Pagsamba sa mga Ninuno—Kung Bakit Ito’y Nananatili
Ng kabalitaan ng “Gumising!” sa Timog Aprika
“ANG Kanluraning kabihasnan,” sulat ng Protestanteng misyonero na si Willoughby noong 1928, “ay sapat na upang wakasan ang pagsamba sa ninuno bilang isang nabubuhay na relihiyon.” Gayunman, kabaligtaran ng hula, ang pagsamba sa ninuno ay nananatili sa Aprika. Marami ang nabubuhay sa takot sa namatay na mga ninuno. At kapag nagkasakit, ang marami ay kumukunsulta pa rin sa mga espiritistang medium at mga doktor kulam sa pag-asang mapagagaling sila ng mga espiritu ng ninuno ng mga pasyente.
Gayunman, bakit nananatili ang pagsamba sa ninuno sa kabila ng pagsisikap ng Sangkakristiyanuhan na alisin ito? Pansinin ang sinasabi ng Encyclopædia Britannica: “Ang pagsamba sa ninuno ay may pagkakatulad sa Kristiyanong mga paniniwala sa patay at mga santo.” Ang gayong “pagkakatulad” ay dahilan sa paniniwala ng Sangkakristiyanuhan sa isang walang-kamatayang kaluluwa. Balintuna, kung gayon, ang mga misyonero ng Sangkakristiyanuhan ay walang nagawa kundi pagtibayin ang paniniwalang Aprikano na ang mga namatay na ninuno ay maaaring makatulong o makapinsala. Ganito ang sabi ni Dr. Ngubane sa aklat na Body and Mind in Zulu Medicine: “Karaniwan nang nasusumpungan ng isang Kristiyanong taga-Zulu na namumuhay sa isang tribo na walang gaanong pinagkaiba ang mga paniniwalang Kristiyano sa mga paniniwala sa ninuno.”
Kahit na ang ibang mga espiritistang medium at mga doktor kulam ay tinatanggap sa mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Ipinakikita ng isang surbey na isinagawa ni Dr. Chavunduka ng University of Zimbabwe na kabilang sa 145 tradisyunal na mga tagapagpagaling ay mga Methodista, Romano Katoliko, Anglicano, Seventh-Day Adventist, at mga membro ng Dutch Reformed Church. “Ang pagiging membro ng isang simbahan ay hindi humahadlang sa indibiduwal sa pagsasagawa ng tradisyunal na relihiyon,” hinuha niya.
Ang isa pang dahilan kung bakit sumasagana ang pagsamba sa ninuno ay ang kakapusan ng modernong medikal na mga tauhan. Di-kukulanging isang doktor lamang sa bawat 5,000 Aprikano, ang ilang mga lugar ay nadadalaw lamang paminsan-minsan ng mga mobile clinic. Gayunman, ang tradisyunal na mga tagapagpagaling, huwad na mga manghuhula, at mga doktor kulam ay sagana. Kaya mas madaling makasumpong ng isang doktor kulam kaysa isang doktor na sinanay sa unibersidad.
Nakapagtataka, maraming pasyente ang lubhang nasisiyahan sa paggamot na tinatanggap nila. “Ang paggagamot ng mga tagapagpagaling na ito,” sulat ng mga saykayatris na sina Griffiths at Cheetham sa South African Medical Journal, “ay waring totoong epektibo sa pagpapaginhawa kapuwa sa pisikal at emosyonal na mga suliranin, at sa palagay ng mga may-akda patuloy na kakatawanin nila ang pangunahing terapeutikong pamamaraan sa lipunang Aprikano . . . Kahit na kinikilala ng Itim na mga pasyente ang halaga at kahusayan ng Kanluraning terapi ito ay kadalasan nang bahagyang pagtanggap lamang, at marami . . . ang nagtutungo sa iSangoma [espiritistang medium] pagkatapos magpagamot sa ospital upang ‘makompleto’ ang kanilang paggaling.”
Kaya ipinasiya ng ilang mga awtoridad sa kalusugan na sa halip na lipulin ang gayong “mga tagapagpagaling,” dapat silang gumawang kasama ng mga ito. Noong 1979, halimbawa, itinaguyod ng Iglesya Katolika ang “Panimulang Pagsasanay sa Kalusugan sa mga Katutubong Tagapagpagaling na Proyekto” sa Ghana. Noong 1980, 41 tradisyunal na mga tagapagpagaling ang sinanay sa Kanluraning pamamaraan sa paggagamot. “Ang proyektong ito,” hinuha ng antropologong si Dr. Warren, “ay nagpapabanaag ng isang nagbabagong saloobin sa katutubong tagapagpagaling, isang mahalagang katulong sa paghahangad na pagbutihin ang mga kalagayan sa kalusugan.”
Dati, ang mga simbahan ay salansang sa mga espiritistang medium at mga doktor kulam. Ngayon binago nila ang kanilang mga taktika. Samantalang itinataguyod ang makabagong mga pamamaraan sa medisina, sinisikap nilang panatilihin ang pagtaguyod ng mga membro ng simbahan na nanghahawakan pa rin sa mga paniniwala sa ninuno.
Sino ang May Pananagutan?
Gayunman, bakit kadalasang matagumpay ang tradisyunal na mga tagapagpagaling na Aprikano sa kanilang paggagamot? Walang alinlangan na ang ilan sa mga damong-gamot na inihahatol ay may medisinal na halaga. Isa pa, ang ilang saykosomatikong epekto ay maaaring nasasangkot. Gayumpaman, ang ibang mga karamdaman na nakalito sa Kanluraning siyensiya ng medisina ay waring tumutugon sa paggamot ng huwad na mga manghuhula at mga doktor kulam! Maaari kayang ito ay dahilan lamang sa mga damong-gamot? Malamang na hindi. Kung gayon, posible kaya na ang mga patay nga ang tumutulong sa nabubuhay?
Hindi gayon, sang-ayon sa Katolikong medikal na misyonero na si Dr. Kohler. Sinabi niya na ang gawain ng Aprikanong huwad na mga manghuhula ay gawain ng “tusong manloloko o mga sintú-sintô.” Oo, marami sa Sangkakristiyanuhan ang nahihiyang kilalanin ang pag-iral ng di nakikita, malakas sa taong mga puwersa.
Gayunman, ang paniniwala sa gayong mga puwersa ay hindi maaaring isaisang-tabi na lamang. Halimbawa, sa isang seminar na ginanap mga ilang taon na sa University of Edinburgh, Scotland, sa paksang “Pangkukulam at Pagpapagaling,” ganito ang sabi ni Propesor Jahoda: “Marami sa mga estudyanteng tinuruan ko roon ay mga intelihenteng tao . . . Nakagulat sa akin ang bagay na marami sa kanila ang waring totoong kumbinsido sa pag-iral ng maraming kababalaghan na tatanggihan ng kanilang mga kaedad sa bansang ito.”
‘May kaugnayan kaya rito ang pagsamba sa ninuno?’ naitatanong ng iba. Ang Bibliya ay maliwanag na sumasagot: “Sapagkat nalalaman ng mga buháy na sila’y mamamatay; ngunit hindi nalalaman ng mga patay ang anuman.” (Eclesiastes 9:5) Kapag namatay ang isang tao, “ang hininga niya ay pumapanaw, siya’y nanunumbalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding iyon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:4) Walang imortal na kaluluwa na nagpapagaling o nananakot sa mga buháy. Sapagkat maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na “ang kaluluwang nagkakasala—ito mismo ay mamamatay.” (Ezekiel 18:4; Roma 3:23) Ano, kung gayon, ang dahilan ng lahat ng kababalaghang nauugnay sa pagsamba sa ninuno? Ang balakyot na espiritung mga nilalang (mga demonyo) na pinangungunahan ni Satanas na Diyablo! (Apocalipsis 12:9, 12) Maliwanag, nasisiyahan ang demonyong mga tagasunod ni Satanas na iligaw ang mga tao sa pagpapanggap bilang ang namatay na mga ninuno.—Ihambing ang 1 Samuel 28:7-19.
Totoo, kadalasang masidhing tinatanggihan ng klero ng Sangkakristiyanuhan ang pag-iral ng mga demonyo. Subalit personal na naengkuwentro mismo ni Jesu-Kristo si Satanas na Diyablo. (Lucas 4:1-13) Sinasabi pa nga ng Bibliya ang tungkol sa pagpapalabas niya ng masamang mga espiritu mula sa mga biktima na inaalihan ng demonyo. (Lucas 4:33-37; 8:27-33; 9:37-42) Ang mga sumasamba sa ninuno sa gayon ay walang kamalay-malay na nakikiisa sa pinakamahigpit na kaaway ng tao—si Satanas!
Napalaya Mula sa Takot sa mga Patay
Sa pagpapakilala sa mga tao ng mga katotohanang ito sa Bibliya, natulungan ng mga Saksi ni Jehova ang maraming Aprikano na mapalaya mula sa pagkatakot at pagsamba sa mga patay. Hindi ito laging madali. Isang 19-taóng-gulang na lalaking nagngangalang Thembukwazi ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Pagkatapos matutuhan na ang pagsamba sa ninuno ay hindi tama, tumanggi siyang pasalamatan ang kaniyang patay na mga ninuno sa isang ritwal ng pamilya. Nakagalit ito sa kaniyang pamilya anupa’t sa wakas kailangan niyang umalis ng bahay. Sa katunayan, isang pamilya ng mga Saksi ni Jehova na nagpatuloy sa kaniya ay pinagbantaang papatayin! Gayunman, si Thembukwazi ay nagpatuloy sa pag-aaral ng Bibliya at noong 1979 ay nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova.
Isang babaing nagngangalang Alphina ay nagpunyagi rin upang makaalpas sa mapamahiing pagsamba. Isang ministro ng Nazarene Church sa Hammarsdale, Timog Aprika, ang nagpakilala sa kaniya sa espiritismo. Inanyayahan siyang tumira sa isa sa kaniyang mga tahanan, ipinangako ng ministro na siya ay bibigyan ng “pantanging kaloob” mula sa kaniyang mga ninuno kung gagawin niya ang gayon. Tinanggap niya ang paanyaya, subalit di nagtagal nagkaroon siya ng mga problema. “Nakaharap ko ang matinding pagsalakay ng balakyot na mga espiritu,” gunita ni Alphina. “Ang aking katawan ay manginginig nang husto at saka mararamdaman ko na para bang ang aking mga kalamnan ay hinihiwa ng isang matalas na instrumento.” Gayunman, di nagtagal tinanggap niya ang “kaloob”—kapangyarihan ng “makahimalang pagpapagaling”! Gayunman, nagpatuloy ang mga pagsalakay ng demonyo, at pagkaraan ng apat na taon iniwan niya ang simbahan sa kasiphayuan.
Nang maglaon siya ay natagpuan ng isa sa mga Saksi ni Jehova, na nagturo sa kaniya ng Bibliya. “Naging maliwanag sa akin na yaong inaakala kong mga ninuno ko ay sa katunayan mga balakyot na espiritu. Kaya pagkatapos na sirain ko ang lahat ng mga bagay may kaugnayan sa demonismo,” sabi niya, “ako ay napalaya mula sa balakyot na mga espiritu.”—Gawa 19:18-20.
Tinalikdan ng Isang Doktor Kulam ang Pagsamba sa Ninuno
Ang batang si Simon ay sumulong mula sa espiritistang medium tungo sa doktor kulam. “Ipinagbabawal ba ng Bibliya sa isang tao na maging espiritistang medium o doktor kulam?” tanong niya sa kaniyang pinsang si Joyce, na isa sa mga Saksi ni Jehova. “Oo,” sagot ni Joyce, ipinakikita sa kaniya ang sabi ng Bibliya sa Deuteronomio 18:10-12, na nagsasabi: “Huwag makakasumpong sa iyo ng sinuman na nagpaparaan sa apoy ng kaniyang anak na lalaki o kaniyang anak na babae, ng sinuman na gumagamit ng huwad na panghuhula, na isang mahiko o sinuman na tumitingin sa mga palatandaan o isang manggagaway, o isang engkantador o sinuman na sumasangguni sa isang espiritistang medium o isang propesyonal na manghuhula ng mga mangyayari o sinuman na sumasangguni sa mga patay. Sapagkat sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumal-dumal kay Jehova, at dahil sa karumal-dumal na mga bagay na ito ay pinalalayas sila ni Jehovang iyong Diyos sa harap mo.”
Kadalasan yaong mga nag-aakala na sila ay tumanggap ng “pagtawag” upang maging mga doktor kulam ay natatakot na ang paghinto nila sa kanilang gawain ay nakamamatay. Gayunman ang interes ni Simon ay napukaw at siya ay sumang-ayon na magkaroon ng regular na pag-aaral sa Bibliya.
“Sa panimulang mga pag-aaral,” paliwanag ni Joyce, “kung minsan ay makakaranas siya ng pagsalakay ng demonyo. Nakikita ko ang kaniyang buong katawan na nanginginig. Nananalangin ako tuwing magsisimula ang pagsalakay at ang demonyo ay aalis. Dahilan sa mga pagsalakay na ito, ipinasiya kong makipag-aral kay Simon mula sa pulyetong Unseen Spirits—Do They Help Us? or Do They Harm Us?a Sinisimulan ko rin ang bawat pag-aaral sa pamamagitan ng panalangin, hinihiling sa Diyos na Jehova na tulungan kami upang kami ay hindi guluhin ng mga demonyo. Hindi na muling ginambala ng demonyo ang aming mga pag-aaral sa Bibliya.”—Mateo 6:9, 13.
Pagkatapos, si Simon ay napakilos na ihinto ang kaniyang gawain bilang doktor kulam, inihagis niya sa ilog ang lahat ng mga bagay na may kaugnayan sa pangkukulam. “Ang gayong bagay ay itinuturing na mapanganib sa lipunan ng Aprika,” paliwanag ni Joyce, “at ang ama ni Simon ay nag-alala. Sinabi niya ang bagay na ito sa doktor kulam na nagsanay kay Simon. Sinabi ng taong ito na si Simon ay papatayin ng kaniyang mga ninuno dahilan sa pagsuway sa kanila.”
Subalit si Simon ay buháy pa! Sa katunayan, noong 1983 si Simon ay nabautismuhan bilang isa sa mga Saksi ni Jehova. “Ako’y maligaya sapagkat tinulungan ako ni Jehova na makaalpas mula sa pagsamba sa mga demonyo,” sabi ni Simon.
Gayundin ang libu-libo pa na napalaya mula sa takot sa patay na mga ninuno!
[Talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society.
[Blurb sa pahina 24]
Ang mga turo ng Sangkakristiyanuhan ay tumulong upang patibayin ang pagsamba sa ninuno sa gitna ng mga Aprikano
[Blurb sa pahina 25]
Tinutulungan ng mga Saksi ni Jehova ang mga tao na maunawaan na ang mga patay ay talagang walang malay