Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 7/22 p. 23-25
  • Ilang Buhay ang Pinagdaanan Mo?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ilang Buhay ang Pinagdaanan Mo?
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Malaganap na Paniniwala
  • Pagkilala sa Pinagmulan
  • Bunga ng Reinkarnasyon
  • Reinkarnasyon​—Ito ba’y Kapani-paniwala?
  • Reinkarnasyon​—Ito ba’y Tunay?
  • Pag-asa para sa mga Patay
  • Dapat Ka Bang Maniwala sa Reinkarnasyon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Itinuturo Ba ng Bibliya ang Reinkarnasyon?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Reinkarnasyon
    Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan
  • Itinuturo ba ng Salita ng Diyos ang Reinkarnasyon?
    Gumising!—1994
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 7/22 p. 23-25

Ilang Buhay ang Pinagdaanan Mo?

Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa India

NILILILIS ang kaniyang kasuotang cotton, ipinakita ng Indian na ama ng tahanan ang kaniyang napakapangit na paa dahil sa malubhang elephantiasis. Saka niya itinuro ang kaniyang binti, na ang sabi: “Ito ang aking karma mula sa aking naunang buhay.”

Sa mga pananalitang iyon, ipinahayag ng lalaki ang popular na paniniwala sa gitna ng mga Hindu na ang kanilang kasalukuyang buhay ay isa lamang kawing ng mahabang sunud-sunod na muling pagsilang. Naniniwala sila na ang kanilang kasalukuyang kapalaran sa buhay ang kabayaran ng kung ano ang kanilang inihasik sa nagdaang mga buhay at na sila ngayon ay naghahasik sa kung ano ang kanilang aanihin sa hinaharap na muling pagsilang.

Isang Malaganap na Paniniwala

Ang paniniwala sa reinkarnasyon, gayunman, ay hindi lamang natatakdaan sa India. Ito ay umiiral “sa lahat halos ng rehiyon ng daigdig,” sulat ng lider na Hindu na si S. Radhakrishnan. Sa buong daigdig​—sa Aprika, Asia, Hilaga at Timog Amerika, mga isla sa Pasipiko, at Europa​—ang mga tao ay naniniwala na ang mga kaluluwang tao ay lumilipat sa mga pating, buwaya, tigre, mga uso, mga weasel, daga, at pati na sa mga insekto na gaya ng bubuyog at uwang! Ang reinkarnasyon ay hindi lamang natatakdaan sa mga anyong hayop. Ang mga babaing baog sa Aprika at India ay humihingi ng tulong sa mga punungkahoy na pinaniniwalaang tinatahanan ng mga kaluluwa ng mga patay. Ang gayunding kaugalian ay umiiral sa sinaunang Europa.

Ngunit papaano nagsimula ang paniniwala sa reinkarnasyon, o sa paglilipat ng kaluluwa? Bakit naniniwala ang mga tao rito? At papaano naapektuhan ng turong ito ang mga buhay ng tao?

Pagkilala sa Pinagmulan

Kung ang kaluluwa ng tao ay lilipat mula sa isang anyo ng buhay tungo sa isa, kinakailangan na ito ay walang kamatayan. Sa gayon, ang teoriya ng reinkarnasyon ay batay sa doktrina ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, at ang pinagmulan nito ay matutunton hindi lamang sa mga tao o mga bansa na nanghahawakan sa gayong paniniwala. Batay rito, inaakala ng iba na ito’y nagmula sa sinaunang Ehipto. Gayunman, ang iba ay nanghahawakan na ito’y nagsimula sa matandang Babilonya, kung saan nagsimula ang unang misteryosong relihiyon sa kasaysayan. Upang lumikha ng prestihiyo sa kahina-hinalang relihiyon nito, pinaghusay ng Babilonikong pagkasaserdote ang doktrina ng paglilipat ng kaluluwa. Sa gayon masasabi nila na ang kanilang relihiyosong mga bayani ay ang reinkarnasyon ng dakila, bagaman malaong nang patay, na mga ninuno.

Gayunman, sa India ganap na namukadkad ang paniniwalang ito. Ang mga guru na Hindu ay nakikipagbuno sa pansansinukob na mga suliranin ng kasamaan at ang pagdurusa sa gitna ng mga tao. ‘Papaano makakasuwato nito ang ideya ng isang matuwid na Maylikha?’ itatanong nila. Sinubok nilang lutasin ang alitan sa pagitan ng pagkamakatuwiran ng Diyos at ng di-nakikitang mga kasakunaan at ang di pagkakapantay-pantay sa daigdig. Ang resulta ay ang kanilang “batas ng karma”​—ang batas ng sanhi at epekto. Gumawa sila ng isang detalyadong ‘listahan’ kung saan ang mga merito o demerito sa buhay ng isa ay ginagantimpalaan o pinaparusahan sa susunod.

Ang “karma” ay nangangahulugan ng “pagkilos.” Ang isang Hindu ay sinasabing mayroong “mabuting karma” kung siya ay sumusunod sa sosyal at relihiyosong mga pamantayan, o “masamang karma” kung siya ay hindi sumusunod. Ang kaniyang pagkilos, o “karma,” ang titiyak sa kaniyang kinabukasan sa bawat sunud-sunod na muling pagsilang. Ang pangwakas na tunguhin, gayunman, ay mapalaya sa siklong ito ng transmigrasyon o paglilipat at maging kaisa ng Pansansinukob na Espiritu. Ito, ayon sa paniniwala, ay nakakamit sa pamamagitan ng pagsisikap na magkaroon ng sosyal na kaaya-ayang paggawi at pantanging kaalamang Hindu.

Bunga ng Reinkarnasyon

Ang pilosopya sa buhay ng isa na naniniwala sa reinkarnasyon ay makikita sa obserbasyon ng pilosopong Indian na si S. N. Dasgupta: “Ang isang pagkilos sa kaniyang buhay ay karaniwan nang hindi inaasahan na mag-aalis ng anumang mga kasamaan sa buhay na ito na doon ang isa ay itinadhanang dumaan ayon sa karma ng naunang pagsilang.” Ang resulta ay isang nakamamatay na pangmalas sa buhay sa pangkalahatan at sa mga kasamaan at mga kawalangkatarungan sa lipunan lalo na.

Ang batas ng karma ay tumulong din upang panatilihin ang sistemang caste ng lipunang Hindu. Papaano? Yamang ang paniniwalang ito’y nagtuturo na ang kasalukuyang katayuan sa buhay ng isa ay bunga ng karma, o pagkilos ng isa, sa naunang mga pag-iral, ito ay sinasabing hindi na mababago sa kasalukuyang buhay. Ngunit si Swami Nikhilananda ay nagpapaliwanag: “Sa pagtupad ng mga tungkuling tiniyak ng kaniyang caste, ang isang tao ay nagiging kuwalipikado para sa pagsilang sa isang mas mataas na caste sa hinaharap na buhay.” Kaya ang isang indibiduwal na kabilang sa isang mas mababang caste ay natatakot na maghimagsik laban sa mga tuntunin at mga kustumbre ng kaniyang caste. Isa pa, nariyan din ang takot na maparusahan at itakwil, yamang ang sinumang lumalabag o sumusuway sa anumang tuntunin o kaugalian ng kaniyang sosyal na uri ay maaaring parusahan o itakwil ng kaniyang mga kaangkan. Dahilan sa gayong takot, angaw-angaw ang nakulong sa maralitang uri ng “untouchables,” o mga itinakwil, na walang mga karapatan o pribilehiyong sibil. Samantalang ang mga pagsisikap ng modernong mga mambabatas ay nagkaroon ng ilang tagumpay sa pagtatakda ng masamang pagtrato sa tinatawag na mga untouchable, ang malalim ang pagkakaugat na mga relihiyosong kaugalian ay mahirap mapawi sa gayong lipunan na nabubuklod ng tradisyon.

Reinkarnasyon​—Ito ba’y Kapani-paniwala?

Ngunit bakit may paghihirap at di pagkakapantay-pantay sa mga tao? Ang reinkarnasyon ba lamang ang tanging paliwanag o kapanipaniwala pa nga? Isaalang-alang ang lalaki na may elephantiasis na nabanggit sa simula. Sapagkat wala siyang kaalaman tungkol sa sanhi ng kaniyang karamdaman, inaakala niya na ang kaniyang paghihirap ay dahilan sa kaniyang karma. Ngunit kung hindi siya naninirahan sa isang lugar na punô ng mga lamok na nagdadala ng sakit na elephantiasis sa mga tao, o kung may alam siya tungkol sa mga lamok at kumuha ng mga pangontrang hakbang, hindi ba’t maiiwasan niya sana ang kakila-kilabot na sakit? Kaya ang kaniyang paghihirap, ay hindi dahil sa kaniyang karma, kundi dahilan sa “panahon at di-inaasahang pangyayari.”​—Eclesiastes 9:11.

Hindi pa natatagalan sinikap ni Mohandas Gandhi at ng iba pang mga lider na salungatin ang mga epekto ng ideya ng karma-muling pagsilang sa pagsasabi: “Ang pagiging untouchable ay isang krimen laban sa Diyos at sa tao.” Ang mga pagsisikap ni Gandhi at ng iba pang mga taong may pag-iisip na gaya niya ay nagdala ng ilang pagsulong sa pamumuhay ng mga “untouchable.” Hindi ba ipinakikita nito na ang buhay ng isang “untouchable” ay hindi dahilan sa karma ng isa at sa gayo’y hindi nababago? Tunay, ipinakikita nito na ang gayong mapaniil na paraan ng pamumuhay ay resulta ng isang minanang sistemang panlipunan na maaaring pasulungin o baguhin pa nga. Kaya, ang kapalaran ng isang batang “untouchable” ay tunay na gawang-tao, hindi mula sa Diyos.

Kumusta naman ang tungkol sa kasakiman at kabulukan sa daigdig ng negosyo? Pinipili ng isang walang konsensiyang negosyante na magbigay ng suhol o mag-blackmail. Ngunit kailangan ba niyang gawin ito? Hindi ba ang kaniyang katampalasanan ay resulta ng maling paggamit ng kaniyang kalayaang magpasiya? Kaya ang ideya ng “karma-muling pagsilang” ay hindi kinakailangan upang ipaliwanag kung bakit ang mga tao ay naghihirap. Nauunawaan ng makatuwirang mga tao na ang mga aksidente, pagmamana, at maling paggamit ng malayang pagpapasiya ang makatuwirang sanhi ng maraming kasamaan at mga di pagkakapantay-pantay sa buhay.​—Roma 5:12; Eclesiastes 7:29.

Reinkarnasyon​—Ito ba’y Tunay?

Ang doktrina ng reinkarnasyon ay salig sa paniniwala sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa. Kung ang makalupang mga kaluluwa ay namamatay, kung gayon ang teoriya ng muling pagsilang ay magigiba. Ngunit saan tayo maaaring bumaling para sa tumpak na kaalaman tungkol sa problemang ito? Samantalang halos lahat ng pangunahing relihiyosong mga sulat ay nagtuturo ng pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa mula sa isang anyo o iba pa, hindi ito itinuturo ng Bibliya.

Tungkol sa kung ano ang kaluluwa ng tao, ang Bibliya ay nagsasabi: “Nagpatuloy ang Diyos na Jehova na anyuan ang tao mula sa alabok ng lupa at hingahan ang kaniyang mga butas ng ilong ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.” (Genesis 2:7) Sa gayon ang tao​—ang buháy, humihingang kinapal​—ay isang kaluluwa. Hindi siya nagtataglay ng isa, hiwalay at naiiba sa kaniya, na handang umalis sa katawan pagkamatay.

Kung tungkol naman sa kung ano ang nangyayari sa kamatayan, ang Genesis 3:19 ay nagsasabi sa atin: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay magbalik sa lupa, sapagkat diyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka magbabalik.” Kaya, sa kamatayan ang mga tao ay “nagbabalik,” hindi sa isang bagong buhay o muling pagsilang, kundi “sa alabok.” Malinaw na itinuturo ng Bibliya na ang kaluluwa ng tao ay namamatay. Hindi ito lumilipat. “Ang kaluluwang nagkakasala​—ito mismo ay mamamatay,” ang mariing banggit ng Bibliya.​—Ezekiel 18:4, 20.

Pag-asa para sa mga Patay

Yamang ang kaluluwa ay namamatay, anong pag-asa mayroon ang mga patay? Sa halip na pabayaan ang makasalanang mga tao na gawin ang kanilang sariling kapalaran sa pamamagitan ng pagdanas ng di-mabilang na mga muling pagsilang, punô ng paghihirap at kirot, ang Bibliya ay sumasagot: “Magkakaroon ng pagkabuhay-muli kapuwa ng matuwid at di-matuwid.”​—Gawa 24:15.

Sa kaniyang walang-hanggang karunungan at pag-ibig, natatandaan ng Maylikha ang huwaran ng buhay ng mga namatay. Hindi niya ginagawa ito bilang saligan upang hatulan at parusahan sila, gaya ng ibig ipaniwala sa atin ng batas ng karma. Bagkus, ginagawa niya iyon upang buhayin-muli ang mga tao, binubuhay-muli mula sa kamatayan na taglay ang gayunding pagkatao at mga kaugalian na taglay nila bago sila namatay. Yaong mga bubuhaying-muli sa buhay sa lupa ay saka hahatulan batay sa kanilang landas ng buhay pagkatapos ng kanilang pagkabuhay-muli. Sa gayon, bilang mga tao magkakaroon silang muli ng pag-asa sa buhay​—sa isang isinauling makalupang paraiso, na tungkol dito ay tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan o ng hirap pa man. Ang mga bagay nang una ay naparam na.”​—Apocalipsis 21:4.

[Blurb sa pahina 24]

Sinabi ni Gandhi: “Ang pagka-‘untouchable’ ay isang krimen laban sa Diyos at sa tao”

[Larawan sa pahina 23]

Ano ang ginawa ng taong ito upang parusahan nang ganito?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share