Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g85 12/22 p. 29-31
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—1985
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mangangalakal ng Kamatayan
  • “Hindi Matagumpay na Krimen”
  • Mga Halaman sa Ilalim ng Dagat
  • Maligayang Pag-aasawa
  • Pinakamabuting Tagapangalaga ng Bata
  • Gawaing-bahay ng Pamilya
  • Pagtakas Tungo sa Bilangguan
  • Panganib na “Reserbang Gulong”
  • Arsobispo Militar
  • “Mga Kaibigan sa Magkabilang Panig”
  • Katolikong Paglulubog
  • Genetikong Sindak
  • Pagdami ng Pagtatalik nang Di-kasal
  • Payong Pangkalusugan
  • Kumikilos na “Parang mga Unggoy”
  • Gaano ba ang Alam Mo sa Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1992
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—2003
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1997
Iba Pa
Gumising!—1985
g85 12/22 p. 29-31

Pagmamasid sa Daigdig

Mangangalakal ng Kamatayan

“Ang pagpaparami ng kombensiyonal na mga sandata ay lubhang patuloy, sa buong daigdig at malawakan anupa’t maaari itong lumampas sa punto kung saan hindi na ito mapatigil ng makatuwirang mga argumento at responsableng paggawi,” sabi ng National Catholic Reporter sa pagrirepaso ng bagong aklat na pinamagatang American Arms Supermarket, ni Michael T. Klare. Sang-ayon kay Klare, ang Estados Unidos ay nagbibili ng 34 na porsiyento ng kabuuang armas sa daigdig at ang Unyong Sobyet ay 29 na porsiyento. Sabi ng repaso: “Ang Estados Unidos ay patuloy na nagbibigay ng altruwistiko at estratihikong mga dahilan sa bahagi nito bilang ang numero unong tagapagtustos ng armas sa daigdig,” nangangatuwiran na ang pagbibili ng mga armas ay umaakit ng mga kaibigan at na kung hindi magbibili ng mga armas “ang Third World ay maaaring bumili ng kanilang mga sandata sa Unyong Sobyet.” Subalit “hindi gaanong binibigyang-pansin ang mga panganib sa kapayapaang pandaigdig ng pagkanaroroon mismo ng mga malalaking arsenal sa pulitikal na di-matatag na mga bansa.”

“Hindi Matagumpay na Krimen”

Humigit-kumulang 70 hanggang 80 porsiyento ng mga pagnanakaw sa bangko ay nalulutas kung ihahambing sa 25 porsiyento ng ibang mga pagnanakaw, sabi ng The Wall Street Journal sa isang report tungkol sa “Hindi Matagumpay na Krimen.” Gayumpaman, ang mga pagnanakaw sa bangko ay tumaas sa 71 porsiyento sa pagitan ng 1976 at 1980. Ito’y maihahambing sa 45 porsiyentong pagtaas sa mga pagnanakaw sa kalye, 47 porsiyento sa mga pagnanakaw sa mga tindahan, 17 porsiyento sa mga tahanan, at 5 porsiyento sa mga istasyon ng gasolina. “Noong kalagitnaan ng 1970’s, ang mga gumagamit ng narkotiko ay nakita sa mga estadistika [sa mga pagnanakaw sa bangko],” sabi ni Nicholas V. O’Hara ng Federal Bureau of Investigation. “Noong unang panahon, sila (ang mga kriminal) ay nagsisimula sa maliliit na pagnanakaw at lumálalâ hanggang sa pagnanakaw sa bangko. Ngayon, sila ay tumitingin sa mas malaking mga halaga.” Subalit ang isang katamtamang pagnanakaw sa bangko noong 1983 ay $6,327 lamang. Isang 44-taóng-gulang na magnanakaw sa bangko, ngayo’y nasa piitan, ay nagsasabi: “Ang pitong libong dolyar ay maaaring malaking pera sa isang 19-taóng-gulang, subalit sa isang tao na may pananagutan ang $7,000 ay maliit na halaga. Ito’y para lamang sa mga bata.”

Mga Halaman sa Ilalim ng Dagat

Yamang ang liwanag ng araw ay bihirang tumagos na mas malalim sa 590 piye (180 m) sa ilalim ng tubig, isang malaking sorpresa nang masumpungan ng dalawang botánikó ang mga halaman na nabubuhay 879 na piye (268 m) sa ilalim ng karagatan sa baybayin ng Bahamas, ulat ng Newscience ng Ontario Science Centre. Ang isa sa mga uri ng halaman, ang hardshelled red algae, ay isang daang ulit na mas mabisa sa pagkuha at paggamit ng liwanag kaysa mga kauri nito sa mababaw na tubig. Ang isang dahilan dito ay ang pambihirang kayarian ng algae. Ang mga cell wall nito ay pagkanipis-nipis at ang mga selula ay nakatalaksan, na patung-patong, anupa’t ang anumang liwanag na tumatama sa mga selula sa ibabaw ay maaaring tumagos sa mga selula sa ilalim.

Maligayang Pag-aasawa

“Ang kakayahang pag-usapan ang mga problema ay mas mahalaga kaysa kung gaano nag-iibigan o gaano kaligaya ang lalaki at babae bago ang kasal,” ulat ng The New York Times sa pagbubuod sa mga resulta ng pag-aaral kamakailan tungkol sa nagtatagal na mga pag-aasawa. “Ang lahat ng mag-asawa ay dumaranas ng mga suliranin sa pag-aasawa,” sabi ng sikologong si Howard Markman ng University of Denver. “Subalit ang mga mag-asawang hindi gaanong nag-uusap ang malamang na maging biktima ng gayong mahirap na yugto sa pag-aasawa.” Sabi pa ni George Levinger ng University of Massachusetts: “Ang mahalaga sa maligayang pag-aasawa ay hindi kung gaano kayo magkabagay, kundi kung paano ninyo pinakikitunguhan ang di-pagkakabagay.”

Pinakamabuting Tagapangalaga ng Bata

“Walang day-care center ang makagagawa ng gawain na kasinghusay ng nagagawa ng isang magulang,” sabi ni Burton L. White, awtor ng The First Three Years of Life. Sinasabi ni White na dapat iantala ng mga magulang ang mga karera at mamuhay pa nga ng mahirap para makasama lamang ang kanilang mga anak sa unang tatlong taon ng buhay. Samantalang inaamin niya na may mga eksepsiyon sa kaniyang rekomendasyon, inaakala niya, sa pangkalahatan, na ang natural na mga magulang ang pinakamabuti sa pagtugon sa mga pangangailangan ng isang bata, pinupuri ang kaniyang mga nagagawa, at hinuhubog ang kaniyang paglaki. Sabi pa niya: “Ang mga pagkakataon na makakuha ng isa na mas mabuti sa iyo sa pagpapalaki ng iyong anak ay hindi mabuti.”

Gawaing-bahay ng Pamilya

“Sa kabila ng ipinalalagay ng paglaya ng mga babae mula sa mga gawaing-bahay, 93 porsiyento pa rin sa kanila ang naglilinis ng bahay,” ulat ng The Times ng London. “Mga 2 porsiyento lamang ng mga asawang lalaki ang gumagawa ng karamihan sa mga gawain, at 27 porsiyento lamang ang tumutulong.” Higit pa riyan, 8 porsiyento lamang ng mga anak na babae at 3 porsiyento ng mga anak na lalaki ang tumutulong sa kanilang mga ina sa paglilinis.

Pagtakas Tungo sa Bilangguan

“Ipinakikita ng mga rekord na ang populasyon sa bilangguan ay tumataas taun-taon sa pagsisimula ng taglamig,” sulat ni Geoffrey Fellows, membro ng Ontario Board of Parole, sa The Globe and Mail ng Toronto, Canada. Bakit? Sapagkat, sa palagay niya, “marami ang kusang gumagawa ng pagkakasala para lamang maligtasan ang lamig.” Sino ang nagiging mga kriminal na ito? “Ang mga pinabayaan ng lipunan, ang mga walang trabaho at mga palaboy,” sabi ni Fellows. Subalit hindi lamang ang lagay ng panahon ang nagtataboy sa kanila sa mga bilangguan. Ang bilangguan ay nagbibigay sa kanila ng pagkain at matutuluyan, kalayaan mula sa pananagutan, at isang mahuhulaang istilo ng buhay.

Panganib na “Reserbang Gulong”

“Ang isang reserbang gulong sa gitna​—gaya ng sa tiyan ng lalaki​—ay nagpapahiwatig ng limang-ibayong panganib” sa sakit sa puso o atake dahilan sa mga tabang iyon, ulat ng The Medical Post ng Toronto, Canada. “Ang matatabang hita, matatabang binti at matatabang puwit ay hindi gaanong mapanganib.” Ang mga tuklas ay batay sa ilang matagalang pag-aaral sa Sweden. Para sa mas mabuting kalusugan, inirirekomenda ni Dr. Ulf Smith ng University of Göteborg, Sweden, na ang sukat ng baywang ng lalaki ay hindi dapat hihigit sa sukat ng kaniyang balakang, at ang sukat ng baywang ng babae ay hindi dapat hihigit sa 0.8 ng kaniyang sukat sa balakang. Nag-aalok ng pag-asa roon sa mga may malalaking tiyan, sinabi ni Smith na ang taba sa tiyan ay nawawala kapag ang isa ay nag-eehersisyo.

Arsobispo Militar

Ang kauna-unahang arsobispo para sa 2.1 milyong mga Romano Katoliko at ang kanilang mga pamilya sa militar, mga embahada, at Veterans Administration na mga ospital ng Estados Unidos ay hinirang nitong nakaraang Marso ni Papa John Paul II. “Sa kauna-unahang pagkakataon, magkakaroon ng isang Obispo na ang tanging pananagutan ay pangasiwaan ang espirituwal na mga pangangailangan ng mga Amerikanong naglilingkod sa kanilang bansa rito at sa ibang bansa,” sabi ng isang opisyal na Katoliko sa The New York Times. Ang U.S. Military Vicariate ay hindi lamang siyang pinakamalaki sa 30 mga bikarya militar na Katoliko sa buong daigdig kundi siya ring pinakamalaki sa mga diyosesis sa daigdig.

“Mga Kaibigan sa Magkabilang Panig”

Ang kilalang ebanghelistang si Billy Graham, na madalas itampok na tagapagsalita sa mga pagtitipon ng Southern Baptist Convention, ay nagpaliwanag na hindi siya dadalo sa miting ng sekta sa Dallas sa taóng ito upang huwag masangkot sa pagtatalo nito tungkol sa kawalang-kamalian ng Bibliya, ulat ng The Christian Century. “Ako’y isang ebanghelista at dapat akong manawagan hangga’t maaari sa mas maraming tao,” sabi ni Graham sa isang panayam sa Dallas Morning News. “Naniniwala ako sa banal, kinasihang Salita ng Diyos, subalit mayroon akong mga kaibigan sa magkabilang panig.”

Katolikong Paglulubog

“Ang istilong-Bagong Tipan na bautismo sa pamamagitan ng paglulubog ay nauuso sa gitna ng mga Romano Katoliko,” report ng St. Louis Post-Dispatch. Samantalang ang bautismo sa pamamagitan ng pagwiwisik o pagbubuhos ng tubig sa ulo ng mga sanggol at mga komberteng adulto ang pamantayang gawain pa rin, mas pinipili ngayon ang paglulubog, sabi ni James T. Telthorst, direktor ng Office of Worship for the St. Louis Archdiocese. Tatlong mga simbahan sa dakong iyon ang gumagamit ng mga pool na paglulubugan para sa bautismo. “Ang bautismo sa pamamagitan ng paglulubog ang pamantayang gawain ng sinaunang mga Simbahan,” amin ni Telthorst. Gayunman, ang ulat ay hindi nagkomento sa bagay na walang isa mang pagkakataon na napaulat sa Bibliya ang tungkol sa pagbabautismo sa mga sanggol.

Genetikong Sindak

“Sa isang surbey noong 1979 sa 379 na mga doktor na nagsagawa ng AID [artificial insemination from donors], halos 90 porsiyento ang walang patakaran tungkol sa pinakamaraming gamit ng isang espisipikong nagkaloob,” ulat ng Psychology Today. Isa sa maraming problema na maaaring likhain nito ay iniulat kamakailan ng Sunday Express ng London, Inglatera. Ipinagtapat ng ama ng isang ikakasal na babae sa kaniyang mamanugangin, isang negosyante, na ang kaniyang anak na babae ay hindi niya tunay na anak. Ang kaniyang asawang babae ay artipisyal na nilagyan ng binhi mula sa isang sperm bank. Ang negosyante ay nabahala yamang siya ay nagkaloob sa bangkong iyon mga ilang taon na ang nakalipas. Pagkaraang humingi ng permiso na suriin ang rekord ng bangko, ang kinatatakutan niya ay napatunayan. “Siya nga, ang ama ng kaniyang mapapangasawa​—at ng 806 na iba pang mga bata,” sabi ng report. Ang kasal ay hindi itinuloy at ang nalulungkot na negosyante ay nagpasiyang manligaw sa ibang dako upang bawasan ang panganib na makagawa ng gayunding pagkakamali.

Pagdami ng Pagtatalik nang Di-kasal

“Mahigit sa tatlong-ikapat ng mga babaing Amerikana ang nagsisimula ng seksuwal na gawain bago ang pag-aasawa,” ulat ng The New York Times. Ang mga tuklas ay batay sa isang surbey ng mga babaing edad 15 hanggang 44 na isinagawa ng National Center for Health Statistics. Espisipiko, 79 na porsiyento ng mga babaing nag-asawa sa pagitan ng 1975 at 1979 ay nakaranas ng pagtatalik bago mag-asawa kung ihahambing sa 52 porsiyento ng mga babaing nag-asawa sa pagitan ng 1960 at 1964. Iniulat din ang mas mataas na porsiyento ng mga anak sa pagkadalaga​—19 na porsiyento noong 1982, mula sa 5 porsiyento noong 1960.

Payong Pangkalusugan

“Sa nakalipas na sampung taon, ang taunang benta ng mga publikasyon pangkalusugan ay tatlong ibayo ang isinulong na mahigit $300 milyong,” ulat ng The Wall Street Journal. “Subalit ang ilang mga doktor at mga nutrisyunis ay nagbababala na ang mabilis na paglago ng industriya ay nag-uudyok sa paglalathala ng maraming nakaliligaw at maling impormasyon.” Noong nakaraang taon, halimbawa, sinurbey ng American Council on Science and Health ang 30 mga magasin at inulat na sangkatlo ng kanilang mga artikulo sa kalusugan ay “pabagu-bago” (50 porsiyento hanggang 80 porsiyento ang wasto) o “hindi maaasahan” (kukulangin sa 50 porsiyento ang wasto). Sabi pa ng Journal: “Ang mamimili man ay nagbabasa ng isang newsletter, magasin, o aklat, ang mga dalubhasa sa kalusugan ay nagpapayo na maging bukas-isip subalit huwag madaling maniwala.”

Kumikilos na “Parang mga Unggoy”

Papaano kumikilos ang mga mulekula at enerhiya sa loob ng isang selula? Ang The Times ng London ay nag-uulat na ipinakita ng apat na Amerikanong neurobiyologo na ang mga kumpol ng molekula, at ang mga pinagmumulan ng enerhiya ng selula, ang mitochondria, ay mabilis na nagmamaneobra sa mga sinulid na tinatawag na ‘microtubules’, kumakabit at muling-kumakabit, at lumilipat sa mga sinulid na parang mga unggoy sa kagubatan.” Ang mga microtubule, na binubuo ng maliliit na mga yunit ng proteina, ay nagtitipon at nangangalat ayon sa pangangailangan ng selula. Nagbibigay-liwanag na gaya ng mga tuklas na ito, hindi maipaliwanag ng mga siyentipiko kung ano ang nagpapakilos dito.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share