Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 10/22 p. 8-9
  • Kung Paano Makatutulong ang Iba

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kung Paano Makatutulong ang Iba
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Ano ang Dapat Gawin . . .
  • Kung Ano ang Hindi Dapat Gawin . . .
  • Papaano Makatutulong ang Iba?
    Kapag Namatay ang Iyong Minamahal
  • Aliwin ang mga Namatayan, Gaya ng Ginawa ni Jesus
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Kaginhawahan Mula sa “Diyos ng Buong Kaaliwan”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • ‘Makitangis sa mga Tumatangis’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2017
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 10/22 p. 8-9

Kung Paano Makatutulong ang Iba

“KUNG may anumang maitutulong ako, sabihin mo lang sa akin,” maaaring sabihin natin sa isang naulilang kaibigan o kamag-anak. Oh, talagang gusto nating makatulong. Gagawin natin ang anumang bagay upang tumulong.

Ngunit tayo ba ay tinatawag ng naulila at sinasabing, “May naisip akong isang bagay na maaari mong gawin upang tulungan ako”? Karaniwan nang hindi. Maliwanag, kailangan nating magkusa kung talagang nais nating tumulong at aliwin yaong nagdadalamhati dahilan sa kamatayan ng isang mahal sa buhay.

Ang kawikaan ng Bibliya ay nagsasabi: “Gaya ng mansanas na ginto sa mga bilaong pilak ay ang salitang sinalita sa tamang panahon.” (Kawikaan 25:11; 15:23) Mayroong karunungan sa pag-alam ng kung ano ang dapat sabihin at kung ano ang hindi dapat sabihin, kung ano ang dapat gawin at kung ano ang hindi dapat gawin. Narito ang ilang nakatutulong na mga mungkahi batay sa kung ano ang sinabi ng mga naulila sa Gumising!

Kung Ano ang Dapat Gawin . . .

Makinig: Ang isa sa pinakamahalagang bagay na magagawa mo ay makiramay sa kirot na nadarama ng naulila sa pamamagitan ng pakikinig. Kaya magtanong, “Gusto mo bang pag-usapan natin ang tungkol dito?” Hayaan mo siyang magpasiya. Naaalaala pa ni Talmadge nang ang kaniyang ama ay mamatay: “Talagang nakatulong sa akin nang tanungin ako ng iba kung ano ang nangyari at saka talagang nakinig.” Kaya matiyaga at may pakikiramay na makinig. “Makiiyak kayo sa mga nagsisiiyak,” ang mungkahi ng Bibliya.​—Roma 12:15; Santiago 1:19.

Magbigay ng katiyakan: Tiyakin sa kanila na ginawa nila ang lahat ng magagawa nila (o anumang bagay na alam mong tunay at positibo). Tiyakin sa kanila na ang kanilang nadarama ay pangkaraniwan. Sabihan sila tungkol sa iba na nakikilala mo na napagtagumpayan ang katulad na kawalan.​—Kawikaan 16:24; 1 Tesalonica 5:11, 14.

Tumulong: Maging handang tumulong, hindi lamang sa unang mga ilang araw kapag maraming mga kaibigan at mga kamag-anak ang naroroon, kundi pagkaraan ng mga ilang buwan kapag ang iba ay nagbalik na sa kanilang normal na rutina. “Tiniyak ng aming mga kaibigan na ang aming mga gabi ay okupado anupa’t wala kaming panahon na magmukmok sa bahay,” paliwanag ni Teresea, na ang anak ay namatay sa isang aksidente sa kotse. “Tumulong iyon sa amin na mapagtagumpayan ang kalungkutan na aming nadarama.”​—Ihambing ang Gawa 28:15.

Magkusa: “Marami ang basta sumige at gumawa ng mga bagay para sa akin,” alaala ni Cindy. “Hindi sila basta nagtanong, ‘Ano ang maitutulong ko?’” Kaya magkusa. Sa halip na “pumarito ka anumang oras” na paanyaya, magtakda ng araw at oras. Kung ang naulila ay tumanggi sa simula, huwag kaagad sumuko. Tularan ang mapagpatuloy na babaing si Lydia na binabanggit sa Bibliya. Pagkatapos anyayahan sa kaniyang tahanan, sabi ni Lucas, “Kami’y pinilit niya.”​—Gawa 16:15.

Asahan ang negatibong mga damdamin: Huwag mabigla sa kung ano ang maaaring sabihin sa pasimula ng mga naulila. Tandaan, sila ay maaaring nakadarama ng galit at pagkakasala. Kung ang mga silakbo ng damdamin ay ituon sa iyo, nangangailangan ng pang-unawa at pakikiramay sa iyong bahagi upang ikaw ay huwag tumugon na galit.​—Colosas 3:12, 13.

Sumulat ng isang liham: Kadalasa’y nakakaligtaan ang kahalagahan ng isang liham ng pakikiramay. Ang bentaha nito? Sagot ni Cindy: “Isang kaibigan ang sumulat sa akin ng isang magandang liham. Talagang nakatulong iyon sa akin sapagkat maaari kong basahin ito nang paulit-ulit.” Ang gayong liham ay hindi kinakailangang maging mahaba, subalit dapat nitong ipadama kung ano ang nasa iyong puso.

Manalangin na kasama nila: Huwag maliitin ang kahalagahan ng iyong mga panalangin na kasama nila at para sa mga naulila. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang pagsusumamo ng isang taong matuwid . . . ay malaki ang nagagawa.” (Santiago 5:16) Halimbawa, ang pagkarinig ng iyong panalangin alang-alang sa kanila ay maaaring makatulong sa kanila na lutasin ang gayong negatibong mga damdamin na gaya ng pagkakasala.​—Ihambing ang Santiago 5:13-15.

Kung Ano ang Hindi Dapat Gawin . . .

Huwag silang gipitin na tigilan ang pagdadalamhati: “Siya, siya, tahan na,” maaaring masabi natin. Ngunit mas makabubuting hayaan silang umiyak. “Sa palagay ko mahalaga na hayaang ipakita at talagang ilabas ng mga naulila ang kanilang damdamin,” sabi ni Katherine, na ginugunita ang kamatayan ng kaniyang asawa.​—Roma 12:15.

Huwag sabihing, ‘Magkakaanak ka pa’: “Ikinagalit ko ang pagsabi sa akin ng mga tao na magkakaanak pa ako,” alaala ni Teresea. Maaaring mabuti ang intensiyon nila, subalit sa nagdadalamhating magulang ang mga salita na para bang ang namatay na anak ay maaaring halinhan ay maaaring ‘tumarak na parang tabak.’ (Kawikaan 12:18) Hinding-hindi mapapalitan ng isang anak ang isa.

Huwag iwasan ang pagbanggit sa yumao: “Marami ang hindi man lamang binabanggit ang pangalan ng aking anak na si Jimmy o ipinakikipag-usap ang tungkol sa kaniya,” gunita ni Geneal. “Aaminin ko na medyo nasasaktan ako kapag ginagawa iyan ng iba.” Kaya huwag baguhin ang paksa. Tanungin ang tao kung gusto niyang pag-usapan ang tungkol sa kaniyang mahal sa buhay. Pinahahalagahan ng ibang naulila ang pagkarinig sa kanilang mga kaibigan na ikinukuwento ang pantanging mga katangian ng yumao na napamahal sa kanila.

Huwag agad sabihin, ‘Para ito sa pinakamabuti’: Ang pagsasabi ng isang bagay na positibo tungkol sa kamatayan ay hindi laging nakaaaliw. Ganito ang sabi ni Cindy: “Sabi ng iba, ‘Hindi siya nagdurusa’ o, ‘Sa paanuman siya ay namamahinga.’ Ngunit ayaw kong marinig iyan.”

Mas mabuting huwag sabihing, ‘Alam ko ang nadarama mo’: Talaga bang alam mo? Halimbawa, maaari bang malaman mo kung ano ang nadarama ng isang magulang kapag namatay ang isang anak kung hindi ka pa nakakaranas nito sa iyong sarili? At kahit na ikaw ay dumanas ng katulad na kawalan, alalahanin na maaaring ang iba ay hindi makadarama na gaya ng nadama mo.​—Ihambing ang Mga Panaghoy 1:12.

 Upang matulungan ang isang naulila ay mangangailangan ng pakikiramay, unawa, at maraming pag-ibig sa iyong bahagi. Huwag hintayin ang naulila na lumapit sa iyo. Huwag basta sabihin, “Kung mayroon man akong magagawa . . . ” Gamitin ang iyong pagkukusa upang gumawa ng isang bagay na nakatutulong.

 Isang katanungan ang nananatili: Ano ang maaaring gawin ng mga naulila tungkol sa kanilang mga damdamin, upang pakitunguhan na mas mabuti ang kanilang kawalan?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share