang Dakila.
Ano kung ang namatay ay tiwalag? Ang kongregasyon ay hindi karaniwang masasangkot, ni ipagagamit ang Kingdom Hall. Kung ang tao ay nagpapakita ng katunayan ng pagsisisi at nagpapamalas ng pagnanais na makapanumbalik, ang budhi ng isang kapatid ay maaaring magpahintulot sa kaniya na magbigay ng pahayag sa Bibliya sa punerarya o sa libingan, upang magbigay ng patotoo sa mga di-kapananampalataya at aliwin ang mga kamag-anak. Gayunpaman, bago gumawa ng ganitong pagpapasiya, magiging katalinuhan sa kapatid na konsultahin ang lupon ng matatanda at isaalang-alang ang kanilang rekomendasyon. Kung hindi katalinuhan para sa kapatid na iyon na masangkot, maaaring maging angkop para sa isang kapatid na miyembro ng pamilya ng namatay na magbigay ng pahayag upang aliwin ang mga kamag-anak.—Tingnan Ang Bantayan ng Oktubre 15, 1990, pahina 30-1; Setyembre 15, 1981, pahina 31; at Hunyo 1, 1977, pahina 347-8.