Bagong Programa ng Pansirkitong Asamblea
1 Inihula ng ating Panginoon na daranas ng kapighatian ang kaniyang mga alagad. (Mat. 24:9) Paano ba natin dapat malasin ang mga pagsubok? Ano ang makatutulong sa atin na mabata ang kapighatian? Sasagutin ng programa ng pansirkitong asamblea para sa 2004 ang mga tanong na iyan. Ang tema ay “Magsaya Kayo sa Pag-asa. Magbata Kayo sa Ilalim ng Kapighatian.”—Roma 12:12.
2 Dalawang Simposyum: Tatalakayin ng unang simposyum na pinamagatang “Mamunga Nang May Pagbabata,” ang mga paraan kung paano tayo namumunga. Kakapanayamin ang ilang mamamahayag kung paano sila nangangaral at nagtuturo nang may pagkaapurahan. Pantangi nang nanaisin ng mga magulang na magbigay-pansin sa bahaging “Kapag Dinisiplina ni Jehova,” na tatalakay kung paano maaaring makipagkatuwiranan ang mga magulang sa kanilang mga anak. Itatampok ng huling tagapagsalita sa simposyum kung ano ang dapat nating gawin upang hindi tayo unti-unting maapektuhan ng sanlibutan at maging di-mabunga.—Mar. 4:19.
3 “Takbuhin ang Takbuhan Nang May Pagbabata” ang tema ng pangalawang simposyum. Ipakikita nito kung paano nakakatulad ng isang karera ang ating buhay. Bakit tayo kailangang tumakbo ayon sa mga alituntunin? Paano natin matagumpay na maaalis ang bawat pabigat at hindi manghimagod sa takbuhan ukol sa buhay? Ang napapanahong maka-Kasulatang payo na ibibigay ay tutulong sa ating lahat na patuloy na tumakbo nang may pagbabata.
4 Ang Pagbabata ay Nagdudulot ng Pagsang-ayon ng Diyos: Ang isa sa mga pahayag ng tagapangasiwa ng distrito ay pinamagatang “Umaakay ang Pagbabata sa Isang Sinang-ayunang Katayuan.” Sasagutin ng pahayag pangmadla ang tanong na: Kaninong pangalan dapat umasa ang mga bansa, at ano ang kasangkot sa paggawa niyan? Tatalakayin ng pangwakas na pahayag, “Sa Pamamagitan ng Pagbabata ay Tatamuhin Ninyo ang Inyong Kaluluwa,” kung paano nabata ni Jesus ang kawalang-katarungan nang hindi naghihinanakit.
5 Huwag kalilimutang dalhin ang iyong aklat na Paaralan Ukol sa Ministeryo at ang iyong Bantayan para sa linggong iyon. Kumuha ng mga nota upang matulungan kang magtuon ng pansin sa programa at para magsilbing reperensiya sa hinaharap. Isang repaso ng programa ang gaganapin sa kongregasyon sa kalaunan.