Bagong Programa ng Pantanging Araw ng Asamblea
Maraming makukuhang impormasyon sa ngayon tungkol sa pagpapanatiling malusog ng ating literal na puso upang magkaroon ng higit na kasiya-siya at mas mahabang buhay. Mas mahalaga pa ang kalusugan ng ating makasagisag na puso. Kung gayon, angkop na angkop nga ang tema ng programa sa pantanging araw ng asamblea sa Pebrero 2004: “Paglilingkod kay Jehova Nang May Sakdal na Puso.” (1 Cro. 28:9) Ano ang inaasahan nating matututuhan sa asambleang ito?
Tatalakayin ng tagapangasiwa ng sirkito ang “Pagtulong sa Iba na Maglingkod kay Jehova Nang May Nakalulugod na Kaluluwa.” Itatampok ng mga panayam ang kagalakan na nagmumula sa paglinang ng interes at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya. Ang lahat ay tiyak na magkakaroon ng kaaliwan at pampatibay-loob mula sa unang pahayag ng dumadalaw na tagapagsalita, “Pagbabantay sa Ating Puso sa Isang Maligalig na Daigdig.” Ang sesyon sa umaga ay magtatapos sa pamamagitan ng pahayag sa bautismo.
Sa hapon, isasaalang-alang ng bahaging “Maging Handang Tumulong” kung paano tayo makatutulong sa iba. Ano ang magagawa ng mga magulang upang ipagsanggalang ang puso ng kanilang mga anak mula sa maling mga impluwensiya at tulungan silang maging malapít kay Jehova? Ang bahagi naman na “Tulungang Magkaroon ng Kaluguran kay Jehova ang Inyong mga Anak” ay magbibigay ng praktikal na mga mungkahi at magtatanghal kung paano ito magagawa.
Sinasamantala ba natin ang lahat ng paglalaang ginagawa ni Jehova upang mapanatiling malusog at malakas ang ating makasagisag na puso? Itatampok sa huling pahayag ng dumadalaw na tagapagsalita, “Panatilihin ang Isang Sakdal na Puso sa Paglilingkod kay Jehova,” ang apat na mahahalagang aspekto ng ating rutin sa pagpapanatili ng ating espirituwalidad. Gaano karaming panahon at pagsisikap ang inilalaan natin sa taimtim na pananalangin, sa pag-aaral ng Salita ng Diyos, sa masigasig na pangangaral, at sa pakikisama sa ibang Kristiyano? Mapasusulong ba natin ang alinman sa mga aspektong ito?
Ipinaaabot ni Jehova ang paanyaya: “Ilapit mo ang iyong puso sa disiplina at ang iyong tainga sa mga pananalita ng kaalaman.” (Kaw. 23:12) Magplano na ngayon upang madaluhan ang kapaki-pakinabang na araw na ito ng pagtuturo mula sa Kasulatan. Ang paggawa nito ay magpapalakas sa iyo upang patuloy na maglingkod kay Jehova nang may sakdal na puso.