Langis Mula sa Olibo
Noon pa man, mahalagang bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ng mga taga-Mediteraneo ang langis ng olibo. Inilalagay nila ito sa pagkain. Ginagamit din nila ito bilang gamot o langis sa lampara. Inihahalo pa nga nila ito sa mga pampaganda at pabango. May 20 hanggang 30 porsiyento ng langis sa laman ng hinog na olibo. Para makuha ang pinakamagandang klase ng langis ng olibo, dahan-dahang dinidikdik ang hinog na olibo. Puwedeng gamitin sa lampara ng tabernakulo ang ganitong langis. (Exo 27:20, 21) Kapag marami ang mga bunga ng olibo, puwede itong durugin sa malaking gilingan hanggang sa maging paste (1). Pagkatapos, ilalagay ang paste sa mga sako o bilog na banig. Pagpapatong-patungin ang mga ito at lalagyan ng kahoy na may pabigat (2). Dahil sa pabigat, may lalabas na likido sa paste. Kapag humiwalay ang langis sa likido at umibabaw, madali na itong makukuha (3). Sa isang ilustrasyon ni Jesus, ipinakita niya kung paano ginagamit bilang gamot ang langis ng olibo. Sinabi niya na binuhusan ng langis ng mabuting Samaritano ang mga sugat ng Judiong nabugbog. (Luc 10:34) Ginamit din ni Santiago ang langis sa ilustrasyon niya para ipakitang nakakatulong ang matatandang lalaki para mapagaling ang mga may sakit sa espirituwal. Ang mga payo nila mula sa Bibliya na ibinigay sa mabait na paraan, kasama na ang mga panalangin nila, ay nakakapagpaginhawa sa isang tao at nakakatulong para maibalik niya ang kaugnayan niya kay Jehova.—San 5:14, 15.
Kaugnay na (mga) Teksto: