Nawalang Kamusmusan
“Ang kamusmusan ay talagang nawala sa mga bata,” pahayag ng Daily Mail ng London. “Mabilis nilang nalalaman ang lahat ng bagay, labis silang nalalantad sa lahat ng bagay, at wala nang sosyal na mga kontrol na pumapatnubay sa kanilang paggawi.” Ang dahilan sa mga konklusyong ito ay nasasalalay sa dalawang report: Isa ay ginawa ng AMMA (Assistant Masters and Mistresses Association ng Britaniya), at ang isa, ay ang pag-aaral sa America ni Marie Winn, na inilathala sa Britaniya, ang Children Without Childhood: Growing Up Too Fast in the World of Sex and Drugs.
Ang mga bata na limang taóng gulang ay lubhang mapanlaban, walang galang sa pag-aari ng ibang mga bata; walang galang sa mga matanda, at gumagamit ng malaswang mga salita, sang-ayon sa maraming report na dumarating. Inaakala ng karamihan sa mga guro na tinanong ng AMMA na pinalalayaw ng mga magulang ang kanilang mga anak at na ito ang ugat na sanhi ng pagdami ng hindi mabuting pag-uugali ng mga bata. Sa mga gurong tinanong, sinisi ng 86 porsiyento ang “kakulangan ng malinaw na mga pamantayan at mga inaasahan sa tahanan”; itinuro naman ng 82 porsiyento ang “kakulangan ng mabuting halimbawa ng mga magulang” bilang ang maysala.
Karagdagan pa, binanggit ng dalawang report ang wasak na mga tahanan, hindi mabuting halimbawa ng mga guro, at labis na panunood ng telebisyon bilang mga dahilan ng nakapangingilabot na mga pag-uugali ng mga bata. “Tayong lahat ang may kasalanan,” sabi ng Daily Mail. “Gumawa tayo ng isang lipunan na talagang hindi angkop sa pagpapalaki ng mga bata. Dahilan sa madaling pagtanggap sa diborsiyo at mga kaugnayang live-in, sinira natin ang pamilya. Dahilan sa maluwag na saloobin sa disiplina inalis natin ang mga pamantayan.”
Ang mga bata ay patuloy na nangangailangan ng mabait subalit matatag na pagtutuwid at disiplina. Gaya ng sinabi ng matalinong taong si Solomon: “Ang kamangmangan ay nababalot sa puso ng bata; ngunit aalisin iyon sa kaniya ng pamalong disiplina.” Kailangan ding makita ng mga bata sa kanilang mga magulang at mga guro ang mabuting halimbawa ng wastong paggawi sapagkat “ang bawat isa na sakdal na naturuan ay magiging katulad ng kaniyang guro.”—Kawikaan 22:15; Lucas 6:40.