Liham ni Pablo sa mga Hebreo
Makikita dito ang isang pahina mula sa papirong codex na tinatawag na P46. Ang codex na ito ay naglalaman ng siyam na liham ni Pablo, pero iba ang pagkakasunod-sunod ng mga ito kumpara sa karamihan ng Bibliya sa ngayon. Halimbawa, ang liham sa mga Hebreo ay kasunod ng liham sa mga taga-Roma. (Tingnan sa Media Gallery, “Ikalawang Liham ni Pablo sa mga Taga-Corinto”.) Ang pahinang makikita sa larawan ay iniingatan ngayon sa University of Michigan, Ann Arbor, Michigan, U.S.A. Sa itaas na bahagi nito, mababasa ang pagtatapos ng liham ni Pablo sa mga taga-Roma. (Sa manuskritong ito, nagtapos ang liham sa mga taga-Roma sa kabanata 16, talata 23. Ang nawawalang bahagi ng liham na mababasa sa Ro 16:25-27 ng mga Bibliya sa ngayon ay makikita naman sa huling bahagi ng kabanata 15 ng manuskritong ito.) Minarkahan sa larawan ang pamagat ng sumunod na liham. Ang mababasa dito ay “Para sa [o, “Sa”] mga Hebreo.” Kapansin-pansin na isinama nito ang Hebreo sa iba pang liham ni Pablo. Pinapatunayan nito at ng iba pang ebidensiya na si Pablo ang sumulat ng liham na ito. Pinaniniwalaan na ang codex na ito ay mula pa noong mga 200 C.E., o mga 150 taon mula nang isulat ni Pablo ang mga liham niya.—Tingnan ang “Introduksiyon sa Hebreo.”
Credit Line:
Courtesy U-M Library Digital Collections, Advanced Papyrological Information System (APIS UM)
Kaugnay na (mga) Teksto: