Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 10/22 p. 14-16
  • Paano Ko Mapakikitunguhan ang Muling Pag-aasawa ng Aking Magulang?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Mapakikitunguhan ang Muling Pag-aasawa ng Aking Magulang?
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ilang Masakit na mga Damdamin
  • “Mapaghihiwalay Ko Sila”
  • Ang Pag-ibig ay Tutulong sa Iyo
  • Papaano Ko Pakikitunguhan ang Muling-Pag-aasawa ng Aking mga Magulang?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas
  • Paano Kapag Nag-asawang Muli ang Magulang Ko?
    Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1
  • Paano Ko Makakasundo ang Aking Magulang sa Pangalawang Asawa?
    Gumising!—1985
  • Maaaring Magtagumpay ang mga Pamilya sa Muling Pag-aasawa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 10/22 p. 14-16

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Mapakikitunguhan ang Muling Pag-aasawa ng Aking Magulang?

Ang bahay ay siksikan ng mga tao at punô ng mga palamuti ng isang kasalan. Nariyan ang mga pagbati sa pagitan ng mga magkakamag-anak. Ang dalawang anak ng nobya mula sa unang asawa ay naglalaro at labas-masok na naghahagaran sa gitna ng karamihan. Ngunit si Shane, ang 14-taóng-gulang na anak na lalaki ng nobyo, ay nananahimik sa isang tabi.

“Nang mapangasawa ni Itay si Rita ang pinakamasamang araw sa buhay ko,” isiniwalat ni Shane nang dakong huli. “Masamáng-masamâ ang loob ko. Alam kong inaasahan ni Itay na ako ay magtatatalon din sa tuwa, gaya ng lahat. Subalit hindi gayon. Ako’y galit. Galit ako kay Itay sapagkat siya’y taksil sa aking Inay. Galit ako kay Inay dahilan sa pag-aaral niya ng abugasya at iniwan kami. Galit ako sa dalawang bata, mga anak ni Rita, na titira sa aming bahay . . . Ngunit higit sa lahat, galit ako kay Rita . . . Kinapopootan ko siya. At sapagkat naniniwala ako na hindi tama na mapoot, galit din ako sa aking sarili.”

KUNG ikaw ay bahagi ng isang pamilya sa pangalawang asawa, alam na alam mo na ang muling pag-aasawa ng isang magulang ay maaaring maging emosyonal na nakalilito. Pagkatapos ilahad ang nasa itaas sa kaniyang aklat na Stepfamilies​—New Patterns in Harmony, ganito pa ang sabi ni Linda Craven: “Ngunit kahit na kung ang bawat isa sa bagong pamilya sa pangalawang asawa ay nagnanais na ito’y maging maligaya, may mga problema na hindi inaasahan ng sinuman.” Gayunman, ang pagkaalam ng kung ano ang mga damdaming inaasahan, kung bakit umiiral ang mga damdaming ito, at kung ano ang gagawin upang pakitunguhan ito ay kadalasang nagbubunga, sa wakas, ng isang maligaya, matatag na pamilya sa pangalawang asawa.

Ilang Masakit na mga Damdamin

Sinisira ng muling pag-aasawa ang pag-asa na ang iyong mga magulang ay magkabalikan pa. Ito ay maaaring lubhang makasakit. Maaaring makadama ka na ikaw ay walang katiyakan, pinagtaksilan, at naninibugho. Isa pa, ang ilang mga kabataan ay asiwa tungkol sa pagiging malapit sa “mga estranghero” na hindi kasekso. Lalo na para sa isang tin-edyer, na pumapasok sa “kasariwaan ng kabataan,” ang malapit na kaugnayang ito ay maaaring pumukaw sa seksuwal na paraan.​—1 Corinto 7:36.

Ang muling pag-aasawa karakaraka pagkamatay ng isang magulang ay maaaring makaragdag sa bagbag na damdamin ng isang kabataan. “Ang kamatayan ng aking ina ay nagpangyari sa akin na maging napakasungit,” sabi ng 16-taóng-gulang na si Missy. “Sinikap kong ibukod ang aking sarili sa mga taong malapit sa akin. . . . Inaakala ko na ang nobya ng aking ama ay kinukuha ang dako ng aking ina anupa’t napakasamâ ng pakikitungo ko sa kaniya. Ito halos ang sumira ng aming pagkakaibigan.”

Dahilan sa katapatan sa iyong tunay na magulang, marahil mentras mas napapamahal sa iyo ang isang magulang sa pangalawang asawa, sumásamâ ang iyong pakiramdam. Halimbawa, isang gabi sinabi ng 13-taóng-gulang na si Aaron sa kaniyang madrasta o tiyahin na bagaman mahusay ang kanilang pagsasamahan, kung minsan naiisip niya na sana’y hindi niya napangasawa ang kaniyang tatay. Sinabi ng kaniyang tiyahin na nauunawaan niya ito, at sila ay nagkaroon ng isang masigla at tapat na pag-uusap. Nang hagkan siya ni Aaron at magsabi ng good night, sabi ni Aaron: “Mahal ko po kayo, mama Veryl, kahit po kung minsan ay naiisip ko na sana’y patay na kayo.” Kapuwa sila natawa sa pagkakasalungatan. Gayunman, isa itong normal na pagkakasalungatan ng mga damdamin na dapat paglabanan ng karamihan ng mga anak sa pangalawang asawa. Sa katunayan, iniulat ng isang pag-aaral noong 1983 na inilathala sa Family Relations na kinasasangkutan ng 103 mga nagdadalaga at nagbibinata na “ang mga problema ng nahahating katapatan” ay mas matindi kaysa sa ibang problema.

“Mapaghihiwalay Ko Sila”

Kung ang iyong magulang ay muling nag-asawa, marahil ay iniisip mo na sirain ang bagong pagsasama. Subalit tandaan, ang iyong tunay na magulang at ang magulang sa pangalawang asawa ay nanata sa harap ng Diyos. Sinabi ni Jesu-Kristo tungkol sa mga mag-asawa: “Hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya, kung gayon, ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao [o anak].” (Mateo 19:6) Kahit na kung masira mo ang muling pag-aasawa, marahil hindi rin nito pagkaisahing-muli ang iyong mga magulang.

Ang sikaping papaghiwalayin ang dalawang tao na talagang nagmamahalan sa isa’t-isa at na pinagbuklod sa pag-aasawa ay maaari lamang magdulot ng pasakit sa lahat, gaya ng natuklasan ng 15-taóng-gulang na si Gerri. “Dati’y naiibigan ko ang asawa [ni Itay], ngunit sa paglipas ng panahon hindi ko na siya naiibigan,” sabi niya. Isang gabi si Gerri ay nagkaroon ng “malaking pakikipag-away” sa kaniyang tiyahin, na humiling sa kaniyang asawa na mamili sa kanila ng kaniyang anak. Pagkatapos ay nagkaroon ng mahabang pakikipag-usap ang ama ni Gerri sa kaniya. “Sabi niya na mahal niya ang kaniyang asawa at ayaw niyang mawala ito, ngunit mahal niya rin ako, anuman ang mangyari,” sabi ni Gerri. “Alam ko na kung ano ang nais niyang sabihin​—na ako ay umalis. Ang samâ ng pakiramdam ko at hindi ako makapagsalita.”

Ang nangyari, si Gerri ay nakipisan sa kaniyang tunay na ina​—na nag-asawa ring muli. Subalit ngayon disidido siyang makitungo nang mahusay sa kaniyang tiyuhin. Ang Kawikaan 11:29 ay nagbababala: “Siyang nagdadala ng gulo sa kaniyang sariling sambahayan ay magmamana ng hangin.” (New International Version) Ang gayong tao ay mawawalan ng isang maalwang tahanan sa dakong huli, oo, walang anumang tinataglay maliban sa hangin. Totoo, maaaring ituring ng isang bata ang magulang sa pangalawang asawa bilang siyang dahilan ng kaguluhan, ngunit dapat malasin ng isa ang mga bagay nang makatotohanan.

Ang Pag-ibig ay Tutulong sa Iyo

Ang pag-ibig na may simulain na inilarawan sa Bibliya ay higit pa sa basta isang damdamin; ito’y isang kapahayagan ng walang pag-iimbot. Sa 1 Corinto 13:4-8 binabanggit ng Bibliya kung papaano kumikilos ang pag-ibig na ito.

​—Ang pag-ibig “ay hindi hinahanap ang sariling kapakanan.” Si Eric ay nahihirapang makibagay sa kaniyang tiyuhin, ngunit siya ay nagsumikap sapagkat, gaya ng paliwanag niya: “Nakikita ko na marami siyang kabutihang nagawa sa aking ina.” Mahalaga na ‘huwag hanapin ang sariling kapakanan, kundi ang kapakanan ng kapuwa.’ (1 Corinto 10:24) Maaari kayang pagkatapos na mamuhay sa ganang sarili sa loob ng ilang panahon, baka naisin ng iyong tunay na ina na dumipende sa isa pang maygulang upang tulungan siya sa pagdidisiplina at paggawa ng disisyon?

Mahalaga rin na magkaroon ng ‘pakikiramay sa kapuwa’ sa iyong magulang sa pangalawang asawa. (1 Pedro 3:8) Nagugunita pa ni Sharon, ngayo’y 27 taóng gulang, nang ang kaniyang ina ay muling mag-asawa. “Batid ko na nadarama ng aking tiyuhin na para bang siya’y isang estranghero. Gayunman, naisip ko na siya ay mayroon ding mga damdamin. Lagi siyang naroroon kapag kami ay may mga problema. Alam kong hindi madali para sa kaniya na magkaroon ng isang pamilya na may limang mga anak, kaya sinikap kong ilagay ang aking sarili sa kaniyang kalagayan. Nais niyang siya’y tanggapin kung paanong gusto rin naming kami’y tanggapin.”

​—“Ang pag-ibig ay hindi naninibugho.” Karaniwan nang ayaw ng mga kabataan na may kahati sa pag-ibig ng kanilang tunay na mga magulang, para bang ito’y natatakdaan. Subalit ang pag-ibig ay maaaring palawakin. “Ang aming puso ay lumalawak,” sulat ni apostol Pablo. Ang ilan doon sa mga sinulatan niya ay malamang na naging malamig ang pakikitungo sa kaniya. Subalit sinabi ni Pablo: “Hindi kayo nakasisikip sa amin, kundi nagsisikipan kayo sa inyong magiliw na pagmamahal.” “Pinalawak” ni Pablo ang kaniyang pag-ibig upang isama silang lahat. Sila ang kinakailangang tumugon sa gayunding pag-ibig at “palawakin” ang kanila mismong pag-ibig.​—2 Corinto 6:11-12.

Maaaring palawakin ng iyong tunay na magulang ang kaniyang pag-ibig upang isama ang isang bagong kabiyak at gayunma’y panatilihin ang dating pagmamahal sa iyo. Subalit handa ka bang buksan ang iyong puso upang isama o isali ang isang magulang sa pangalawang asawa? Ang gayong pag-ibig ay hindi nangangahulugan na ikaw ay di-tapat sa iyong yumaong magulang. Hinding-hindi mapapalitan ng iyong magulang sa pangalawang asawa ang isa na may natatanging pitak sa iyong puso. Ngunit kung palalawakin mo ang iyong puso upang isama ang pagmamahal para sa iyong magulang sa pangalawang asawa, binubuksan mo ang pagkakataon para sa isang saganang pagpapalitan ng pag-ibig.​—2 Corinto 12:15.

​—Ang pag-ibig “ay hindi nag-uugaling mahalay.” Ayon sa ulat, ang bawal na mga kaugnayan sa sekso ay nangyayari sa gitna ng mga membro ng pamilya sa 25 porsiyento ng mga pamilya sa pangalawang asawa. Hindi lamang ito isang kasalanan sa Diyos kundi ipinagkakanulo rin nito ang pagtitiwala at pagmamahal ng pamilya. (1 Corinto 6:9, 10, 18) Mahalaga na “patayin” ang seksuwal na mga damdamin. Ang ina ni David ay muling nag-asawa nang si David ay 15. Sapagkat tatlo sa kaniyang apat na mga kapatid na babae sa pangalawang asawa ay mga tin-edyer din, sabi niya: “Kailangang maging blangko ang isip ko tungkol sa seksuwal na mga damdamin.” Mangyari pa, nanaisin mo ring maging maingat sa paraan ng iyong pananamit o paggawi sa bahay na hindi pumupukaw ng seksuwal na mga pagnanasa sa iba.​—Colosas 3:5.

​—Ang pag-ibig “ay binabata ang lahat ng bagay . . . Binibigyan tayo nito ng lakas upang matiis ang anumang bagay.” (Salin ni Charles B. Williams) Kung minsan para bang wala nang pag-asang guminhawa pa ang kalooban. Sabi ni Marla: “Para bang wala akong dako sa tahanan. Sinabi ko pa nga sa aking ina na sana’y hindi na ako ipinanganak pa. Subalit ang paglalayas sa tahanan ay hindi lumutas ng anumang bagay. (Ginawa ko ito nang makalawang beses.) Ang pagiging rebelde ay hindi nakatulong. Ang pinakamabuting bagay ay magtiis.” Nang magtagal siya at ang kaniyang tiyuhin ay naging mabuting magkaibigan. Kahit na kung ang iyong magulang ay namatay, masusumpungan mo na kung magbabata ka, marahil sinasabi ang nilalaman ng iyong dibdib o damdamin sa isang mapagkakatiwalaan at kuwalipikadong kaibigan, ang kirot ay unti-unting nababawasan.

Kaya ang pagpapakita ng pag-ibig na may simulain ang pinakamabuting paraan upang mapakitunguhan ang muling pag-aasawa ng isang magulang. Gaano man katindi ang iyong naging mga damdamin, laging tandaan: “Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman.”​—1 Corinto 13:8.

[Mga larawan sa pahina 15]

Ang muling pag-aasawa ng isang magulang ay maaaring lumikha ng mga damdamin ng galit, kawalang katiyakan, at paninibugho

Ang pag-ibig ay tutulong sa iyo na mapagtagumpayan ang mga damdamin ng paninibugho

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share