Ang Mesa ng Tinapay na Pantanghal
Sa unang silid ng tabernakulo na tinatawag na Banal, makikita ang isang mesa na gawa sa kahoy ng akasya at nababalutan ng purong ginto. Nasa ibabaw ng mesa ang “tinapay na pantanghal,” o “tinapay na panghandog” ayon sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Exo 25:30; Heb 9:2) Sa pangitaing nakita ni Moises sa Bundok Sinai, detalyadong sinabi ni Jehova sa kaniya kung paano gagawin ang mesang ito. (Exo 25:9, 23-29; Bil 8:4) Dapat na dalawang siko ang haba nito, isang siko ang lapad, at isa’t kalahating siko ang taas. (Tingnan ang Ap. B14.) Ang ekspresyong Hebreo na isinalin na “tinapay na pantanghal” ay literal na nangangahulugang “tinapay ng mukha.” Ang salita para sa “mukha” ay tumutukoy minsan sa pagiging nasa “harap,” o presensiya, ng isa. (2Ha 13:23) Ang tinapay na pantanghal ay laging nasa harap ni Jehova bilang handog. Tuwing Sabbath, kailangang maglagay ng isang saserdote ng 12 bagong tinapay sa mesa. Magkakapatong ang tig-anim na tinapay sa dalawang salansan. (Lev 24:4-8) Binanggit ni Pablo ang mesa ng tinapay na pantanghal noong ipinapaliwanag niya ang lumang tipan at tabernakulo at ikinukumpara ang pisikal na mga bagay na ito sa nakakahigit na makalangit na mga bagay.—Heb 8:5.
Kaugnay na (mga) Teksto: