Pagtatamo ng Tunguhin Ko Mula sa Pagkabata
NATATANDAAN ko pa ang aking unang tanong tungkol sa Diyos. Kami ng aking nanay ay naglalakad pauwi mula sa kindergarten, hawak-hawak ako sa kamay. “Nanay, saan galing ang Diyos?” tanong ko, na nakatingin sa kaniya.
“Walang nakakaalam, iha,” ang kaniyang tugon. Nakabahala ito sa akin sapagkat akala ko alam ng Nanay ang lahat. ‘Walang nakakaalam kung saan galing ang Diyos’ ang patuloy na gumulo sa aking limang-taóng-gulang na isipan.
Nauunawaang Turo ng Bibliya
Pagkalipas ng dalawang taon pinahintulutan ako ng aking mga magulang na magbakasyon sa aking tiya at tiyo na nakatira sa Racine, mga 25 milya (40 km) mula sa aming tahanan sa Milwaukee, Wisconsin. Ibinahagi sa akin ng aking tiya ang kahanga-hangang pag-asa na iniaalok ng Bibliya—na balang araw ay mamuhay sa isang paraiso.
Ipinaliwanag niya na ang “paraiso” ay nangangahulugan ng isang dako ng likas na kagandahan, gaya ng isang kahanga-hangang halamanan o parke. Doon ay tatamasahin mo ang maliligayang panahon na kasama ng iyong pamilya at maglalarong walang takot na kasama ng mga hayop na gaya ng mga leon at mga tigre sapagkat ang mga ito ay magiging maamo na gaya ng mga kuting. At hindi mo na kailangan pang lisanin ang dakong ito sapagkat sinasabi ng Diyos na ang mga taong mamumuhay roon ay hindi na kailangan pang mamatay!—Lucas 23:43; Apocalipsis 21:3, 4; Isaias 11:6-9.
Maraming tao ang nagsasabi na ang Bibliya ay mahirap unawain, na ito ay hindi isinulat upang maunawaan. Subalit ang mga kasulatan na detalyadong naglalarawan sa mga bagay na ito ay hindi mahirap para sa akin na maunawaan nang ipakita ito sa akin ng aking tiya. Napakadaling ilarawan nito, yamang ito ay kasuwato ng karanasan ng tao—hindi isang kuwentong ada o pantasiya. Ang mga pantasiya ng kabataan ay dumarating at nalilimutan, subalit ang salig-Bibliya na pag-asang ito ng pamumuhay sa isang Paraiso ay nakaimpluwensiya sa aking buhay sa nakalipas na 23 mga taon, at ngayon ito ay tunay na tunay pa rin gaya ng kung ano ito noong ako’y pitong taon lamang.
Hindi Lahat ng Pagsamba ay Sinasang-ayunan
Kahit na sa aking kamusmusan, napapahalagahan ko na ang isang Diyos na gayon na lamang ang pagmamahal sa mga tao upang alukin sila ng isang kaaya-ayang buhay ay tiyak na kinakailangang sambahin. Subalit ipinakita sa akin ng aking tiya na hindi lahat ng pagsamba ay kalugud-lugod sa Diyos. Ipinabasa niya sa akin ang Awit 115, kung saan binabanggit yaong mga sumasamba sa kaniya sa maling paraan: “Ang kanilang mga diyus-diyusan ay pilak at ginto, yari ng mga kamay ng mga tao. Sila’y may bibig, ngunit sila’y hindi makapagsalita; mga mata’y mayroon sila ngunit hindi sila makakita; sila’y may mga tainga, ngunit hindi sila makarinig. Mga ilong ay mayroon sila, ngunit hindi sila makaamoy. Mayroon silang mga kamay, ngunit hindi sila makaramdam. Mga paa ay mayroon sila, ngunit hindi sila makalakad; ni nakapagsasalita man sila sa kanilang mga lalamunan. Ang nagsisigawa sa kanila ay magiging gaya nila, oo bawat tumitiwala sa kanila.”—Awit 115:4-8.
Ang mga kasulatan ding ito, ay hindi mahirap para sa akin na unawain. Maliwanag, hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang paggamit ng mga imahen sa pagsamba! Agad kong naalaala ang mga estatuwa at mga larawan sa simbahan na aming niyuyukuran at hinahalikan, at ang larawan ni Jesus sa aking kuwarto na pinananalanginan ko. Napag-unawa ko—ang aking relihiyon, ang relihiyon ng aking mga magulang, ay hindi kasuwato ng Bibliya! Mula noon, naging pangunahing hangarin ko ang sambahin ang Diyos “sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:23.
Tiyak na may dahilan ang aking tiya sa pagpapakita sa akin ng gayong mga kasulatan na gaya niyaong sa Awit 115. Alam niya na ang aking ama, na kaniyang nakababatang kapatid, ay lubhang naindoktrinahan sa paggamit ng mga imahen sa pagsamba sa relihiyong Orthodoxo. Si ama ay nandayuhan sa Estados Unidos mula sa Ukraine pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, at siya, si Nanay, ang aking dalawang nakababatang mga kapatid na babae, at ako ay regular na dumadalo sa Ukrainian Orthodox Church sa Milwaukee.
Pasimula ng Pagsalansang ng Pamilya
Pagbalik ko ng bahay sinabi ko sa aking mga magulang ang tungkol sa mga bagay na aking natutuhan. Subalit agad kong naramdaman na hindi nila pinahahalagahan ang pakikipag-usap sa akin ng aking tiya tungkol sa kaniyang relihiyon. Kaya ako ay nanahimik—at nabalisa. Sabi ng Kasulatan, “Igalang mo ang iyong ama at iyong ina,” ngunit ngayon ako ay nahahati sa pagitan ng dalawang ama—ang aking natural na ama at isang makalangit na Ama na humihiling din ng pagsunod at paggalang.—Efeso 6:1-3.
Sa sumunod na mga taon, patuloy na pinahihintulutan ako ng aking mga magulang na dalawin ang aking tiya at tiyo. Samantalang ako’y naroroon, isinasama nila ako sa mga pulong sa Kingdom Hall, at isinama pa nga ako ng isang kabataang Saksi sa pagbabahay-bahay upang sabihin sa iba ang tungkol sa mga pangako ng Diyos. Ang mga Saksi ay talagang interesado sa akin, pinakikitunguhan ako na tulad sa isang tunay na persona, at siyang-siya ako sa pakikisama sa kanila. Tuwing uuwi ako ng bahay itatanong ng aking tatay, “Kaninong relihiyon ang mas gusto mo?” Ang sagot ko lagi ay, “Ang sa atin po, Itay.” Bilang isang munting bata, ako ay takot na takot na sabihin sa kaniya ang katotohanan.
Pagkatapos dumating ang araw na ipinasiya kong ipakikita kay Itay mula sa Bibliya ang tungkol sa lahat ng bagay na aking natututuhan—kung gaano kamali ang paggamit ng mga imahen at mga larawan sa pagsamba, at tungkol sa kahanga-hangang kinabukasan na maaaring tamasahin dito mismo sa lupa sa Paraiso na gagawin ng Diyos. Ako ay 12 anyos nang panahong iyon. Bueno, ang aking ama ay galit na galit at pinagbawalan akong makipagkita pang muli sa aking tiya. Mula noon, ang aming tahanan ay hindi na naging gaya ng dati. At ito ay naging mas matindi sa paglipas ng mga panahon.
Kaya ano ang gagawin ko? Paano ko kaya mapaglilingkuran ngayon si Jehova? Natatandaan ko pa ang taimtim kong panalangin na huwag pa sanang pasapitin ni Jehova ang bagong lupang Paraiso hanggang sa ako ay maging isa sa kaniyang mga lingkod. Pagkatapos isang araw, nang ako’y 14 anyos na, nagkaroon ng kasagutan sa aking mga panalangin.
Paglalagay ng Tunguhin Ko sa Buhay
Nauupo sa aking desk isang hapon na ginagawa ang aking homework, napatingin ako sa labas ng bintana ng aking silid. Naroon sa kabilang kalye ang dalawang kabataang babae na may dalang malalaking bag. Bumilis ang tibok na aking puso! Para silang mga Saksi! Tumakbo akong palabas ng bahay. “Kayo ba’y mga Saksi ni Jehova?” tanong ko.
“Oo,” tugon nila.
“Ako man,” sabi ko, yamang itinuturing ko na ang aking sarili na gayon nga. Ang mga kabataang babae ay buong-panahong mga ministrong payunir. Ipinaliwanag ko ang pagsalansang sa tahanan, kaya’t isinaayos namin na mag-aral sa mga lugar maliban sa aming tahanan. Kami ay lihim na nag-aral sa loob ng apat na taon.
Mula sa mga pag-aaral na ito, naging lalong maliwanag na ang mga Saksi ni Jehova ang tanging relihiyon na nagtuturo at nagsasagawa ng katotohanan mula sa Bibliya. Binigyan ako ng mga kabataang Saksi na tumutulong sa akin na matuto ng Bibliya ng maraming publikasyon upang basahin. Ang isa sa mga ito ay ang Yearbook of Jehovah’s Witnesses. Mula sa pagbabasa nito natutuhan ko na ang mga buhay ng mga lingkod ni Jehova ay hindi kabagut-bagot. Ang taunang publikasyong ito ay punô ng mga karanasan ng misyonero. Kahanga-hanga marahil ang maging isang misyonero, naisip ko, at magkaroon ng gayunding kapana-panabik na mga karanasan sa buhay! Iyan ang naging tunguhin ko.
Hindi natuklasan ng aking pamilya ang aming pag-aaral, bagaman naghihinala sila na ako’y nakikipagkita sa mga Saksi ni Jehova. Nalaman nila ito sapagkat kung minsan ay nasusumpungan nila ang literatura sa Bibliya sa aking silid. Hahalungkatin ng aking mga kapatid na babae (sila’y kambal at dalawang taóng mas nakababata sa akin) ang aking mga aparador, titingin sa ilalim ng kama, at hahalughugin ang buong silid para sa anumang literatura na makukuha nila at maipakikita sa aking mga magulang. Ang tanging lugar na hindi nila sinasaliksik ay ang mga bulsa ng amerikana na nakabitin sa aparador.
Sumidhi ang Pagsalansang
Yamang tumanggi akong umayon sa anyo ng pagsamba ng aking magulang, ang buhay sa tahanan ay naging lubhang mahirap. Kung minsan ay hindi ako kakausapin ni Nanay ng mga ilang araw, ayaw pa ngang sagutin ang mga tanong ko tungkol sa paaralan, pananamit at lahat ng iba pang bagay. Pagkatapos ay hindi na ako pinahintulutang sumakay sa kotse na gaya ng ibang membro ng pamilya. Iba’t ibang mga kamag-anak, inudyukan ng aking mga magulang, ang dadalaw at lilibakin ako at ang aking mga paniniwala.
Napakaraming pagtatalo, pag-aaway, at pag-iyak. Bunga nito, ang karamihan ng mga taon ng aking paglaki ay miserable. Kay laking tulong na mabasa ang mga salita ni Jesus sa Mateo 10:34-37 kung saan sinasabi niya na ang kaniyang mga turo ay ‘lilikha ng mga pagkakabaha-bahagi’ sa ilang mga sambahayan. Sinabi pa ni Jesus na ang pag-ibig na taglay natin sa Diyos ay dapat na mas malaki kaysa pag-ibig na taglay natin sa mga malapit at mahal sa atin gaya ng ating mga magulang.
Lagi akong binabalaan ng aking ama na kung ako ay magiging isa sa mga “Jehova” na iyon ako ay aalis ng bahay, at alam kong gagawin niya iyon. Pagkatapos kong makapagtapos sa high school noong 1971, ipinaliwanag ko kay Itay na yamang ako ngayon ay 18 na at may sapat na gulang na upang mag-asawa, ako ay may sapat nang gulang upang pumili ng aking sariling relihiyon—at napili kong maging isa sa mga Saksi ni Jehova. Nang panahong iyon mayroon akong trabaho at handa akong umalis ng bahay. Subalit bagaman sinundan ito ng isang mainit na pagtatalo, hindi ako sinabihan ni Itay na lumayas. Hindi ako makapaniwala! Pinagpapala ni Jehova ang aking mga pagsisikap.
Kung Bakit Sila Salansang
Ang aking mga magulang ay mga relihiyosong tao at taimtim na naniniwala na ang kanilang anyo ng pagsamba ay tama. Natitiyak ko na nais lamang nila ang pinakamabuti para sa akin. Si Itay ay isang punong-gurò sa mababang paaralan at guro sa Ukraine, at pangarap niya na ang kaniyang mga anak ay magkaroon ng pormal na edukasyon at maging matagumpay sa Amerika. Nais ni Itay at ni Inay na kami ay maging edukado tungkol sa kultura, kaya’t mula sa kamusmusan, kaming mga batang babae ay natutong tumugtog ng mga instrumento sa musika.
Ngayon waring ang kanilang pinakamatandang anak na babae ay tinatanggihan ang lahat ng nais nila para sa kaniya, pati na ang isang edukasyon sa kolehiyo. Hindi naman sa ako ay tutol mismo sa isang edukasyon sa kolehiyo, ngunit mula sa aking pagkaunawa ng Bibliya kumbinsido ako na ang sistemang ito ng mga bagay ay malapit nang magwakas. Dahilan diyan, naniniwala ako na dapat ay ituon ko ang aking pag-iisip sa nagliligtas-buhay na gawaing pangangaral sa halip na higit na mapasangkot sa isang namamatay na sistema. Kumbinsido ako na ang pagtuturo sa iba kung paano magkakamit ng buhay sa Paraiso ng Diyos ay mas mahalaga kaysa anupamang ibang bagay.—2 Pedro 3:13.
Kasabay nito, inaamin ko na ang ilang pag-uusig mula sa aking pamilya ay kasalanan ko rin. Alam mo, marami akong natututuhan tungkol sa mga relihiyosong turo—kung ano ang tama, kung ano ang mali. Gayunman hindi ko napahalagahan na kasama rin sa paglilingkod sa Diyos “sa espiritu at katotohanan” ang pagsusuot ng “bagong pagkatao,” na nangangailangan ng pagsasagawa ng kaaya-ayang mga katangian na gaya ng kapayapaan, kaamuan, pagtitiis, at pagpipigil-sa-sarili. (Efeso 4:22-24; Galacia 5:22, 23) Kaya maliwanag na ang kabiguan ng aking mga magulang ay sumidhi dahilan sa hindi ako naging mataktika, at tinugon nila ito ng pagsalansang.
Pagkatapos sabihin kay Itay na ako ay magiging isa sa mga Saksi ni Jehova, regular kong dinaluhan ang mga pulong sa Kingdom Hall. Pagkatapos, noong Disyembre 1972, sinagisagan ko ang aking pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Sinabi ni Jesus sa Marcos 10:29, 30: “Walang sinumang nag-iwan ng bahay o mga kapatid na lalaki o babae o ina o ama o mga anak o mga bukid alang-alang sa akin at alang-alang sa mabuting balita na hindi tatanggap ng tig-iisang daan ngayon sa panahong ito, ng mga bahay at mga kapatid na lalaki at babae at mga ina at mga anak at mga bukid, kalakip ng mga pag-uusig, at sa darating na sistema ng mga bagay ay ng buhay na walang hanggan.” Hindi nagtagal, gaya ng pangako ni Jesus, nagkaroon ako ng mga kaibigan sa gitna ng bayan ni Jehova na pumunô ng kahungkagan ng hindi pagkakaroon ng malapit na kaugnayan sa aking pamilya. Ang ilan ay parang mga ina at ama at mga kapatid na lalaki at babae sa akin.
Paggawa Tungo sa Aking Tunguhin
Nais ko pa ring maging isang misyonera. Subalit ang mga payunir lamang ang kuwalipikadong dumalo sa Bible school of Gilead, kung saan pagkatapos nito sila ay sinusugo sa ibang bansa bilang mga misyonero. Gayunman, ang pangunahing hakbang upang tamuhin ang tunguhing iyan—ang pagpapayunir—ay lilikha ng mga problema.
Una sa lahat, lalo itong ikagagalit ng aking mga magulang. Sa paano man medyo nasisiyahan sila na ako ay mayroong mahusay na trabaho bilang isang sekretarya at sa paano man ay may halaga ang aking buhay. Isa pa, ano kaya ang sasabihin ko sa aking boss? Inupahan niya ako taglay ang pagkaunawa na ako ay magtatagal sa kompanya. Ngayon ako ay magbibitiw bago pa man sila makabawi sa kanilang puhunan ng pagsasanay sa akin. Minsan pa ay taimtim akong nanalangin kay Jehova para sa lakas at tibay ng loob na gawin ang hakbang na ito.
Humihinga nang malalim, tinungo ko ang tanggapan ng aking boss isang araw noong tag-araw ng 1973 at ipinaliwanag ko sa kaniya ang aking tunguhin na maging isang buong-panahong mangangaral. Natulala ako sa kaniyang sinabi: “Larisa, kung iyan talaga ang gusto mo sa iyong buhay, hangal ka kung mananatili ka rito.” Hindi ako makapaniwala! Narito ang isang makasanlibutang tao na nagsasabi sa akin na kung nais kong paglingkuran ang tunay na Diyos na si Jehova sa mas malawak na kakayahan, mangmang ako kung hindi ko gagawin ang gayon!
Nagkaroon pa ako ng higit na sorpresa kinabukasan. Nilapitan ako ng aking boss at tinanong kung nais kong magtrabaho nang bahaging-panahon. Tama ba ang naririnig ko? “Subalit wala pong kaayusan para sa bahaging-panahong pagtatrabaho sa kompanyang ito,” tugon ko.
“Oo, alam ko, ngunit maaari nating gawin iyan,” sabi niya. May kaugnayan diyan, inalok niya ako ng “anumang araw at anumang oras” na nais ko. Anong laking katibayan na tinutulungan ako ni Jehova, at isang tiyak na katibayan ng katotohanan ng mga salita ni Jesus, ‘Patuloy na hanapin muna ang kaharian, at lahat ng iba pang mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo’!—Mateo 6:33.
Kaya noong Agosto 1973 ang aking unang buwan sa paglilingkod bilang payunir. Gaya ng inaasahan ko, matinding tinutulan ng aking pamilya ang aking pasiya, kaya kinailangan na ako ay umalis ng bahay. Bagaman ang kalagayan ay lubhang nakapagpalungkot sa akin, gayunman sa paglipas ng panahon, ang mga kaigtingan ay nabawasan sa aming pamilya, at sa wakas natatamasa namin ang isang kaaya-ayang kaugnayan, nagtatawanan at nagbibiruan at nag-uusap na sama-sama bilang isang pamilya.
Bago namatay si Inay noong Agosto 1979, tinanggap niya ako sa tahanan kung ako’y dumadalaw mula sa atas ko bilang isang payunir sa timugang bahagi ng Estados Unidos. Pagkatapos, noong Abril 5, 1980, si David, na may gayunding tunguhin sa buhay na gaya ko, ay aking napangasawa. Nakatutuwa, si Itay ay dumalo sa aming kasal at binigyan pa nga kami ng isang malaking halaga na regalo. Kaya bagaman siya, ni ang aking mga kapatid na babae ay hindi nagpapahalaga sa aking pagsamba kay Jehova, mayroon kaming mabuting kaugnayan.
Noong Enero 1984, pagkatapos maglingkuran nang mahigit sampung taon bilang payunir, kami ni David ay tumanggap ng isa sa mga sorpresa sa aming buhay. Pagdating namin ng bahay isang hapon, nasumpungan namin ang isang malaking sobre. Naglalaman ito ng isang paanyaya sa ika-77 klase ng Gilead na magsisimula sa Abril! Noong Setyembre kami ay nagtapos, at pagkaraan ng ilang araw kami ay nagtungo sa aming atas bilang mga misyonero sa Honduras, Sentral Amerika.
Ngayon tinatamasa ko ang ilan sa mga kapana-panabik na mga karanasang iyon na lagi kong buong-pananabik na binabasa sa Yearbook of Jehovah’s Witnesses. Sa pagtatamo ko ng aking tunguhin mula sa pagkabata na maglingkod bilang isang misyonera, nais kong panatilihin ang dakilang pribilehiyong ito ng paglilingkod. Gayunman ang aking pangunahing tunguhin ay patuloy na sambahin si Jehova “sa espiritu at katotohanan,” sa bandang huli ay kamtin ang kaniyang pagsang-ayon, at pagkatapos ay tamasahin ang dakilang Paraiso kung saan gagantimpalaan niya ang kaniyang mga lingkod ng ninanasa ng kanilang mga puso—buhay na walang hanggan sa Paraiso! (Awit 37:4)—Gaya ng isinaysay ni Larisa Krysuik.
[Blurb sa pahina 18]
Ngayon ako ay nahahati sa pagitan ng dalawang ama
[Larawan sa pahina 21]
Naglilingkod sa aking atas bilang misyonera sa Honduras