Kung Paano Tayo Pinalalaya ng Katotohanan
1 Minsan, sinabi ni Jesus sa mga Judio na nanampalataya sa kaniya: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” (Juan 8:32) Tinutukoy niya ang isang kalayaan na nakahihigit kaysa sa mga kalayaang sibil, isang kalayaan para sa lahat—mayaman man o mahirap, nakapag-aral man o hindi. Itinuro ni Jesus ang katotohanan na magdudulot ng kalayaan mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan. Gaya ng ipinaliwanag ni Jesus, “bawat gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan.” (Juan 8:34) Tunay ngang inaasam-asam natin ang panahon na ang lahat ng masunuring tao “ay palalayain sa pagkaalipin sa kasiraan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 8:21.
2 Ang katotohanan hinggil kay Jesus at sa kaniyang papel sa pagsasakatuparan ng layunin ng Diyos ay nagdudulot ng gayong kalayaan. Kalakip dito ang kaalaman tungkol sa haing pantubos na ibinigay niya alang-alang sa atin. (Roma 3:24) Kahit ngayon, ang pagtanggap at masunuring pagpapasakop sa katotohanan sa Bibliya ay nagpapangyari na matamasa natin ang isang sukat ng kalayaan mula sa takot, kawalan ng pag-asa, at sa lahat ng uri ng nakapipinsalang kaugalian.
3 Kalayaan Mula sa Takot at Kawalan ng Pag-asa: Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa dahil sa mga kalagayan sa daigdig sapagkat nauunawaan natin kung bakit umiiral ang kabalakyutan at alam natin na malapit na itong alisin sa lupa. (Awit 37:10, 11; 2 Tim. 3:1; Apoc. 12:12) Karagdagan pa, pinalalaya tayo ng katotohanan mula sa huwad na mga turo tungkol sa kalagayan ng mga patay. Alam natin na hindi tayo kayang pinsalain ng mga patay, na hindi sila pinahihirapan magpakailanman, at na hindi kinukuha ng Diyos ang mga tao sa pamamagitan ng kamatayan upang makasama lamang niya sila sa daigdig ng mga espiritu.—Ecles. 9:5; Gawa 24:15.
4 Ang gayong katotohanan ay nagpalakas sa isang ama at isang ina nang mamatay sa aksidente ang kanilang anak. “May kulang sa aming buhay na mapupunan lamang kung makikita naming muli ang aming anak sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli,” ang sabi ng ina. “Ngunit alam naming pansamantala lamang ang aming paghihirap.”
5 Kalayaan Mula sa Nakapipinsalang mga Kaugalian: Kayang baguhin ng katotohanan sa Bibliya ang pag-iisip at personalidad ng isang tao, na nagdudulot ng kalayaan sa mga problemang maaaring iwasan. (Efe. 4:20-24) Ang pagkamatapat at kasipagan ay makatutulong na maibsan ang kahirapan. (Kaw. 13:4) Ang pagpapakita ng mapagsakripisyong pag-ibig ay nagpapahusay ng kaugnayan sa iba. (Col. 3:13, 14) Ang paggalang sa Kristiyanong pagkaulo ay nakababawas sa mga suliranin sa pamilya. (Efe. 5:33–6:1) Ang pag-iwas sa paglalasing, seksuwal na imoralidad, tabako, at nakasusugapang droga ay nagtataguyod ng mabuting kalusugan.—Kaw. 7:21-23; 23:29, 30; 2 Cor. 7:1.
6 Isang kabataan ang hindi makaalpas sa siyam-na-taóng pagkasugapa sa droga. Isang araw ay nakausap niya ang isang mamamahayag na nagpapatotoo sa lansangan. Tumanggap siya ng literatura, at gumawa ng mga kaayusan upang dalawin siya sa kaniyang tahanan. Isang pag-aaral sa Bibliya ang napasimulan. Pagkalipas ng dalawang buwan, lubusang itinigil ng lalaki ang paggamit ng droga, at pagkatapos ng walong-buwang pag-aaral, nabautismuhan siya. Nang makita nilang naihinto niya ang kaniyang pagkasugapa, naudyukan ang kaniyang kuya at hipag na magsimulang mag-aral ng Bibliya.
7 Tulungan ang Iba na Makalaya: Yaong naging mga alipin ng huwad na mga turo sa buong buhay nila ay maaaring hindi makaunawa sa kalayaang ibinibigay ng Salita ng Diyos. Ang pag-abot sa kanilang puso ay maaaring mangailangan ng pambihirang tiyaga at mahusay na paghahanda sa bahagi ng guro. (2 Tim. 4:2, 5) Hindi ito ang panahon upang magmabagal sa ating gawaing ‘paghahayag ng paglaya sa mga bihag.’ (Isa. 61:1) Mahalaga ang kalayaang Kristiyano. Ang pagtatamo nito ay nangangahulugan ng buhay na walang hanggan.—1 Tim. 4:16.