Hanapin ang mga Karapat-dapat
1. Paano natin mapahahalagahan ang ating pribilehiyo na mangaral?
1 Ginawa ni Jesus ang kaniyang buong makakaya para sabihin sa maaamo ang nakaaaliw na mabuting balita. (Isa. 61:1, 2) Bilang mga kinatawan na humahalili para kay Kristo, mayroon tayong napakahalagang pribilehiyo na tularan siya sa pamamagitan ng ating masigasig at lubusang paghahanap ng mga karapat-dapat sa ating teritoryo.—Mat. 10:11; 2 Cor. 5:20.
2. Paano natin nalaman na madaling makibagay si Pablo? Ano ang naging resulta?
2 Makibagay: Nakagawian ni apostol Pablo na pumunta muna sa sinagoga para mangaral sa mga Judio at proselita. (Gawa 14:1) Sa Filipos, naghanap sila ni Silas ng mga tao kung saan “iniisip [nilang] may dakong panalanginan.” Nagpatotoo sila sa isang grupo ng mga babae. Agad namang tinanggap ng isa sa kanila, si Lydia, ang katotohanan.—Gawa 16:12-15.
3. Bukod sa ating teritoryo sa bahay-bahay, saan pa tayo maaaring mangaral?
3 Bukod sa inyong teritoryo sa bahay-bahay, makapangangaral ka rin ba sa mga terminal ng sasakyan, parke, opisina, abalang kalye, lugar ng negosyo, at mga shopping center? Baka makapagpapatotoo ka rin sa pamamagitan ng liham at telepono sa mga subdivision at apartment na mahigpit ang seguridad. Makatutulong ang pagiging mapagmasid at madaling makibagay sa iba’t ibang sitwasyon sa inyong teritoryo para lagi kang “maraming ginagawa sa gawain ng Panginoon.”—1 Cor. 15:58.
4. Ano pa ang puwede nating gawin kung maliit lamang ang teritoryo ng ating kongregasyon?
4 Maraming mamamahayag ang nagpalawak ng kanilang ministeryo sa pamamagitan ng paglipat sa ibang kongregasyon sa kanilang sariling bansa o sa ibang bansa. Nag-aral naman ang ilan ng ibang wika para makapangaral sa mga banyaga.
5. Ano ang dapat nating maging pangmalas sa panahong kinabubuhayan natin? Ano ang determinado nating gawin?
5 Dapat nating tandaan na “ang bukid ay ang sanlibutan.” (Mat. 9:37; 13:38) Yamang alam natin na malapit nang magwakas ang sistemang ito ng mga bagay, dapat na seryosong pag-isipan ng bawat isa ang kaniyang kalagayan, kakayahan, at pagkakataon na mapalawak ang kaniyang ministeryo. Tinitiyak sa atin ni Jehova na kung uunahin natin ang Kaharian, pagpapalain niya ang ating taimtim na pagsisikap na mapalawak ang ating ministeryo.—Mat. 6:33.