Kailangan ang Pagbabata sa Pangangaral
1. Bakit isang magandang halimbawa ng pagbabata sa ministeryo si apostol Pablo?
1 Sa loob ng mahigit 30 taon, naging kasiya-siya kay apostol Pablo ang kaniyang pangunahing gawain bilang ebanghelisador. May mga pagsubok ding napaharap sa kaniyang pangangaral. (2 Cor. 11:23-29) Gayunman, hindi huminto sa pangangaral si Pablo. (2 Cor. 4:1) Alam niyang bibigyan siya ni Jehova ng lakas upang makapagbata. (Fil. 4:13) Kaya naman ganito ang paghimok ni Pablo: “Maging mga tagatulad kayo sa akin, gaya ko naman kay Kristo.”—1 Cor. 11:1.
2. Anu-anong pagsubok ang napapaharap sa atin sa ngayon, at ano ang makatutulong sa atin para makapagbata?
2 Pagbabata sa mga Pagsubok Ngayon: Bawat araw, marami sa ating mga kapatid ang tinutuya, sinasalansang, o pinakikitunguhan nang hindi maganda ng kanilang mga kapamilya, katrabaho, o kaklase. (Mat. 10:35; Juan 15:20) Marahil ay ganiyan din ang nararanasan mo. O kaya naman, baka nakikipagpunyagi ka sa isang sakit, o baka araw-araw kang napapaharap sa mga panggambala at tukso. Mapalalakas tayo ng halimbawa ng ating mga kapuwa Kristiyano sa ngayon na napaharap sa mga pagsubok ngunit napagtagumpayan nila ang mga ito.—1 Ped. 5:9.
3. Anu-ano ang inilaan ni Jehova para makapanatili tayong matatag?
3 Makapagtatamo tayo ng lakas na kailangan upang makapanatiling matatag sa ating ministeryo kung isusuot natin “ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos.” (Efe. 6:10-13, 15) Napakahalaga rin ng pananalangin upang makapagbata. (2 Cor. 6:4-7) Upang mapanatili ang ating sigasig at magwagi sa ating espirituwal na pakikipagdigma, dapat tayong makinig sa mga paalaala ng Diyos. (Awit 119:24, 85-88) Kung paanong paulit-ulit na binabasa ng isang anak ang liham ng kaniyang maibiging ama, araw-araw din nating binabasa ang Bibliya at ito ay nagpapatibay sa ating kaugnayan kay Jehova. Ang palagiang personal na pag-aaral ay tumutulong sa atin na magkaroon ng karunungan para maharap ang mga pagsubok. Sa ganitong paraan, naiaayon natin sa kaisipan ng Diyos ang ating mga desisyon at naiingatan ang ating katapatan sa Kaniya.—Kaw. 2:10, 11.
4. Anu-anong pagpapala ang idudulot ng ating tapat na pagbabata sa ministeryo?
4 Nagdudulot ng Pagpapala ang Pagbabata: Gaya ng naging karanasan ni Pablo, ang ating tapat na pagbabata sa pagganap ng ating ministeryo ay magpapasaya sa puso ni Jehova at magdudulot ng pagpapala sa atin at sa iba. (Kaw. 27:11) Maging determinado nawa tayo na magmatiyaga sa ating ministeryo, anupat pinatutunayan na ang ating pananampalataya ay matatag at “mas malaki ang halaga kaysa sa ginto na nasisira sa kabila ng pagkasubok dito ng apoy.”—1 Ped. 1:6, 7.