Balita Tungkol sa Konstruksiyon sa Bethel
1 Batid naming interesado kayong lahat na malaman ang pagsulong ng konstruksiyon sa Bethel kung kaya nalulugod kaming ipaabot sa inyo ang pinakahuling balita. Nasa ibaba ang isang scale model ng mga gusali ng Bethel na nagpapakita kung ano ang magiging anyo nito kapag natapos na ang lahat ng konstruksiyon.
2 Ang trabaho ay nagsimula noong Marso 1999 at hanggang sa kasalukuyan, ang sumusunod na mga proyekto ay natapos na: Isang bagong waste water treatment plant ang inilagay; isang bagong deep well ang hinukay; isang bagong tangke na makapaglalaman ng 240,000 litrong tubig ang ginawa; isang bagong Literature Reception ang itinayo; bagong paradahan ng mga sasakyan at may-bubong na mga daanan ang ginawa. Ang karamihan sa mga proyektong ito ay natapos na bago pa itayo ang bagong sampung-palapag na residence building.
3 Ang panlabas na istraktura ng sampung-palapag na residence building ay itinayo ng isang kontratista mula sa labas. Sinimulan ito noong Nobyembre 1999 at natapos noong Oktubre 2000. Kaya natapos ang kontrata nang wala pang isang taon. Ang pagtapos sa panloob na bahagi ng gusali, lakip na ang buong instalasyon sa tubig, kuryente, at air-conditioning, ay ginagawa ng atin mismong mga kapatid. Sa kasalukuyan ay may 18 International Servants mula sa 10 iba’t ibang bansa na naglilingkod sa ating proyekto. Kasama nila ang 40 buong-panahong lokal na mga boluntaryo at 9 na mga manggagawa mula sa Bethel.
4 Sa pagtatayo ng sampung-palapag na gusaling ito, 4,254 metro kubikong semento ang ginamit. Kung ang ganito karaming semento ay gagawing isang daan na 3 metro ang lapad at 150 milimetro ang kapal, aabot ito sa layong halos sampung kilometro! Bukod diyan, may kabuuang 775 toneladang reinforcing steel at 42 toneladang structural steel ang ginamit sa gusali. Ang lahat ng muwebles para sa 130 kuwarto ay ginagawa ng atin mismong mga kapatid sa ating sariling carpentry shop.
5 Sa ano gagamitin ang bagong residence building? Magkakaroon ito ng 130 kuwarto ng Bethel, anupat matutuluyan ito ng 260 manggagawa sa Bethel. Isa pa, ang Bethel infirmary, laundry, silid-aralan ng Ministerial Training School, aklatan, at iba pang opisina ay ililipat sa bagong gusali. Pagkatapos nito, ang kusina at silid-kainan sa naunang residence building ay palalakihin upang mapagkasiya sa mga ito ang 600 katao. Kaya, bagaman inaasahang matatapos ang bagong residence building sa Oktubre, 2001, marahil ay gugugol pa ng isang taon upang maisagawa ang malawakang pagkukumpuni sa unang residence building.
6 Nais naming pasalamatan kayong lahat dahil sa pinansiyal na kontribusyon na patuloy ninyong ibinibigay para sa proyektong ito. Yamang malamang na magpapatuloy ito hanggang sa taóng 2002, hinihimok namin kayong patuloy na ipadala ang inyong boluntaryong suporta hanggang sa matapos ang proyekto. Pakisuyong patuloy na ipanalangin din ang pagpapala ni Jehova sa proyektong ito, sapagkat hindi ito matatapos kung wala iyon.—Awit 127:1.