May Lakas Ba ang Salita ng Diyos sa Iyong Pang-araw-araw na Buhay?
Ang pagbabasa ng Bibliya araw-araw ay makatutulong sa atin na maging “nakaugat” at ‘matibay sa pananampalataya.’ (Col. 2:6, 7) Pero para magkaroon ng lakas sa ating buhay ang Salita ni Jehova, kailangan nating bulay-bulayin at ikapit ang mga simulain nito. (Heb. 4:12; Sant. 1:22-25) Sinasabi ng Josue 1:8 ang tatlong mabisang hakbang sa pagbabasa: (1) Basahin ang Salita ng Diyos “araw at gabi.” (2) Basahin ito “nang pabulong,” na nagpapahiwatig ng pagbabasa sa paraang mabubulay-bulay at mailalarawan sa isip ang mga tagpo at mga pangyayari. (3) Taimtim na ikapit ang “lahat ng nakasulat dito.” Kung gagawin natin ang mga mungkahing ito, matutulungan tayo nitong maging “matagumpay” at ‘makakilos nang may karunungan’ sa ating pang-araw-araw na buhay.