Ngayon Na ang Panahon
1 Isang taon na ang nakalipas nang magpasiya ang kongregasyon sa Corinto na tulungan ang nangangailangang mga kapatid sa Jerusalem, subalit hindi pa rin nila natatapos ang proyektong ito. Kaya hinimok sila ni Pablo: “Sulong at tapusin ito; may-kasabikang kumpletohin ito gaya noong panukalain ninyo ito.”—2 Cor. 8:11, The New English Bible.
2 Sa iba’t ibang panahon, tayo’y pawang nagsipaglagay ng mga tunguhin para sa ating sarili. Marahil ay nagpasiya tayo na pasulungin ang ating ministeryo sa larangan, na higit na kilalanin ang ating mga kapatid, na maging kuwalipikado para sa isang pribilehiyo ng paglilingkod, o na mapagtagumpayan ang ilang kahinaan. Bagaman nagpasimula tayong taglay ang mabubuting hangarin, marahil ay hindi tayo nakapagpatuloy upang maabot ang ating tunguhin. Hindi kaya kakailanganing ikapit natin sa sarili ang payong “sulong at tapusin” ang ating pinasimulan?
3 Pag-abot sa Ating mga Tunguhin: Kapag tayo’y nagtakda ng ating mga tunguhin para sa taon ng paglilingkod, kailangang maging desidido tayong isakatuparan ang mga iyon nang walang pagpapaliban. Mahalaga ang personal na organisasyon. Mahalagang maglaan ng kinakailangang panahon upang maisakatuparan ang ating isinaplano at matiyak na ang panahon ay ginagamit para sa layuning iyon. Makabubuting magtakda ng isang tiyak na panahon sa pagsasagawa nito at saka disiplinahin ang sarili upang makatiyak na iyon ay talagang maisasagawa sa panahong iyon.
4 Dahilan sa maraming kaabalahan sa ating pamumuhay, maaaring lumabo kaagad ang ating mga tunguhin. Ang isang taimtim na pagsisikap ay kailangan upang mapanatili ang mga iyon sa ating isipan. Makatutulong kung lagi nating isasama sa panalangin ang bagay na iyon. Ang paglalagay ng tanda sa ating kalendaryo ay makapagpapaalaala sa atin na subaybayan ang ating pagsulong. Dapat na maging desidido na “gawin ng bawat isa ang ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso.”—2 Cor. 9:7.
5 Ang buwan ng Oktubre ay naglalaan ng mainam na pagkakataon upang magpako ng pansin sa ating mga tunguhin. Marami ang mag-o-auxiliary payunir sa buwang ito. Ating iaalok ang mga suskrisyon sa Ang Bantayan at Gumising! Maaari ba tayong magtakda ng makatuwirang mga tunguhin upang maabot sa buwang ito? Ano kaya kung pagsikapang dagdagan ang ating mga naipasasakamay na magasin? Ang pagiging desididong gumawa ng mas maraming pagdalaw-muli at magpasimula ng isang bagong pag-aaral sa Bibliya ay maaaring maging makatuwirang tunguhin para sa marami.
6 Hindi katalinuhan na ipagpaliban kung ano ang mahalaga, yamang ang “sanlibutan [na ito] ay lumilipas.” (1 Juan 2:17) Maraming pagpapala ang matatamo natin ngayon sa paglilingkuran kay Jehova. Nasa atin na kung sasamantalahin natin ang mga ito.