Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 7/8 p. 16-20
  • Mula sa Kamatayan Tungo sa Buhay sa Dachau

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mula sa Kamatayan Tungo sa Buhay sa Dachau
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kamatayan​—Isang Pang-araw-araw na Karanasan
  • “Huwag Mo Silang Kapootan”
  • Maningning na Pananampalataya at ang Triyanggulong Lila
  • Kalayaan na Masumpungan ang Buhay!
  • Isang Bagong Buhay at Pinanumbalik na Pag-asa
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—1986
  • “Oh, Jehova, Panatilihin Po Ninyong Tapat ang Aking Anak!”
    Gumising!—1993
  • Sa Tulong ni Jehova, Nakayanan Namin ang Pahirap ng mga Totalitaryong Rehimen
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Nagtitiwala sa Maibiging Pangangalaga ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 7/8 p. 16-20

Mula sa Kamatayan Tungo sa Buhay sa Dachau

“Huwag mo silang kapootan. Hindi mo sila masasaktan. Sasaktan mo lamang ang iyong sarili!”

ANG mga salitang iyon, binigkas sa akin, isang kabataang babae, ng isang may kabaitang babae sa Dachau piitang kampo noong Digmaang Pandaigdig II, ay nakatulong sa pagliligtas ng aking buhay at katinuan.

Ako’y ipinanganak sa Moscow noong 1926. Ang aking ama ay mula sa Kiev at ang aking ina ay mula sa Georgia. Sila’y mga siyentipiko na nagtuturo sa Moscow University. Ang aking ama ay tumakas mula sa Russia noong 1929 upang manirahan sa Danzig (Gdańsk, Poland, ngayon). Ako’y pinalaki na nagsasalita lamang ng Aleman at ang karamihan ng aming mga kaibigan ay mga Judio.

Nang simulan ni Hitler ang kaniyang kakila-kilabot na pamumuno, ang mga pamilyang Judio ay nagsimulang maglaho sa aming lugar, lalo na sa gabi. Nang magsimula ang digmaan sa pagitan ng Alemanya at Russia, ang aming pamilya man ay naglaho. Oo, kami ay kinuha at binigyan lamang ng ilang minuto upang makapagbihis. Ang lahat ng bagay ay naiwanan.

Sa unang kampong tanungan, ako ay paulit-ulit na tinanong sa ilalim ng nakasisilaw na ilaw at binugbog hanggang sa ako’y pasang-pasa. Hanggang sa araw na ito hindi nila natalos kung bakit hindi ako makasagot sa kanilang mga katanungan tungkol sa mga gawain ng aking mga magulang. Bakit? Sapagkat ang aking mga magulang ay nagsasalita ng Ruso sa isa’t-isa, at ako ay hindi natuto kailanman ng wikang iyon.

Hindi ko na muling nakita ang aking ama pagkatapos na kami ay pababain sa trak sa kampong tanungan. At hanggang sa taóng ito ng 1985 hindi ko pa rin alam kung siya ay buháy o patay.

Saka ikinulong kami ng nanay ko sa isang kotse ng tren ng mga baka sa loob ng apat na araw. Tayuan lamang at walang pagkain, tubig, o kasilyas. Hindi namin alam ang aming patutunguhan​—Dachau​—ang napakasamang gusali ng pagpapahirap at kamatayan!

Pagkatapos matatakan, ipagtulakan, sipain, hubaran ng lahat ng pananamit, at patakbuhin ng mga sundalong SS na may kamay na bakal, kami ay naligo at binigyan ng guhitang kasuotan upang isuot. Saka ako inihiwalay sa aking maibigin at magandang ina at pinadala sa kuwartel para sa mga bata lamang.

Kamatayan​—Isang Pang-araw-araw na Karanasan

Doon ko unang nasaksihan ang kamatayan. Tuwing umaga, aalisin ng mga bilanggong lalaki na may sapat na gulang ang bangkay ng mga batang namatay noong gabi, ang ilan ay dahil sa malnutrisyon, ang iba ay dahilan sa pagpapahirap, at ang iba ay dahilan sa naubusan ng dugo na itinustos sa dugong isinalin sa mga nasugatang sundalo. Naroon lagi ang bunton ng mga bangkay na naghihintay na sunugin. Hindi ito makaya ng mga hurnong sunugan!

At bakit hindi ako nagwakas sa mga hurnong sunugan? Bueno, naipasiya na ako ay gamitin sa medikal na mga eksperimento. Kaya una akong tinurukan ng ilang karamdaman, pagkatapos ng lunas. Gayunman, hindi nasiyahan sa akin ang aking sadistang mga tagapagpahirap, sapagkat ako’y pinalaki na huwag na huwag iiyak o magpapakita ng anumang emosyon. Kaya sa wakas ay ibinaling nila ang kanilang pansin sa iba.

Imposible sa sinuman na hindi pa nakaranas ng mga bagay na ito na maunawaan ang mga epekto nito sa amin na mga bata lamang. Hindi namin alam kung gugustuhin naming mamatay o hindi. Ang iba sa amin ay nag-isip na mabuti pa ang mamatay, ngunit bilang mga bata takot ding kaming mamatay dahilan sa nag-aapoy na impierno na naghihintay sa amin ayon sa aming dating mga guro sa relihiyon. Ngunit kami ay mangangatuwiran: ‘Tiyak, ang apoy ng impierno ay mabuti pa kaysa rito!’

Sa pana-panahon, pinag-uutusan ang mga bilanggo na maligo nang sama-sama, kung saan ang “tubig” ay nagiging gas at ang buong grupo ay mamamatay. Hanggang sa araw na ito nahihirapan pa rin akong mag-shower. Kung susubukin ko, pinagpapawisan ako at nanginginig ang aking buong katawan. Kung minsan, inaasam-asam ko ang kamatayan anupa’t sisikaping kong mauna sa iba sa shower. Ngunit para bang tuwing gagamitin ang gas, ako ay natatabig.

“Huwag Mo Silang Kapootan”

Sa panahong ito nakilala ko si Else. Ipinakipag-usap niya sa akin ang tungkol sa kamatayan, sinasabi sa akin na walang dapat ikatakot. Ipinaliwanag ni Else na kapag ang isang tao ay namamatay, hindi siya nagtutungo sa alinmang impierno ng pagpapahirap kundi basta natutulog. Saka, ‘sa kinaumagahan,’ siya ay magigising at ang lupa ay magiging isang paraiso. (Lucas 23:43; Juan 5:28, 29) Sa panahong iyon, wala nang sakit, pagkapoot, o pagtatangi ng lahi​—tanging kagalakan at kaligayahan sa lahat ng dako. (2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4) Naniwala ako sa kaniya! Ang kaniyang mga salita ay gaya ng sikat ng araw sa aking madilim na buhay.

Isinapanganib ni Else ang kaniyang buhay upang makipag-usap sa akin. Napakaingat niya upang huwag kaming makita ng mga guwardiya na nag-uusap. Kailanma’t bumangon ang pagkakataon, nagtatago kami sa bunton ng basura at mag-uusap sandali. Babalitaan niya ako ng kahanga-hangang mga bagay mula sa Bibliya, mga bagay na nagpangyaring asam-asamin ko ang Paraiso na ibibigay sa atin ng Diyos. Hindi nagtagal, hindi na ako natatakot sa kamatayan kundi mas natanggap ko ang mga kalagayan na aking kinasuungan.

Si Else ay totoong isang malaking kaaliwan sa akin nang mamatay ang aking ina. Ang aking nanay ay napakagandang babae. Isa na lilingunin ng madaraanan niya. Ito ay napakalaking tukso para sa mga kawal na SS anupa’t ginamit nila siya upang busugin ang kanilang hilig sa laman. Gabi-gabi ay sapilitan kong nasasaksihan ang kanilang sadistikong pagnanasa sa kaniya hanggang sa wakas siya ay malupit na pinatay dahil sa pagpapahirap at pangkatang panggagahasa.

Mga 14 taóng gulang lamang, ako ay madaling maimpluwensiyahan. Pagkapoot ang likas na reaksiyon! Ngunit ang mga salita ni Else ay nananatili pa rin sa aking mga pandinig: “Huwag mo silang kapootan. Hindi mo sila masasaktan. Sasaktan mo lamang ang iyong sarili!” Kasuwato ito ng pangungusap ni Jesus tungkol sa ‘pag-ibig sa ating mga kaaway at pagpanalangin doon sa mga umuusig sa atin.’ (Mateo 5:44) Hindi sa tayo ay may pagkagiliw sa gayong mga tao. Bagkus, tayo ay nagpapakita ng pag-ibig sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanila sa kanilang mga pagkilos bilang ating mga mang-uusig.

Tinulungan din ako ni Else na magkaroon ng mas malinaw na pangmalas tungkol sa Diyos. Dati’y kinapopootan ko siya dahilan sa ang mga SS ay may “Ang Diyos ay sumasa-amin” na nakasulat sa hibilya ng kanilang sinturon. Naiisip ko ang tungkol sa mga pagpapahirap, walang-tulog na mga gabi, ang kami’y ispreyhan tuwing linggo ng mga pamatay-insekto, ang surot na sumisipsip ng aming dugo, ang mga daga na dumarating at nanginginain sa aming laman sa gabi, ang tumitinding baho ng kamatayan, ang mga hurnong sunugan na walang tigil, ang lamig, ang kakulangan ng mga kumot, ang kasiyahan na natatamo ng iba mula sa aming paghihirap. Kung sumasa-kanila ang Diyos, sa isip ko, kung gayon ayaw ko ng anumang bahagi sa kaniya.

Maningning na Pananampalataya at ang Triyanggulong Lila

Tinulungan ako ni Else na maunawaan na ang Diyos ay walang pananagutan sa kung ano ginagawa ng sadistang mga lalaking ito. Sa halip, sa kaniyang takdang panahon, ang Diyos ay makikipagtuos. Saka ibabalik niya ang ganap na kalusugan at buhay ng mga walang-sala, ginaganti lahat niyaong naglalagak ng kanilang pag-asa sa kaniya. Sinabi niya na ang Diyos na binabanggit ng aming mga tagapagpahirap ay hindi ang tunay na Diyos, kundi isa na inimbento lamang nila, at na, kung inaakala nila na tatanggap sila ng anumang pagpapala mula sa tunay na Diyos, nililinlang lamang nila ang kanilang sarili.

Ipinaliwanag din ni Else ang dahilan ng mga kaguluhan sa daigdig, sinasabi sa akin na si Satanas ang pinuno ng daigdig na ito at na gagamitin ng Diyos ang Kaharian sa mga kamay ng Kaniyang binuhay-muli, niluwalhating Anak si Jesu-Kristo, upang alisin sa atin ang Diyablo. (2 Corinto 4:4; Juan 14:30; Apocalipsis 20:1-6) Ang lahat ng mga salitang ito ay musika sa aking pandinig at isang pinagmumulan ng kalakasan noong malungkot na mga araw na iyon. Tunay, ang mga salita ni Else at ang makainang kabaitan niya ay isang inspirasyon sa akin.

Pinahirapan siya nang husto ng mga sundalong SS sapagkat siya’y isang Aleman gayunman ay hindi sumuko sa kagustuhan ng mga Nazi. Ipinalalagay ito ng mga SS na parang personal na paghamak at lagi siyang iniinsulto, lahat na ito ay tiniis niya. Napansin ko na mayroon siyang kulay lila na triyanggulo na nakatahi sa manggas ng kaniyang uniporme at nagtataka ako kung ano ang kahulugan nito. Pagkatapos maligtasan ang aking kamatayan sa Dachau aking inalam at nasumpungan ko na ang triyanggulo ay nakareserba sa mga Saksi ni Jehova. Oo, si Else ay isang saksi ng Diyos na Jehova.​—Isaias 43:10-12.

Kawawang Else! Ang payat-payat niya, parang kalansay. Ngunit mayroong lubhang natatangi sa kaniya. Hinding-hindi ko nalaman ang kaniyang apelyido o nalaman man kung tagasaan siya, gayunman napakabait niya at siya ay natatangi sa akin. Naiisip ko na siya ang uri ng ina na nanaisin kong maging ina. Pagkaraang patayin ang aking ina, nawala rin si Else, hindi ko na siya nakitang muli. Ngunit hinding-hindi ko malilimutan ang sinabi niya sa akin o ang kaniyang espiritu ng matahimik na pagtitiwala.

Kalayaan na Masumpungan ang Buhay!

Pagkaraan ng apat na taon sa Dachau, ako ay pinalaya. Tatlong araw bago dumating ang mga hukbong Amerikano, kinulong kaming lahat sa kampo ng mga bantay na SS at sila’y naglaho. Walang makatakas yamang ang mga alambre sa paligid ng kampo ay de koryente. Nang sa wakas ay dumating ang mga Amerikano, pinakain nila kami, ngunit para sa marami ito ay totoong huli na. Nakalulungkot, pagkatapos makipagbaka nang puspusan upang mabuhay, ang marami ay basta nawalan ng ganang mabuhay at sumuko sa kamatayan.

Yamang ako ay mamamayang Ruso, ako’y ibinigay sa mga Ruso. Ngayon na ako ay 17 taóng gulang, ako’y sinabihan na mapapangasawa ko ang komandante ng hedkuwarters. Subalit itinago ako ng isang koronel na nakakakilala sa aking ama sa isang unibersidad sa ilalim ng kumot sa upuan sa likuran ng kaniyang kotse at ipinuslit ako palabas ng kuwartel. Naglakbay ako sakay ng tren patungo sa hangganan ng Russia at, bago mag-umaga isang araw, nasumpungan ko ang isang dako kung saan ang mga guwardiya ay hindi atentibo. Gumapang ako sa kabilang ibayo sa lugar na di-kilala at walang tao, ang layo ay mahigit na isang milya. Minamasdan ako ng mga sundalong Amerikano sa kabilang panig na papalapit sa kanila. Kinuha nila ako at isinakay sa tren na patungong Heidelberg. Nakaupo sa harapan ko ay isang lalaking Ukrainiano na sa wakas ay napangasawa ko.

Ang mga kalagayan ay naging mahirap, yamang pinaghahanap pa rin ako ng mga Ruso. Inanunsiyo pa nga nila sa radyo na hinahanap ako ng aking ama. Subalit takot akong tumugon, iniisip ko na isa lamang itong patibong. Marahil ito nga ang aking ama; gayunman hindi ko maaaring isapanganib ang aking buhay sa pagtugon sa mga anunsiyong iyon sa radyo. Isang araw ako ay sinundan ng dalawang komunistang agent. Kaya’t ako’y nagtungo sa isang department store at sumakay sa elebeytor hanggang sa itaas na palapag. Nakasalubong ko ang manedyer at nang sabihin ko sa kaniya kung ano ang nangyayari, itinago niya ako sa opisina hanggang sa makaalis ang mga agent. Pagkatapos niyan, kaming mag-asawa ay nagpasiyang mandayuhan sa Australia, dumating doon noong Abril 1949.

Isang Bagong Buhay at Pinanumbalik na Pag-asa

Saka nagsimula ang isang bagong buhay. Kami’y dinalaw ng isang lokal na pari, ngunit tumanggi akong dumalo sa simbahan dahilan sa mga bagay na nakita kong ginagawa ng mga relihiyosong tao sa Europa at dahilan sa bagay na ipinakita sa akin ni Else na ang mga simbahan ay hindi mula sa Diyos. Nagsimula akong manalangin sa Diyos upang masumpungan ang katotohanan at pinuntahan ko ang lahat ng lokal na relihiyosong tao, tinatanong sila kung saan sila magtutungo kapag sila ay namatay. Silang lahat ay sumagot “sa langit.” Sa gayon, lilipat naman ako sa susunod na grupo ng relihiyon.

Pagkaraan ng mga ilang araw pagkatapos na ako’y manalangin, isang kabataang lalaki ang kumatok sa aking pinto na nag-aalok sa akin ng The Watchtower at Awake! “Magtutungo ka ba sa langit?” tanong ko. “Hindi po,” sagot niya. “Ang pag-asa ko po’y mabuhay magpakailanman dito sa lupa kapag ito’y ginawa nang isang paraiso.” Narito sa wakas ang isang tao na katulad ni Else! Sa wakas, ito ang katotohanan na hinahanap-hanap ko mula noong mga kaarawan sa Dachau. Tuwang-tuwa ako anupa’t kami siguro’y nag-usap na mga dalawang oras.

Sinugo ng Saksi ang kaniyang tiya upang makipagkita sa akin kinabukasan, at sa loob lamang ng dalawang araw talagang naubos kong basahin ang aklat na From Paradise Lost to Paradise Regained. Saka ko sinimulang basahin ang Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang tinatawag na Bagong Tipan, at tinapos ito sa loob ng tatlong araw. Kamangha-mangha ang lahat ng impormasyong ito! Ang aklat na Paradise at ang Bibliya ay katulad na katulad ng sinabi sa akin ni Else. Ngayon, sa wakas, nasumpungan ko ang kaniyang bayan​—17 taon pagkaraang mapalaya sa Dachau!

Habang ginugunita ko ang aking buhay, nakikita ko na ang pinakamahalagang mga araw ay yaong ginugol ko sa Dachau kasama ng mahal kong si Else na nagsasabi sa akin tungkol sa kamangha-manghang pag-asa sa Bibliya. Dahil sa kaniyang mga pagsisikap, nagawa kong ‘dumaan mula sa kamatayan tungo sa buhay.’ (Juan 5:24) May pagpapahalagang naiisip ko ngayon yaong kinasihang mga salita ng Awit 94:17, 18: “Malibang si Jehova ay naging aking katulong, ang kaluluwa ko sana’y tumahang sandali sa katahimikan. Nang aking sabihin: ‘Ang aking paa ay natitisod,’ ang iyo mismong kagandahang-loob, Oh Jehova, ay patuloy na umalalay sa akin.”

At habang hinaharap ko ang kinabukasan, ang mga salitang ito ng Isaias 41:10 ay nagpapalakas sa akin: “Huwag kang matakot, sapagkat ako’y sumasa-iyo. Huwag kang manlupaypay, sapagkat ako’y iyong Diyos. Aking palalakasin ka. Aking tutulungan ka. Oo, aking aalalayan ka ng kanang kamay ng aking katuwiran.” Salamat sa mga pagsisikap ng mahal kong si Else, tunay ngang tinulungan ako ni Jehova na masumpungan ang buhay sa Dachau.​—Isinulat.

[Blurb sa pahina 17]

Kami ni Nanay ay ikinulong sa isang kotse ng tren ng mga baka sa loob ng apat na araw

[Blurb sa pahina 17]

Naipasiya na ako ay gamitin sa medikal na mga eksperimento

[Blurb sa pahina 19]

Tinulungan ako ni Else na maunawaan na ang Diyos ay walang pananagutan sa kung ano ang ginagawa ng sadistang mga lalaking ito

[Blurb sa pahina 20]

Sa wakas ay nasumpungan ko ang bayan ni Else

[Mga larawan sa pahina 18]

Ang mga gas chamber at mga hurnong sunugan sa Dachau

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share