Magbigay ng Pansin sa mga Kamangha-manghang Gawa ng Diyos
1 Sa loob ng tatlong napakainam na araw, tayo ay nagtipon sa “Mga Tagatupad ng Salita ng Diyos” na Pandistritong Kombensiyon. Isinaisantabi muna natin ang pang-araw-araw na kabalisahan ng buhay at itinuon ito sa mga kamangha-manghang gawa ni Jehova. Paano tayo nakikinabang sa mga bagay na itinuro sa atin?—Juan 13:17.
2 Sinusunod ng mga Pamilya ang Salita ng Diyos: Ang simposyum na “Maging Masunurin sa Salita ng Diyos” ay tumulong sa atin na suriin ang espirituwal na kalagayan ng ating mga pamilya. Gusto ng mga bata na matuto. Kaya, pinasigla ang makadiyos na mga magulang na gawing pundasyon ang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya sa pagtatayo ng isang malakas sa espirituwal na sambahayan. Ipinakikipag-usap ng maraming ulo ng pamilya sa kanilang maliliit na anak ang bagong brosyur na Maaari Kang Maging Kaibigan ng Diyos! Ito ay makatutulong sa kanila upang magkaroon ng isang maligaya at matiwasay na kaugnayan kay Jehova. Mga magulang, turuan ang inyong mga anak kung paano magbibigay-pansin sa damdamin ng Diyos. Ipahayag ang inyong sariling pag-ibig sa kaniya at sa kaniyang mga ginagawa. (Awit 103:2) Gumawang magkakasama sa pagtatakda at pag-abot sa espirituwal na mga tunguhin at lubos na isagawa ang paglilingkod kay Jehova.
3 Nililiwanagan ng Salita ng Diyos ang Ating Daan: Tunay ngang kapana-panabik na tanggapin ang kompletong Bagong Sanlibutang Salin sa Tagalog at marinig na hindi na magtatagal at makukuha rin ito sa Cebuano at Iloko! Kay laking kaluguran din natin na tanggapin ang bagong aklat na Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan I. Hanggang saan na ang inyong pagbabasa sa unang tomong ito? Ang aklat ng Isaias ay humuhula sa mga kahatulan para sa di-makadiyos na mga bansa at maging sa maningning na mga pagpapala ng Kaharian para sa bayan ng Diyos. (Isa. 34:2; 35:10) Ito ay nagpapatibay rin ng pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova at sa kaniyang paraan ng pagsasagawa ng mga bagay-bagay.—Isa. 12:2-5.
4 Sa maagang yugto ng pagbabasa ng Hula ni Isaias I, mapapansin ninyo kung paano pinanatili ni Isaias ang kaniyang katapatan kay Jehova samantalang napalilibutan siya ng kabalakyutan. Nang anyayahan upang maging mensahero ng Diyos, si Isaias ay sumagot: “Narito ako! Isugo mo ako.” (Isa. 6:8) Ang pagbubulay-bulay sa kaniyang may pagkukusang espiritu ay magpapatibay sa inyo na patuloy na mangaral ng mabuting balita at magkaroon ng ganap na bahagi sa pagbibigay ng “patotoo sa lahat ng mga bansa.”—Mat. 24:14.
5 Ang ating pagbibigay ng pansin sa mga gawa ni Jehova ay magtatanghal sa kaniyang kadakilaan. Kaya mahalin ang pribilehiyo ng pagiging mga tagatupad ng salita ng Diyos!