Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 12/22 p. 6-8
  • Isang Daigdig na Taglay ang Lahat ng Lunas

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Isang Daigdig na Taglay ang Lahat ng Lunas
  • Gumising!—1985
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Mabuting Balita na Nais Nilang Marinig Mo
    Mga Saksi ni Jehova—Sino Sila? Ano ang Pinaniniwalaan Nila?
  • Apat na Tanong Tungkol sa Wakas​—Nasagot
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Malapit Nang Matupad ang Layunin ng Diyos
    Ano ang Layunin ng Buhay?—Paano Mo Masusumpungan?
  • Ano ang Tanda ng “mga Huling Araw,” o “Katapusan ng Panahon”?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 12/22 p. 6-8

Isang Daigdig na Taglay ang Lahat ng Lunas

“Ang pag-asa na ipinagpaliban ay nagpapasakit sa puso, ang nasà na natupad ay punungkahoy ng buhay.”​—Kawikaan 13:12, The Jerusalem Bible.

ANG pag-asa sa mga kasagutan o lunas sa mga problema ng tao ay ipinagpaliban sa loob ng anim na libong taon, at angaw-angaw ang pinanghihinaan ng loob dahil dito. Subalit hindi magtatagal ang nasà na natupad ay magiging punungkahoy ng buhay. Ang mga pangyayari sa kasalukuyan ay gumagawa sa mga salita ni Jesus na napapanahon: “Itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.” (Lucas 21:28) Ang isang daigdig na taglay ang lahat ng lunas ay malapit na.

Gayunman, hindi namin ibig tukuyin ang kasalukuyang pamamahala at kaayusan ng daigdig ng sangkatauhan. (Mateo 12:32, King James Version) Bagkus, ang daigdig na taglay ang mga kasagutan ay ang bagong sistema ng mga bagay, na tinatawag sa Bibliya na “mga bagong langit at isang bagong lupa.” Tinukoy ni apostol Pedro ang pagdating nito sa ating kaarawan. Binanggit niya ang tungkol sa pagkalipol sa pamamagitan ng tubig ng balakyot na daigdig noong kaarawan ni Noe at ang tungkol sa maapoy na paghatol na lilipol sa kasalukuyang sanlibutan ng mga taong masasama, at saka niya binanggit kung ano ang susunod na mangyayari: “Ngunit mga bagong langit at isang bagong lupa ang hinihintay natin ayon sa kaniyang pangako.” Ang ibig niyang sabihin ay ang Mesianikong Kaharian ng Diyos sa mga langit at ang masunuring mga sakop nito sa lupa. “At sa mga ito,” tinitiyak sa atin, “ay tatahan ang katuwiran.”​—Isaias 65:17; 2 Pedro 3:5-13.

Ngayon, dapat aminin na ang karamihan sa mga kasawian ng tao sa ngayon ay kagagawan din ng tao. Nasa kanilang kapangyarihan na alisin ang karamihan sa mga suliraning ito, subalit maliwanag na ayaw nilang gawin ang gayon. Anong kasalukuyang suliranin, halimbawa, ang hindi malulutas kung isasagawa ang utos ni Jesus na ibigin ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili o pakitunguhan ang iba kung paanong nais mong pakitunguhan ka nila? (Mateo 7:12; 22:39) Isip-isipin lamang kung ano ang maaaring gawin ng mga tao ngayon! Walang digmaan, walang gutom, walang karahasan, walang krimen, walang polusyon, walang droga, at mawawala na rin ang marami pang ibang kasawian.

Gayunman, mananatili ang iba pang kasawian. Kumusta naman ang tungkol sa katutubong hilig ng tao na magkasala? (Awit 51:5) At ang pagtanda? At ang kamatayan mismo? Ganito ang kauuwian nito: Ang gawain ay hindi kayang gawin ng kapangyarihan ng tao. Mangangailangan ito ng “kapangyarihan na higit kaysa karaniwan” para sa mga tao. Mangangailangan ito ng kapangyarihan ng Diyos.​—2 Corinto 4:7.

Mangangahulugan ito ng pagwawakas sa kasalukuyang matandang “mga langit” at “lupa” na ito at sa lugar nito ang ipinangakong “mga bagong langit at isang bagong lupa.” Pansinin ang mga salita ni apostol Juan na kinasihang sumulat tungkol sa pagbabagong ito: “At nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay naparam . . . At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man.”​—Apocalipsis 21:1, 4.

Subalit maraming taimtim na tao ngayon ang nahihirapang tanggapin ang pag-asang ito. Para bang hindi kapani-paniwala. Higit pa riyan, nailigaw ng hindi makasiyentipikong mga teoriya at ng walang pananampalatayang mga klerigo na isinaisang-tabi ang paglalang at tinanggap ang ebolusyon, ang kanilang paniniwala sa Bibliya ay naaagnas. Gayunman, dapat nilang tandaan ang dalawang bagay: (1) Hindi mahuhulaan ng tao ang hinaharap, at (2) mahuhulaan at hinuhulaan ng Bibliya ang hinaharap. Ang kakayahan ng Bibliya na gawin ito ay patotoo na ito ay mula sa Diyos, gaya ng sinasabi ng Isaias 46:9, 10: “Wala nang ibang Diyos, ni sinumang gaya ko; ang Isa na nagpapahayag ng magiging wakas magbuhat sa pasimula, at mula noong unang panahon ng mga bagay na hindi pa nangyayari.”

Si Jesus ay nagbigay ng isang tanda na binubuo ng maraming pangyayari upang makilala ang panahon ng kaniyang pagkanaririto at ng wakas ng sistemang ito ng mga bagay: mga digmaang pandaigdig, taggutom, salot, mga taong balisa, takot sa kung ano ang maaaring mangyari sa hinaharap, pandaigdig na pag-uusig sa kaniyang mga saksi, gayunman patuloy sila sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa buong lupa at sa kanilang pagbababala tungkol sa dumarating na wakas ng masamang sanlibutang ito. (Mateo, kabanata 24; Marcos, kabanata 13; Lucas, kabanata 21) Ang tandang iyan, na inihula mahigit na 19 na siglo na ang nakalipas, ay nakikita ngayon.

Ang apostol Pablo ay humula na “sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mapagkunwari, mapagmataas, mamumusong, masuwayin sa mga magulang, walang utang-na-loob, di-tapat, walang katutubong pagmamahal, di-marunong tumupad ng kasunduan, maninirang-puri, walang pagpipigil-sa-sarili, mababangis, di-maibigin sa kabutihan, mga traidor, matitigas ang ulo, mga palalo, maibigin sa kalayawan kaysa maibigin sa Diyos, may anyo ng banal na debosyon ngunit itinatakwil ang kapangyarihan niyaon; at sa mga ito ay lumayo ka.” (2 Timoteo 3:1-5) Isang angkop na paglalarawan nga ng ating mga kaarawan!

Inihula ni Pedro na “sa mga huling araw ay magsisiparito ang mga manunuya na may pagtuya, na magsisilakad ayon sa kani-kanilang pita at magsasabi: ‘Nasaan ang kaniyang ipinangakong pagkanaririto? Aba, mula nang araw na matulog sa kamatayan ang ating mga ninuno, lahat ng bagay ay nagpapatuloy na kagayang-kagaya ng pasimula ng paglalang.’” (2 Pedro 3:3, 4) Ang mga manunuya ay maingay na nanunuya ngayon, bilang katuparan ng hulang ito.

Subalit kabaligtaran ng kanilang pag-aangkin, ang mga bagay ay hindi nagpapatuloy na gaya ng dati. Sa aklat ng Apocalipsis, binanggit ni Juan ang tungkol sa panahon ng kawakasan kapag si Kristo ay darating at magpupuno bilang kasamang Hari ng Soberanong Panginoon at Haring si Jehovang Diyos; kapag ang mga bansa ay magngangalit; kapag ang mga patay ay hahatulan at ang mga propeta at ang mga banal ay gagantimpalaan; at kapag “ipapahamak [ng Diyos] yaong mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:15-18) Kailanman ay hindi pa kapaha-pahamak na nadumhan ang lupa, o ang mga manunuya ay nanlibak na lubha, o ang pagguho ng moral ay lumaganap nang gayon na lamang, at ang tanda na binubuo ng maraming pangyayari na ibinigay ni Jesus ay lubusang naganap.

Ang mga kalagayan na roon ang daigdig ay walang lunas ay inihula na magaganap sa salinlahing ito. Inihula rin ang kabiguan ng mga bansa na magkaroon ng anumang kasagutan, “hindi alam kung paano lulusutan ito.” Subalit nalalaman ng ‘bagong mga langit at bagong lupa’ ang lunas at isasagawa ito, wawakasan pati na ang impluwensiya ni Satanas at ng kamatayan mismo.​—Lucas 21:25; 2 Corinto 4:4; Hebreo 2:14.

Inihula ng Bibliya ang mga kalagayan na ngayon ay nagpapahirap sa salinlahing ito, ang mga kalagayan na roon ang daigdig ay walang lunas. Inihula rin nito na ang mga kalagayang ito ay magtatanda sa mga huling araw ng kasalukuyang sanlibutan. Ngayon pa man, maraming kilalang iskolar at mga siyentipiko ang nagbababala na ang daigdig na ito ay maaaring papalapit na sa wakas nito. Inihuhula rin ng Bibliya ang tanda ng isang dumarating na matuwid na bagong sistema ng mga bagay. Ang mga hulang ito ay itinala libu-libong taon na ang nakalipas at ngayon ay natutupad upang patunayan ang pagkasi ng Diyos sa Bibliya​—at marami pang patotoo tungkol sa pagkamaaasahan ng aklat na ito para roon sa mga may matang nais makita ito at may mga tainga na nais marinig ito.

Ang Bibliya ay maaasahan, ito ay kinasihan, ito ang aklat na nagsasabi tungkol sa isang daigdig na taglay ang lahat ng lunas.

[Blurb sa pahina 8]

Ang mga manunuya ay maingay na nanunuya ngayon

[Blurb sa pahina 8]

Maraming patotoo rito para sa mga matang nais makita ito at mga taingang nais marinig ito

[Kahon sa pahina 7]

Lunas sa mga Suliranin ng Tao Ayon sa Bibliya

Walang digmaan. “Pinatitigil niya ang mga digmaan.” “Ni mangag-aaral pa man sila ng pakikidigma.”​—Awit 46:9; Isaias 2:4.

Walang taggutom. “Isisibol mismo ng lupa ang kaniyang bunga.” “Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa.”​—Awit 67:6; 72:16.

Walang sakit. “Walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’”​—Isaias 33:24.

Walang polusyon. “Upang ipahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.”​—Apocalipsis 11:18.

Walang krimen. “Sila’y hindi mananakit o lilikha ng anumang pinsala sa aking buong banal na bundok.”​—Isaias 11:9.

Walang balakyot. “Kung tungkol sa balakyot, sila ay mahihiwalay sa lupain.”​—Kawikaan 2:22.

Walang tatanda. “Ang kaniyang laman ay magiging sariwa kaysa laman ng isang bata; siya’y bumabalik sa mga kaarawan ng kaniyang kabataan.”​—Job 33:25.

Walang kamatayan. “Ang kaloob na walang bayad ng Diyos ay buhay na walang hanggan.” “Mawawala na ang kamatayan.”​—Roma 6:23; Apocalipsis 21:4.

Walang Satanas. “At sinunggaban niya . . . si Satanas, at iginapos siya ng isang libong taon.”​—Apocalipsis 20:2.

Nagbagong mga tao. “Hubarin ang matandang pagkatao . . . magbihis kayo ng bagong pagkatao.”​—Colosas 3:9, 10.

Isang relihiyon. “Isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo.”​—Efeso 4:5.

Isang pamahalaan. “At sa kaarawan ng mga haring yaon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kahariang iyon ay hindi ibibigay sa ibang bayan. Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng kahariang ito, at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman.”​—Daniel 2:44.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share