Puwede Ka Bang Lumabas sa Larangan Tuwing Linggo?
1. Ano ang matututuhan natin sa ginawa ni Pablo at ng mga kasama niya sa Filipos?
1 Araw ng Sabbath noon, karamihan ng mga Judio sa Filipos ay nagpapahinga. Si Pablo at ang kaniyang mga kasama ay dumalaw sa lunsod na iyon sa isa sa kanilang mga paglalakbay bilang misyonero. Wala namang pupuna kung hindi sila mangangaral nang araw na iyon. Pero alam nilang nagtitipon ang mga Judio sa labas ng lunsod para manalangin, kaya sinamantala nilang mangaral. Tiyak na tuwang-tuwa si Pablo at ang mga kasama niya nang makinig si Lydia at mabautismuhan ang kaniyang buong sambahayan! (Gawa 16:13-15) Yamang marami ngayon ang nagpapahinga kung Linggo, bakit hindi gamitin ang araw na ito para mangaral sa kanila?
2. Anong mga hamon ang napagtagumpayan ng mga lingkod ni Jehova upang makapangaral tuwing Linggo nang walang sumasalansang?
2 Ipinaglaban Nila ang Pangangaral Tuwing Linggo: Noong 1927, ang mga lingkod ni Jehova ay pinasigla na gumugol nang ilang oras tuwing Linggo sa pangangaral. Agad silang sinalansang at marami ang inaresto sa Estados Unidos dahil sa paglabag sa batas ng Sabbath kung Linggo, pambubulabog sa katahimikan, at pagtitinda nang walang lisensiya. Pero hindi sumuko ang mga lingkod ni Jehova. Noong dekada ng 1930, nag-organisa sila ng “pangkat-pangkat na kampanya,” kung saan nagtatagpo ang mga mamamahayag mula sa kalapít na mga kongregasyon upang kubrehan ang isang teritoryo. May mga pagkakataong inaaresto ang mga mamamahayag, pero dahil napakarami nila, hindi sila mapatigil ng mga awtoridad. Talaga bang pinahahalagahan mo ang mga sakripisyo ng mga kapatid na iyon upang makapangaral tayo tuwing Linggo nang walang sumasalansang?
3. Bakit napakagandang araw ang Linggo para mangaral?
3 Napakagandang Araw Para Mangaral: Maraming tao ang nasa bahay kung Linggo. Karaniwan nang mas relaks sila. Mas gustong pag-usapan ng ilang nagsisimba ang tungkol sa Diyos sa araw na ito. Kung Linggo ang ating pulong, bihís na tayo, kaya bakit hindi planuhing maglingkod sa larangan bago o pagkatapos ng pulong? Kung kinakailangan, magdala ng simpleng baon.
4. Anong kagalakan ang mararanasan natin kung mangangaral tayo nang ilang oras tuwing Linggo?
4 Kung mangangaral tayo nang ilang oras tuwing Linggo, may panahon pa rin tayong magpahinga. At masisiyahan pa tayo sa pakikibahagi sa sagradong paglilingkod. (Kaw. 19:23) Malay natin, may matagpuan tayong tulad ni Lydia!