Nakabilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya—Russia
Ang kasaysayan ng mga Saksi ni Jehova sa Russia sa modernong panahon ay isang ulat ng paniniil at pag-uusig. Sa kalakhang bahagi ng ika-20 siglo, inabuso at minaltrato ng mga awtoridad sa Russia ang mga Saksi, kahit kilala silang mapayapa at masunurin sa batas. Layunin ng gobyerno ng Soviet Union na pilitin sila na tanggapin ang paniniwala ng Sobyet. Bawal silang magkaroon ng Bibliya o relihiyosong mga literatura. Lagi silang minamanmanan kaya palihim nilang ginagawa ang kanilang relihiyosong pagtitipon. Kapag natuklasan, bubugbugin sila at hahatulan ng mahabang pagkabilanggo. Libo-libo ang naging tapon sa Siberia.
Nagbago iyan noong 1991 nang legal na kilalanin ng gobyerno ng Russia ang mga Saksi ni Jehova at binigyan ng kalayaang sumamba nang walang paghadlang mula sa mga awtoridad. Pero hindi nagtagal ang panahong iyon ng kapayapaan.
Noong 2009, dumami ang mga pagsalansang at pagbabawal nang pagtibayin ng Korte Suprema ng Russia ang desisyon ng nakabababang korte na tawaging “ekstremista” ang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ng mga taon ng labanan sa hukuman, nagdesisyon ang Korte Suprema ng Russia noong Abril 2017 na ipagbawal ang legal na mga korporasyon ng mga Saksi dahil sa diumano’y ekstremistang gawain. Agad na kinumpiska ng mga awtoridad ng Russia ang kanilang ari-arian, isinara ang kanilang mga lugar ng pagsamba, at ipinahayag na “ekstremistang babasahin” ang kanilang relihiyosong literatura.
Hindi lang sinalakay ng mga awtoridad ng Russia ang legal na mga korporasyon ng mga Saksi, kundi pinuntirya din nila ang indibidwal na mga Saksi ni Jehova. Iniugnay nila ang pagsamba ng isang Saksi sa ipinagbabawal na organisasyon. Inabuso rin ng mga pulis ang mga Saksi kapag nagsasagawa sila ng mga raid sa bahay ng mga ito at naging marahas sila sa ginagawang mga interogasyon. Hinatulan at sinentensiyahan ang mga lalaki at babaeng Saksi, bata man o matanda, na makulong, ma-house arrest, o ilagay sa pretrial detention.
Mula nang ipatupad ang pagbabawal noong Abril 2017, maraming Saksi ang nahatulan bago pa man litisin o ibinilanggo sa paratang na ekstremismo. Nitong Hulyo 20, 2025, isang kabuoang bilang na 157 Saksi ang nakakulong.
Maingay na Protesta Laban sa Malupit na Pagtrato ng Russia sa mga Saksi ni Jehova
Patuloy na hinahatulan ng mga awtoridad ng Russia ang mga Saksi ng ekstremistang gawain sa kabila ng internasyonal na mga pagprotesta para ihinto na ng Russia ang walang-tigil na pag-uusig nito. Pinuna ng mga korte sa labas ng Russia at mga informed observer ang ginagawang pang-uusig ng gobyerno ng Russia sa mga Saksi ni Jehova.
European Court of Human Rights: Noong Hunyo 7, 2022, naglabas ang European Court of Human Rights (ECHR) ng isang makasaysayang desisyon laban sa Russia. Kinondena nito ang pang-uusig ng Russia sa mga Saksi ni Jehova (Taganrog LRO and Others v. Russia, nos. 32401/10 and 19 others). Idineklara ng ECHR na labag sa batas ang pagbabawal ng Russia sa mga Saksi ni Jehova noong 2017. Inutusan ang Russia na “gawin ang lahat ng kailangan para matiyak na matigil ang lahat ng nakabinbing kasong kriminal laban sa mga Saksi ni Jehova . . . at palayain . . . ang mga [nakabilanggong] Saksi ni Jehova.” Ipinag-utos din na ibalik ng Russia ang lahat ng kinumpiskang pag-aari o magbayad ito ng 60 milyong dolyar bilang bayad-pinsala at bayaran ang mga nagpetisyon ng mahigit 3 milyong dolyar para sa mga pinsalang walang katumbas na halaga.
Liham Mula sa Secretary General ng Council of Europe: Sa isang liham noong Disyembre 9, 2022, para sa Russian Minister of Foreign Affairs, sinabi ni Marija Pejčinović Burić: “Sa mga kaso na Jehovah’s Witnesses of Moscow and Others at Krupko and Others, tungkol sa pagpapawalang-bisa ng pagkakarehistro bilang relihiyon kaya nagkaroon ng pagbabawal sa lahat ng gawain nito, pagpapahinto ng mapayapang relihiyosong pagtitipon at pagkakait ng kalayaan ng mga nakikibahagi dito, mahigpit na hinimok ng Komite ang mga awtoridad na alisin ang mga pagbabawal na ipinataw sa mga gawain ng lahat ng organisasyon ng Saksi ni Jehova at itigil ang lahat ng kasong kriminal na isinampa sa kanila.”
Desisyon ng Committee of Ministers ng Council of Europe: Sa miting nila noong Setyembre 2023, itinawag-pansin ng Committee of Ministers [CoM] “taglay ang malaking pagkabahala na ang malinaw na mga pahayag ng [European Court of Human Rights] sa ilalim ng Article 46 ng Convention at sa bahagi ng hatol sa kasong Taganrog LRO and Others ay lubusan at sadyang binale-wala ng mga awtoridad ng Russia, partikular na may kinalaman sa . . . pagpapalaya sa ibinilanggong mga Saksi ni Jehova.” Dahil sa hindi pagsunod ng Russia, ang CoM ay “nagpasiyang dalhin ang mga kasong ito sa United Nations Human Rights Committee, sa Working Group on Arbitrary Detention of the UN Human Rights Council, at sa iba pang mga kaugnay na internasyonal na lupong nag-aasikaso sa problema ng pang-uusig sa mga Saksi ni Jehova sa Russian Federation, sa layuning matiyak na masusunod ang mga kahilingan ng nasabing mga hatol.”
Halimbawa ng Malupit na mga Hatol Kamakailan
Noong Marso 27, 2025, ikinulong ng Konakovo City Court of the Tver Region ang apat na brother na sina Oleg Katamov, Aleksey Kuznetsov, Aleksandr Shchetinin, at Aleksandr Starikov. Bakit? Ipinakipag-usap nila ang Bibliya sa mga kapitbahay nila at nagdaos ng mga mapayapang relihiyosong pagpupulong. Sinentensiyahan sila ng anim-na-taóng pagkakakulong. Agad silang ibinilanggo pagkagaling sa korte.
Noong Abril 3, 2025, hinatulan ng Sovetskiy District Court of the City of Chelyabinsk si Maksim Khamatshin na makulong ng anim na taón dahil sa pagdaos ng mga mapayapang relihiyosong pagpupulong. Agad siyang ibinilanggo pagkagaling sa korte.
Noong Mayo 30, 2025, sinentensiyahan ng Leninskiy District Court of Tambov ang 60-taóng-gulang na si Oleg Sirotkin na makulong ng anim na taon sa isang penal colony. Si Nataliya ang asawa niya at mayroon silang dalawang anak na babae. Noong Setyembre 2021, hinalughog ng awtoridad ang bahay nila sa Tambov. Inakusahan si Oleg na nag-oorganisa at nakikisali sa relihiyosong mga pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova. Para sa awtoridad, katumbas ito ng pagsasagawa ng gawain ng isang ekstremistang organisasyon. Agad siyang ibinilanggo pagkagaling sa korte.
Patuloy na Panawagang Itigil Na ang Di-makatarungang Pagbibilanggo
Napakasakit sa mga Saksi ni Jehova na makita ang malupit na pagtrato ng Russia sa mga kapananampalataya nila. Milyon-milyong Saksi sa buong mundo ang nagpadala ng mga liham sa mga opisyal ng gobyerno sa Russia, na nagsusumamo sa kanila alang-alang sa nakakulong na mga Saksi. Umapela na ang mga abogado nila sa lahat ng antas ng mga hukuman sa Russia at nagsumite ng maraming aplikasyon sa European Court of Human Rights. Nagsumite rin ng complaints ang mga Saksi ni Jehova sa UN Human Rights Committee at sa UN Working Group on Arbitrary Detention at nagbigay sila ng mga report sa internasyonal na mga organisasyon na sumusubaybay sa mga pang-aabuso sa mga karapatang pantao. Ipagpapatuloy ng mga Saksi ni Jehova ang mga pagsisikap nila na ipaalám ang kalagayan ng mga kapananampalataya nila sa Russia para huminto na ang matinding relihiyosong pag-uusig na ito.
Time Line
Hulyo 20, 2025
May 157 Saksi na nakakulong.
Marso 6, 2025
Naglabas ng hatol ang European Court of Human Rights (ECHR) sa kasong Loginov and Others v. Russia. Sinabi nito na nilabag ng Russia ang karapatan ng siyam na Saksing na-detain (pito sa kanila ang tinorture) matapos i-raid ang bahay nila sa Surgut noong Pebrero 15, 2019.
Oktubre 24, 2023
Naglabas ang UN Human Rights Committee (CCPR) ng dalawang View tungkol sa Local Religious Organization ng Elista at Abinsk. Sa dalawang kaso, sinabi ng CCPR na nilabag ng Russia ang karapatan ng mga Saksi sa ilalim ng Article 18.1 (“karapatan sa kalayaan ng pag-iisip, konsensiya at relihiyon”) at 22.1 (“karapatan sa kalayaan sa pagtitipon”) ng International Covenant on Civil and Political Rights. Pinagtitibay ng mga desisyong iyan na ang mga relihiyosong literatura nila ay hindi nanghihikayat sa mga tao na mapoot o maging marahas.
Hunyo 7, 2022
Nag-release ang ECHR ng mahalagang desisyon, Taganrog LRO and Others v. Russia, na kumokondena sa ginagawang kawalang-katarungan ng Russia sa mga Saksi ni Jehova.
Enero 12, 2022
Idinagdag ng Ministry of Justice of the Russian Federation ang JW Library sa Federal List of Extremist Materials. Ito ang una at tanging app na ipinagbabawal sa Russia at itinuturing na ekstremista.
Setyembre 27, 2021
Ibinasura ng Saint Petersburg City Court ang apela laban sa desisyon noong Marso 31, 2021, na nagdeklarang ekstremista ang JW Library app at ipinagbawal ang paggamit nito sa buong Russian Federation at Crimea. Agad na ipapatupad ang orihinal na desisyon ng korte.
Abril 26, 2019
Nalaman ng UN Working Group on Arbitrary Detention na nilabag ang mga karapatan ni Dmitriy Mikhailov at tinuligsa nito ang pag-uusig ng Russia sa mga Saksi ni Jehova.
Abril 20, 2017
Nagdesisyon ang Korte Suprema ng Russia na ipasara ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova at buwagin ang 395 Local Religious Organizations.