Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • km 10/10 p. 5-6
  • Ipamahagi ang mga Magasin sa Lahat ng Interesado

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ipamahagi ang mga Magasin sa Lahat ng Interesado
  • Ating Ministeryo sa Kaharian—2010
Ating Ministeryo sa Kaharian—2010
km 10/10 p. 5-6

Ipamahagi ang mga Magasin sa Lahat ng Interesado

1. Ano ang napansin sa placement ng magasin sa Pilipinas? Bakit dapat natin itong bigyang-pansin?

1 “Masarap basahin, napapanahon, at nakakagaan ng loob.” “Ito ang pinakakasiya-siyang mga magasing nabasa ko.” Ganito ang komento ng mga mambabasa ng Bantayan at Gumising! sa buong mundo. Talagang napakalaking tulong ang mga magasin natin para makarating ang mabuting balita sa “lahat ng uri ng mga tao.” (1 Tim. 2:4) Pero napansin na mababa ang placement ng magasin sa Pilipinas. Ano kaya ang dahilan? Ano ang puwedeng gawin para mapasulong ang pamamahagi natin ng magasin?

2. Bakit nag-aalangan ang ilan na kumuha ng ipamamahaging magasin?

2 Kaayusan sa Donasyon: Nag-aalangan kaya ang iba na kumuha ng ipamamahaging literatura o magasin dahil wala silang perang pandonasyon? Baka iniisip ng ilan na kailangan nilang magbigay ng donasyon para sa bawat magasin o literaturang kukunin nila. Dahil dito, baka kaunting magasin lang ang kunin nila o hindi pa nga sila kumuha. Tama ba ang ganitong kaisipan?

3. Anong pagbabago ang ginawa noong taóng 2000 may kaugnayan sa mga literatura at magasin?

3 Noong Enero 2000, ang Lupong Tagapamahala ay nagbigay ng tagubilin sa Pilipinas at sa buong daigdig na ang mga magasin at literatura ay ipamamahagi sa mga mamamahayag at sa mga taong interesado sa pamamagitan ng boluntaryong donasyon, ibig sabihin, walang hihinging takdang halaga o sasabihing espesipikong kontribusyon. Kapag nag-aalok ng publikasyon sa larangan, maaari tayong tumanggap ng boluntaryong donasyon para sa pandaigdig na gawaing pangangaral ng mabuting balita.

4. Anong mga pagpapala ang ibinunga ng kaayusan sa donasyon?

4 Paano pinagpala ni Jehova ang kaayusang ito? Ganito ang isinulat ng sangay sa Central African Republic: “Ngayon kahit sino, mahirap man o mayaman, puwedeng makakuha ng inimprentang publikasyon na kailangan para maging alagad ni Kristo. Tuwang-tuwa ang mga kapatid at ang mga tao sa teritoryo sa kaayusang ito.” Sabi naman ng Indonesia: “Dahil sa kaayusang ito, ang hinahanap na ngayon ng mga kapatid ay ang mga interesadong magbasa, hindi ang mga makapagbibigay para sa nagastos sa imprenta.” Inireport naman ng sangay sa South Africa: “Mahigit doble ang naging produksiyon ng magasin, at sa ilang wika nga mahigit apat na ulit ang itinaas! . . . Ipinapakita nito na mas marami ngayong ‘binhi’ ng katotohanan ang naihahasik.—Mat. 13:3-8.”

5. (a) Gaano karaming magasin ang dapat nating kunin? (b) Kanino natin dapat ipamahagi ang mga magasin?

5 Kaya naman makakakuha ang bawat mamamahayag ng mga literatura at magasin na kailangan nila sa pagbabahay-bahay, pagdalaw-muli, at pagba-Bible study. Anumang donasyon na kaya nating ibigay sa pandaigdig na gawain ay hindi bayad sa kinukuha nating literatura. Sa halip, para iyon sa lahat ng gawain ng organisasyon ni Jehova, kasama na ang pag-iimprenta ng publikasyon, pagpapatakbo ng mga tahanang Bethel, pag-aasikaso sa mga misyonero at naglalakbay na tagapangasiwa, at iba pang katulad na gawain. Tunay na pinagpapala ni Jehova ang masayang nagbibigay ayon sa kanilang kakayahan.—2 Cor. 8:1-4; 9:7.

6. Bakit dapat na may-katalinuhan nating gamitin ang ating mga magasin?

6 May-Katalinuhang Gamitin ang mga Magasin: Layunin nating hanapin at pakainin ang mga tapat-puso at tulungan silang makaligtas tungo sa bagong sanlibutan ni Jehova. Kaya hindi tayo dapat mag-alangang ialok ang ating mga magasin at literatura. Sa kabilang banda, masasayang ang ating mga magasin kung ibibigay natin ito sa mga taong wala namang pagpapahalaga sa espirituwal na mga bagay. Kaya hindi natin ito basta-basta ibibigay na lang sa mga taong hindi interesadong magbasa nito, o sa mga taong baka ibenta pa nga ito.—Isa. 26:10.

7. Paano malalaman kung interesado ang isang tao?

7 Magiging mabunga ang pamamahagi mo ng literatura kung marunong kang kumilala ng tunay na interes. Ano ang mga palatandaan na interesado ang isa? Kung mabait siyang makipag-usap, o nakikinig sa sinasabi mo, o sumasagot sa tanong mo, o nagsasabi ng kaniyang opinyon—magagandang senyales iyan. Kung magalang siyang kausap at palakaibigan, palatandaan din iyan na mabait siya. Kung sumusubaybay siya sa pagbasa mo ng Bibliya, nagpapahiwatig iyon na iginagalang niya ang Salita ng Diyos. Kadalasan, mabuting itanong kung babasahin niya ang iiwan mong publikasyon. Puwede mo ring sabihin na babalik ka para ituloy ang pag-uusap, at kapag pumayag siya, masasabing talagang interesado siya. Kapag nakita mo ang ganitong mga palatandaan, malamang na pahahalagahan ng taong iyon ang iniwan mong literatura.

8. Ano ang ilang paraan para makapamahagi tayo ng mas maraming magasin?

8 Mamahagi ng Mas Maraming Magasin: Dapat na maging tunguhin ng bawat mamamahayag sa Pilipinas na mamahagi ng mas maraming magasin. Paano natin ito magagawa?

● Magkaroon ng goal kung ilang magasin ang ipamamahagi bawat buwan.

● Ipaalam sa magazine servant ang regular na order ninyo ng magasin. Tiyaking sapat ito para sa ipamamahagi ninyo sa bahay-bahay at sa pagdalaw-muli.

● Mag-iskedyul ng isang araw bawat linggo para sa pamamahagi ng magasin.

● Magkasamang ialok Ang Bantayan at Gumising! kahit isa lang ang itatampok natin sa ating presentasyon.

● Laging mag-alok ng magasin—sa bahay-bahay, sa pagpapatotoo sa lansangan, sa lugar ng negosyo, at sa mga pampublikong lugar. Magdala ng magasin kapag nagbibiyahe, namimili, at pumupunta sa iyong mga appointment. Samantalahin ang bawat pagkakataon para tulungan ang iba na makinabang sa Bantayan at Gumising!

● Ipamahagi ang mga lumang isyu. Kahit isa o dalawang buwan nang huli ang petsa ng magasin, hindi nababawasan ang kahalagahan ng nilalaman nito. Ibigay ito sa mga interesado.

9. Ano ang determinado mong gawin may kinalaman sa ating mga magasin?

9 Binigyan tayo ni Jehova ng napakagandang pantulong sa pangangaral at paggawa ng mga alagad. Kasama rito Ang Bantayan at Gumising! Huwag tayong mag-alangang ipamahagi ang nagliligtas-buhay na mga magasing ito sa mga interesadong makita ang daan tungo sa kaligtasan. Gamitin natin ang mga magasing ito para tulungan pa ang milyun-milyon na makilala si Jehova at maglingkod sa kaniya.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share