Pasasalamat sa Awa ng Diyos
1 Bago naging isang Kristiyano, matinding sinalansang ni apostol Pablo ang paglaganap ng Kristiyanismo. Gayunman, dahil kumilos siya sa kawalang-alam, pinagpakitaan siya ng awa. Ipinakita ni Jehova ang di-sana-nararapat na kabaitan, at si Pablo ay binigyan ng atas na mangaral. Pinahalagahan niya ang atas na iyon. (Gawa 26:9-18; 1 Tim. 1:12-14) Ang pasasalamat sa awa ni Jehova ang nagpakilos kay Pablo na gamitin ang kaniyang sarili sa pagtupad ng kaniyang ministeryo.—2 Cor. 12:15.
2 Dahil sa awa ng Diyos, tayo rin ay pinagkalooban ng ministeryo. (2 Cor. 4:1) Tulad ni Pablo, maipakikita natin ang ating pagpapahalaga sa awa na ipinakita sa atin sa pamamagitan ng paggamit ng ating sarili upang tulungan ang iba na sumulong sa espirituwal. Ang isang paraan upang magawa natin ito ay sa pamamagitan ng pagpapasimula at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya.
3 Pagpapasimula ng mga Pag-aaral sa Bibliya: Ang isang paraan upang mapasimulan ang mga pag-aaral sa Bibliya ay sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang ruta ng magasin. Habang ating regular na dinadalaw ang mga nasa ruta natin, higit nating nababatid ang kanilang mga álalahanín. Sa kalaunan, ang isang artikulo sa isa sa mga magasin ay maaaring magbukas ng daan upang mapasimulan ang pag-aaral ng Bibliya sa brosyur na Hinihiling. Sa kasunod na mga pagdalaw, maaaring ipagpatuloy ang pagtalakay sa brosyur na Hinihiling kapag ipinapasakamay natin sa may-bahay ang mga magasin.
4 Kailangan ang Pagsisikap at Panalangin: Ang panalangin lakip ang masigasig na pagsisikap ay makatutulong sa ating gawaing pangangaral. Isang sister na payunir na may isang inaaralan sa Bibliya ang nanalangin na sana’y pagkalooban pa siya ni Jehova ng higit pang pag-aaral sa Bibliya. Kumilos din siya kasuwato ng kaniyang mga panalangin. Sinuri niya ang kaniyang ministeryo at napansin niyang hindi siya nag-aalok ng mga pag-aaral sa Bibliya kapag dumadalaw-muli. Sinimulan niyang mag-alok ng pag-aaral sa Bibliya at di-nagtagal ay nagkaroon siya ng dalawang karagdagang inaaralan sa Bibliya.
5 Kaylaking pribilehiyo natin na makibahagi sa paghahayag ng “mabuting balita tungkol sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos”! (Gawa 20:24) Ang pasasalamat nawa natin sa awa ng Diyos ang magpakilos sa atin na maging masigasig sa pagtulong sa iba na makinabang mula sa di-sana-nararapat na kabaitan ni Jehova.