Ang Buhay sa Isang Malaking Kompanya
ANG habang-buhay na trabaho, patuloy na edukasyon, mga pag-asenso, mga bonus, pabahay ng kompanya, mga pasilidad sa paglilibang—ang mga ito at marami pang ibang mga pakinabang ang pangarap ng mga manggagawa sa buong daigdig. Sa Hapon, ang mga ito ay pang-araw-araw na mga katotohanan ng marami sa mga manggagawa nito. Sa katunayan, ito marahil ang mga aspekto ng himalang Hapones na pinag-uusap-usapan at hinahangaan ng mga tao saanman.
Gayunman, may iba pang mga aspekto na kaunti lamang ang nalalaman ng mga tagalabas. Halimbawa, gaano kakontrolado o kaapektado ng malalaking kompanya ang buhay ng isa? Sa anong lawak apektado ang pag-aasawa, buhay pamilya, sosyal na buhay, at pati na ang relihiyosong mga palagay ng isa? Ano ang mga sakripisyo na dapat gawin ng isa upang makabagay? Ito ang mga bagay na madaling nakakaligtaan ng mga tagalabas sapagkat ang mga ito ay natatabunan ng kasaganaan at tagumpay. Gayunman, sa malaking bahagi, hindi ba’t ang mga bagay na ito ang siyang tumitiyak sa wakas kung baga ang isang tao ay tunay na maligaya, nasisiyahan, at sa gayo’y matagumpay?
Mga Pag-uugali sa Trabaho
Isang resulta ng habang-buhay na trabaho ay ang sensitibong bagay na tungkol sa ranggo o kataasan sa ranggo (seniority). Ang mga lalaking nangunguna o nasa kaitaasan ay nagkaroon ng mahabang karanasan sa kompanya. Natural, sila ay humihiling ng paggalang at pagkikipagtulungan ng mas nakababatang mga tao sa ilalim nila. Ang mas bata o mas bagong mga empleado naman, ay inuuri ayon sa kanilang mga taon ng paglilingkod sa kompanya. Ito ay lumilikha ng pormal na kapaligiran sa lugar ng trabaho, at ito ay ipinababanaag sa kanilang pananalita at pag-uugali.
Sa Hapones mayroong tatlong istilo ng pananalita. Sa pakikinig lamang sa pananalita ng isang tao, masasabi mo kung siya ay nagsasalita sa isa na nakatatanda, kasinggulang, o nakababata sa kaniya. “Ang pagbigkas ng kaniyang pangalan [lamang] kapag kinakausap ang isa na mas nakatatanda o mas mataas ang ranggo ay isang kabastusan,” paliwanag ng isang manedyer na Hapones. Bagkus, ang apelyido, o huling pangalan o titulo ng isang tao gaya ng shacho (presidente) o bucho (manedyer) ay ginagamit kasama ng magalang na salitang “san” o “sama.”
Ang pagyuko, na maaaring mangahulugang “salamat po,” “mawalang galang na nga po,” “ikinalulungkot ko po,” at marami pang ibang mga bagay, ay isang mahalagang bahagi ng magandang kaugalian sa opisina. Gayundin ang salitang “hai” (oo) kasama ang pagtango. Gayunman, ang pagsasabing ito ng “oo” ay hindi nangangahulugang “Oo, ako’y sumasang-ayon,” kundi ito’y nangangahulugang “Oo, nauunawaan ko po ang sinasabi ninyo.” Isa lamang itong paraan upang ipakita ang paggalang sa nagsasalita.
Bunga nito, ang karamihan ng mga lalaki ay parang mga isda na wala sa tubig minsang sila’y nasa labas ng lugar ng trabaho. Kapag may nakilala silang isang tao na hindi nagtatrabaho sa kanilang pinapasukang kompanya, ang pag-uusap ay nagiging asiwa hanggang sa malaman nila ang kaniyang katayuan upang ang wastong uri ng pananalita ay magamit. Ang mga calling card at mataktikang pagtatanong ay ginagamit upang tiyakin ito bago simulan ang isang pag-uusap. Ang impormal at pangkaraniwang pag-uusap ay mahirap para sa kanila kahit na sa kani-kanilang mga asawa at mga anak. Palagay lamang ang kanilang loob kapag kasama nila ang maliit na grupo ng kanilang mga kamanggagawa sa kompanya.
Katapatan sa Grupo
Upang pagtibayin ang pagtutulungan sa grupo, pinaglalaanan ng karamihan sa mga kompanya ang kanilang mga manggagawa ng uniporme. Inuorganisa rin ng mga manggagawa ang kanilang mga sarili sa maliliit na mga grupo, hindi upang makipagtawaran para sa mas mabuting mga kalagayan sa pagtatrabaho o mas mataas na sahod, kundi upang ipakipag-usap kung paano pasusulungin ang kasanayan sa trabaho at produksiyon. Ganito inilarawan ng nangangasiwang direktor sa isa sa pinakamalaking kompanya ng bakal sa Hapon, na hindi pa nagkakaroon ng welga sa loob ng 25 taon, ang kanilang mga miting: “Kami ay may masiglang mga diskusyon, ngunit sa katapusan ang lahat ay nakikipagtulungan.” Ang indibiduwal na mga manggagawa, nakadarama na sila ay may sinasabi sa mga bagay-bagay, ay lalong tinatangkilik ang mga patakaran ng kompaniya. “Nag-iisip sila para sa grupo at hindi para sa kanilang mga sarili,” sabi ng direktor.
Ang kaibhan sa pagitan ng Hapones na pangangasiwa at niyaong sa Estados Unidos ay inilarawan ng isang Hapones na dalubhasa sa ekonomiya sa ganitong paraan: “Ang ating sistema ay para bang isang tren na pinaaandar ng koryente, na ang bawat kotse ay may kaniyang sariling motor, samantalang ang inyong sistema ay parang isang mahabang tren na hinihila ng dalawa o tatlong malalakas na makina ng tren, na walang mga motor sa ibang kotse. Sinasabihan ninyo ang inyong mga manggagawa na sumunod. Nais namin ang mga tao ay magkaroon ng kanilang sariling pangganyak—at kumilos na magkakasama.”
Upang ipakita ang wastong pangganyak, ang lahat ng mga empleado ay inaasahang magtrabaho nang mahabang oras at nang puspusan. Bagaman ang pamahalaan ay nagtakda ng tunguhin na sa 1985 ang lahat ng kompanya ay dapat magpahintulot ng dalawang araw na dulo-ng-sanlinggo, karaniwan pa rin ang anim na araw na pagtatrabaho sa isang linggo. Kamakailan lamang nagsimulang magsara ang mga bangko ng isang Sabado sa bawat buwan. Kataka-taka, ang reaksiyon ng publiko ay matamlay, at isang editoryal sa Yomiuri Shimbun ang nagpalagay na ito ay isang paraan upang patahimikin ang “pagpuna ng dayuhan na ang mga Hapones ay mga workaholic.”
Ang pag-oobertaim, kadalasan nang walang ekstrang bayad, ay karaniwan. Iniulat na karaniwang makikita ang mga manggagawa na umaalis ng kanilang mga tanggapan sa ika-11 n.g. o sa hatinggabi pa nga. Gayunman, ito ay tinatanggap na pangkaraniwan. Nasumpungan sa isang surbey na isinagawa ng Junior Executive Council ng Hapon sa mga nagtapos kamakailan sa high school at sa unibersidad na “79 porsiyento ng mga tinanong ay nag-obertaim nang sila ay hilingin kahit na kailangan nilang kanselahin ang isang tipanan,” ulat ng The Japan Times.
Hindi rin madali kahit na sa mga manedyer at mga superbisor. Karagdagan sa mahabang mga araw sa opisina, kadalasan nang ginugugol nila ang mga gabi, o kahit na ang mga dulo-ng-sanlinggo, sa pagdalo ng mga miting o pag-istima ng mga kliyente at mga kasama sa trabaho, kadalasang hanggang sa kalaliman ng gabi. Itong lahat ay ginagawa dahilan sa katapatan sa kompanya. “Hindi ko naiibigan ang pag-iistima,” sabi ng isang batang manedyer na may asawa at apat na mga anak, “ngunit ito ay naging isang institusyon.”
Mga Kabayaran at mga Pag-asenso
Ang pinalawig na mga bakasyon ay hindi kailanman naging isang kaugaliang Hapones. Ipinakikita ng isang report ng gobyerno na kahit na ang karamihan ng mga manggagawa ay binibigyan ng 15 mga araw ng bayád na bakasyon sa isang taon, aktuwal na kinukuha lamang nila ang 8.3 mga araw, sa katamtaman. Ang pangunahing mga araw ng bakasyon ay sa pagsisimula ng taon at sa Agosto kung kailan ang kaugalian ng pagdalaw sa mga libingan ng mga ninuno ay ipinagdiriwang. Nariyan din ang mga ekskursiyon ng kompanya kung saan ang mga empleado ay inaasahan—at talagang—sumasama. Kadalasan nang ang mga ito ay dalawang araw na pagliliwaliw kung dulo-ng-sanlinggo sa mga kabundukan, sa mainit na mga bukal, o sa mga tirahan ng kompanya, na may saganang pagkain at inumin. Ang mga manggagawa ay maaaring magrelaks, magkasayahan nang sama-sama, at makilala nang higit ang isa’t-isa.
Isang malaking bagay sa mga manggagawang Hapones ang bonus tuwing ikaanim na buwan, na ibinibigay ayon sa pinansiyal na katayuan ng kompanya. Sa katunayan, bahagi ito ng kanilang sahod na itinatabi ng kompanya. Kung mahusay ang takbo ng kompanya, tinatanggap ng mga manggagawa ang kabuuang halaga bilang isang bonus. Kung ang takbo ng negosyo ay hindi masyadong mabuti, ang bahaging ito ay maaaring bawasan. Isa itong mabisang pangganyak sa mga manggagawa.
Ang mga sahod at mga pag-asenso ay tinitiyak sa kalakhang bahagi ng sistema ng ranggo. Pambihira para sa isang mas bagong empleado na itaas ng tungkulin nang una kaysa roon sa mga mas matagal na sa trabaho kaysa sa kaniya, gaano man siya kakuwalipikado. Kung mangyari man ito, karaniwan nang yaong mga nilalagpasan ay binibigyan ng bagong mga titulo upang walang pagkapahiya. Binabawasan nito ang mga igtingan, at ang kapakanan ng grupo ay natutustusan.
Ang kalagayan ng mga empleadong babae ay lubhang kakaiba. Samantalang halos 39 porsiyento ng mga manggagawa sa Hapon ay mga babae, sila ay karaniwan nang binabayaran nang halos kalahati lamang ng sahod ng isang lalaki. Sa katunayan, ang karamihan ng mga kompanya ay hindi nag-aalok ng magandang mga posisyon sa mga babae kahit na sila ay may mga kuwalipikasyon, sapagkat sila ay inaasahang magtatrabaho lamang hanggang sa sila ay makapag-asawa at magpamilya.
Pag-aasawa at Pamilya
Ang napakahigpit na mga kahilingan sa trabaho—anim na araw na pagtatrabaho sa isang linggo at ang madalas na mga obertaim—ay nag-iiwan sa nagtatrabahong lalaki ng kaunting panahon para sa kaniyang pamilya. Ang ibang mga lalaki ay nagtutungo sa trabaho bago pa magising ang mga bata at umuuwi ng bahay pagka tulog na ang mga ito. Bihira nilang makita ang kanilang mga anak, maliban marahil kung Linggo. Masasabi na ang buhay ng isang karaniwang lalaking nagtatrabaho sa kompanya, o sarariman (taong suwelduhan) gaya ng tawag sa kaniya sa Hapon, ay umiikot sa kaniyang trabaho. Ang kaniyang tahanan, asawa, at pamilya ay parang isang maliit na karagdagang negosyo, binibigyan siya ng lugar para kumain at matulog, at ilang katayuan sa pamayanan.
Maliban sa ilang eksepsiyon, ang asawang babae ang nangangalaga sa lahat ng bagay sa tahanan. Kabilang dito hindi lamang ang pang-araw-araw na mga gawain sa bahay kundi gayundin ang malaking mga pagpapasiya gaya ng kung saan titira, kung ano ang bibilhin, at pati na ang edukasyon at pagdisiplina sa mga bata. Kaya, sa tusong paraan, bagaman ang mga lalaki ay maaari pa ring magsalita at kumilos na para bang sila ang mga ulo ng kani-kanilang mga pamilya, ang karamihan ng mga pamilya ng mga lalaking nagtatrabaho sa malalaking kompanya sa katunayan ay mga kaayusang matriyarkal.
Ang binata man ay mayroon ding kaniyang mga problema. Ang kaniyang trabaho ay nag-iiwan sa kaniya ng kaunting panahon para sa pakikihalubilo sa iba maliban sa pag-istima sa mga kasamahan sa negosyo. Sa labas ng kompanya, maaaring mayroon siyang ilang kaibigan, gayunman, minamaliit ng lipunang Hapones ang pag-aasawa nang may edad na. Ang sinumang wala pang asawa sa panahon na siya ay tumuntong ng mga 30 ay maaaring ituring na kakatwa. Ito ang nagpapaliwanag sa pag-iral ng omiai, o isinaayos na mga pag-aasawa, na siyang dahilan ng halos 60 porsiyento ng lahat ng pag-aasawa sa Hapon kahit na ngayon.
Karaniwan nang inililipat ng malalaking kompanya ang kanilang mga tauhan sa palibot ng bansa mula sa isang sangay tungo sa iba. Ito’y nangangahulugan ng paglipat at pakikibagay sa bagong mga kapitbahay at mga kapaligiran tuwing ikalawa o ikatlong taon. Bagaman ang bawat paglipat ay karaniwang sinasamahan ng isang pagtataas sa tungkulin at sahod, maaari itong lumikha ng mga problema sa pamilya kung tungkol sa pag-aaral ng mga bata o ang pangangalaga sa may edad nang mga magulang. Subalit gayon ang mga kagalakan at mga kalungkutan ng ranggo o kataasan ng tungkulin at habang-buhay na trabaho sa malalaking kompanyang Hapones.
Ang Trabaho at Relihiyon
Ang kamalayan sa grupo at ang udyok na makiayon ay gumaganap ng mahalagang papel sa paghubog sa relihiyosong mga saloobin ng mga Hapones. Upang mapaayon, hindi dapat lubhang igiit ng isa ang kaniyang mga paniniwala kundi maging mapagparaya, handang magkompromiso. Sa gayong dahilan, sinasabi na ang Hapones na diwa ng moralidad ay batay hindi sa tama o mali kundi sa pagiging tinatanggap o di-tinatanggap.
Kaya, sa malalaking kompanya, ang isang manggagawa ay inaasahang makibahagi sa mga ritwal na gaya ng mga kasalan, mga libing, at iba pang mga seremonya maging ito ay Budhista, Shinto, o Kristiyano. Karamihan ng mga lalaki ay hindi binabagabag ng konsensiya sa gayong walang-interes na pakikibahagi. Natutuhan nilang mamuhay nang walang personal na paniniwala at mga kombiksiyon, o ginawa nila ang mga ito na sunud-sunuran sa mga kagustuhan ng kanilang kompanya. Kaya, maraming lalaki ang hindi nababahala tungkol sa relihiyon. Mahirap para sa kanila na mag-isip tungkol sa mga relihiyoso o espirituwal na mga bagay. Maaaring sinusunod pa rin nila ang mga ritwal at mga kaugalian na ipinasa sa kanila mula sa mga nakalipas na mga salinlahi, ngunit talagang wala silang relihiyosong paniniwala.
Sa kabilang dako, ang mga babae, lalo na ang mga ina, na solong pinangangalagaan ang eskolastiko, moral, at relihiyosong edukasyon ng mga bata, ay natural na mas nahihilig sa relihiyon. Ngunit sa kanila, ang hilig ay tungo sa isa pang kalabisan—mas marami mas mabuti. Ganito ang sabi ng isang kabataang ina na maaaring siyang tipikal na relihiyosong saloobin sa isang kuwento sa magasing Time: “Dapat kong igalang ang aking mga ninuno at ipinakikita ko ito sa pamamagitan ng Budhismo. Ako’y isang Hapones, kaya ginagawa ko ang lahat ng maliliit na ritwal ng Shinto. At inaakala ko na ang isang kasalang Kristiyano ay magiging maganda nga. Ito’y isang pagkakasalungatan, mano ngayon?” Sang-ayon sa pambansang sensus, samantalang ang kabuuang populasyon ng Hapon ay 120 milyon, mayroong 87 milyong mga Budhista at 89 milyong mga Shintoista. Maliwanag na ang marami ay nagtataguyod ng mahigit sa isang relihiyon.
Mula sa ating maikling pagsasaalang-alang ng buhay sa isang malaking kompanyang Hapones, maliwanag na mayroon pang higit kaysa malinaw na mga pakinabang na lubhang hinahangaan. Ang totoo ay na inaakala ng ilang mga maykapangyarihan na ang gayong mga pakinabang ay lubhang pinalaki o isang pagmamalabis. Sa halip, nakikita nila ang mga palatandaan na hindi lahat ay mabuti sa huwarang lupaing ito ng mga dambuhala sa kabuhayan at teknolohiya. Ano ang mga palatandaang ito, at ano ang hinaharap ng himalang Hapones?
[Larawan sa pahina 8]
Ang lahat ay inaasahang magtrabaho nang mahabang oras at nang puspusan
[Pinagmulan]
Hapones na Sentro ng Impormasyon
[Larawan sa pahina 10]
Kabilang sa mga pagdiriwang ng malaking kompanya ang mga kasalan
[Pinagmulan]
Hapones na Sentro ng Impormasyon