Mga Magulang—Sanayin ang Inyong mga Anak na Mangaral
1 Pinagpapala ang ating mga kongregasyon ng maraming bata na may taimtim na pagnanais na maglingkod sa Diyos. (Ecles. 12:1) Sila ay kabilang sa mga inanyayahan ni Jehova na makibahagi sa pagpuri sa kaniya. (Awit 148:12-14) Kaya, dapat kalakip sa pang-araw-araw na pagsasanay na ibinibigay ng mga magulang sa kanilang mga anak ang pagtuturo kung paano sila makikibahagi sa gawaing pangangaral ng Kaharian.—Deut. 6:6, 7.
2 Sanayin ang mga Anak sa Pasulong na Paraan: Ang mga anak ay nararapat sanayin mula sa napakabatang edad na sumama sa kanilang mga magulang sa ministeryo. Bago maglingkod, ihanda ang inyong mga anak na makibahagi sa presentasyon. Tiyakin nang patiuna kung ano ang inyong inaasahan sa kanila sa bahay-bahay. Ang napakamusmos pang mga anak ay maaaring magbigay ng mga tract at handbill at mag-anyaya sa mga tao sa Kingdom Hall. Yaong mahuhusay nang bumasa ay maaaring bumasa ng mga kasulatan sa bahay-bahay. Maaari silang mag-alok ng mga magasin, na ginagamit ang isang maikling presentasyon. Habang nagkakaroon sila ng karanasan, sanayin silang gumamit ng Bibliya sa kanilang presentasyon. Maraming kabataan ang nakapagpasimula ng kanilang sariling ruta ng magasin at regular na gumagawa ng mga pagdalaw-muli. Napakabuti kung ang isang bata ay gagawang kasama ng isang nakatatanda sa halip na sumama sa isa ring kabataan. Maipaliliwanag ng nakatatanda sa isang kabataan na siya ay sinasanay sa ministeryo.
3 Isang batang babae ang humingi ng tulong sa matatanda upang siya’y maging kuwalipikado bilang isang mamamahayag ng Kaharian. Bagaman siya ay limang taóng gulang pa lamang noon at hindi pa marunong bumasa, mabisa na niyang naihaharap ang mensahe sa bahay-bahay. Isinasaulo niya ang kinaroroonan ng mga kasulatan, binubuksan ang mga iyon, hinihiling sa may-bahay na basahin ang mga iyon, at pagkatapos ay nagbibigay siya ng paliwanag.
4 Dapat ding ituro sa mga anak sa pamamagitan ng halimbawa ng mga magulang ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang mabuting iskedyul sa pakikibahagi nang palagian sa ministeryo. Kailangang itatag ng mga magulang ang isang regular na lingguhang rutin ng paglilingkod at manatili roon, upang malaman ng mga anak kung anong bahagi ng sanlinggo ang laging nakalaan para sa gawaing pangangaral.
5 Kapag ang mga anak ay sinanay mula pa sa murang edad na masiyahan sa ministeryo, sila ay magaganyak na abutin ang mas malalaking pribilehiyo sa hinaharap, marahil lakip na ang paglilingkurang payunir. (1 Cor. 15:58) Tayong lahat ay dapat na magpasigla sa mga batang nasa gitna natin na gumawa ng mabuting pagsulong bilang mga tagapuri ni Jehova.