Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 1/8 p. 7-10
  • Ano’t ang Isa’y Nagiging Kriminal?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano’t ang Isa’y Nagiging Kriminal?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Kriminal​—Mga Biktima o Nambibiktima?
  • Unang-una Na’y Bakit Mo Pipiliin ang Mali?
  • Kung Kailan Nahasik ang mga Binhi
  • Malulutas Pa Kaya ang Problema sa Krimen?
    Gumising!—2008
  • Ano ang Matututuhan Natin sa Isang Kriminal?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Krimen—Mayroon Bang Kalutasan?
    Gumising!—1986
  • May Napapala Ba sa Krimen?
    Gumising!—1986
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 1/8 p. 7-10

Ano’t ang Isa’y Nagiging Kriminal?

“IPINALAGAY ko na ang kriminal na paggawi ay sintomas ng itinagong mga pagkakasalungatan na resulta ng maagang mga trauma at kaabahan . . . Inakala ko na ang mga tao na bumabaling sa krimen ay mga biktima ng isang sikolohikal na karamdaman, isang mapang-aping kapaligirang panlipunan, o kapuwa. . . . Nakita ko ang krimen na halos isang normal, kung hindi man maaaring ipagpaumanhin, na reaksiyon sa matinding karalitaan, kawalang-kasiguruhan, at pagkasiphayo na naranasan nila.” (Inside the Criminal Mind) (Amin ang italiko.) Iyan ang palagay ng saykayatris na si Stanton Samenow bago niya sinimulang kapanayamin ang daan-daan na mga kriminal.

Sa isang pagsisikap na ipaliwanag kung bakit ang isang tao ay nagiging kriminal, ang mga saykayatris at iba pang mga dalubhasa ay nagbigay ng iba’t ibang kadahilanan​—kawalan ng trabaho, mahinang edukasyon, malupit na pinagmulang pamilya, di-timbang na pagkain, at sikolohikal na mga panggigipit, kabilang sa iba pang bagay. Bagaman ang mga salik na ito ay maaaring maging impluwensiya, isa pang katotohanan ang hindi maaaring walaing-bahala​—pinagtitiisan ng angaw-angaw na mga tao ang mga kalagayang ito sa araw-araw nang hindi bumabaling sa krimen bilang kalutasan.

Mga Kriminal​—Mga Biktima o Nambibiktima?

Pagkatapos ng mahabang pagsusuri, si Dr. Samenow ay nagkaroon ng ibang paglapit. Sulat niya: “Ang diwa ng paglapit na ito ay na pinipili ng mga kriminal na gumawa ng krimen. Ang krimen ay nananahan sa tao at ‘pinangyayari’ ng paraan ng kaniyang pag-iisip, hindi ng kaniyang kapaligiran.” (Amin ang italiko.) “Ang mga kriminal ang sanhi ng krimen​—hindi ang masamang lugar, di-sapat na mga magulang, telebisyon, paaralan, droga, o kawalan ng trabaho.”

Umakay ito sa kaniya upang baguhin ang kaniyang palagay tungkol sa isipan ng kriminal. Sabi pa niya: “Sa pagturing sa mga kriminal bilang mga biktima nakita natin sa halip na sila ang mga nambibiktima na malayang pinili ang kanilang paraan ng pamumuhay.” Samakatuwid, sabi niya, sa halip na isubo ang mga pagdadahilan sa paggawi ng kriminal, dapat nating ipabatid sa kaniya ang kaniyang sariling pananagutan.​—Tingnan ang pahina 9, “Larawan ng Isang Pusakal na Kriminal.”

Si Hukom Lois Forer ng Pennsylvania, na nagmumungkahi ng pagbabago sa sistema ng paghatol sa E.U., ay sumulat, “Ang aking mga konklusyon ay batay sa paniniwala na ang bawat tao ay may pananagutan sa kaniyang mga pagkilos.”​—Criminals and Victims, pahina 14.

Unang-una Na’y Bakit Mo Pipiliin ang Mali?

Tungkol sa tanong na ito, ganito ang payak na konklusyon ni Dr. Samenow: “Ang paggawi sa kalakhang bahagi ay isang produkto ng pag-iisip. Lahat ng ating ginagawa ay pinangungunahan, sinasamahan, at sinusundan ng pag-iisip.” Kaya, paano maaaring mabago ang kriminal na paggawi? Sagot niya: “Dapat matutuhan ng kriminal na makilala at saka talikdan ang mga huwaran ng pag-iisip na pumatnubay sa kaniyang paggawi sa loob ng maraming taon.” (Amin ang italiko.) Ang payak na konklusyong ito ay kasuwato ng turo sa Bibliya.

Halimbawa, ang manunulat ng Bibliya na si Santiago ay nagpapaliwanag: “Ang bawat isa ay natutukso pagka nahihila at nahihikayat ng kaniyang sariling pita. Kung magkagayon ang pita, kapag naglihi na, ay nanganganak ng kasalanan.” (Santiago 1:14, 15) Sa ibang pananalita, ang paraan ng ating pagkilos ay nakasalalay sa kung paano tayo nag-iisip. Ang maling nasà o pita ay bunga ng pamamaraan ng kaisipan. Ang isang kasalanan o krimen ay resulta ng isang di-wastong pita at isang masamang pagpili.

Itinutuon ni Pablo ang pansin sa pamamaraan ng kaisipan bilang saligan upang baguhin ang personalidad sa pamamagitan ng pagbanggit sa “puwersang nagpapakilos ng inyong isip.” (Efeso 4:23) Ganito ang pagkakasabi ng The Jerusalem Bible sa talatang iyan: “Inyong baguhin ang inyong isipan sa pamamagitan ng isang espirituwal na pagbabago.” Gayundin sa ngayon, kailangan ang lubusang pagbabago ng pag-iisip, yamang “ang mga krimen ay bunga ng paraan ng pag-iisip ng isang tao.”​—Inside the Criminal Mind.

Nag-iiwan pa ito ng katanungang, Sa simula’y paano nakuha ng kriminal ang kaniyang antisosyal na mga huwaran ng pag-iisip?

Kung Kailan Nahasik ang mga Binhi

“Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran; at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.” (Kawikaan 22:6) Sa sawikaing ito ng Bibliya nasasalalay ang bagay na iyan. Ang susi ay ‘sanayin ang bata,’ hindi ang binata, kundi mas maaga​—ang bata. Bakit mahalagang magsimula kapag ang anak ay napakabata pa? Sapagkat ang mga huwaran sa kaisipan at paggawi ay naitatatag sa pagkasanggol at sa kamusmusan.

Totoo, ang ilang negatibong mga ugali ay likas mula sa pagsilang sapagkat tayong lahat ay ipinanganak na di-sakdal. (Roma 5:12) Gaya ng sabi ng Bibliya: “Ang kamangmangan ay nababalot sa puso ng bata.” Gayunman, ang kasulatang iyon ay nagsasabi pa: “Ngunit aalisin iyon sa kaniya ng pamalong disiplina.”​—Kawikaan 22:15.

Binibigyang-matuwid ng maraming kriminal ang kanilang paggawi sa pagbabalik sa mga impluwensiya ng kanilang kabataan, pagsisi sa kanilang mga magulang, mga guro, at iba pa. Kakaiba naman ang konklusyon ni Dr. Samenow: “Sinasabi ng mga kriminal na sila ay tinanggihan ng mga magulang, kapuwa, mga paaralan, at mga amo, subalit bibihirang sabihin ng kriminal kung bakit siya tinanggihan. Kahit na bilang isang munting bata, siya ay mapanubok at matigas ang ulo, at habang siya’y lumalaki, lalo siyang nagsinungaling sa kaniyang mga magulang, nagnakaw at sinira ang kanilang ari-arian, at pinagbantaan sila. Ginawa niyang mahirap batahin ang buhay sa tahanan . . . Ang kriminal ang nagtakwil sa kaniyang mga magulang sa halip na ang kabaligtaran.”​—Tingnan ang pahina 8, “Larawan ng Isang Sumisibol na Kriminal.”

Oo, ang mga binhi ng kriminal na paggawi ay kadalasang naihahasik sa pagkabata at kung minsan ay di-matalinong pinalalaki ng mapagpalayaw na mga magulang. Si Dr. Patterson, sikologo sa Oregon Social Learning Center, ay naniniwala na “karamihan ng masamang kaasalan sa mga kabataan ay maaaring mangyari dahilan sa di-mabisang mga kasanayan ng magulang.” Tinutukoy niya ang mga magulang “na hindi nagpapanatili ng malinaw na mga tuntunin, hindi nagpapasunod at hindi pinangangasiwaan kahit na ang maliit na mga pagkakasala ng hindi pisikal na mga parusa.”

Si Dr. Samenow ay naghihinuha: “Ang kriminal na pag-alis ng bata mula sa mga inaasahan ng magulang at lipunan ay nagsasangkot ng higit kaysa mga gawang pagbubukod. Bago pa man pumasok sa paaralan, lumilitaw ang mga huwaran na nagiging bahagi ng isang kriminal na istilo ng buhay.” (Amin ang italiko.) Bunga nito, ibinabaling ngayon ng ilang mga sikologo ang kanilang pansin sa larangan ng paghadlang sa krimen sa pagkabata sa pag-aalok ng tulong sa mga magulang at mga anak na may potensiyal na suliranin sa pagkadelingkuwente.

Ang krimen, ang mga sanhi at posibleng mga kalutasan nito, ay isang masalimuot na paksa. Mabago kaya ng mas maraming trabaho at mas mabuting kapaligiran ang kalagayan ng ilan? Ang mas marami at mas malaking mga bilangguan ba ang kasagutan? Mabawasan kaya ng mas maraming pulis ang krimen? Sa katunayan, mayroon bang anumang praktikal na lunas sa krimen sa ating kasalukuyang lipunan ng tao?

[Kahon/Mga larawan sa pahina 8]

Larawan ng Isang Sumisibol na Kriminal

Bilang isang bata, ang kriminal ay isang nilikha na may matigas na kalooban, inaasahan na ang iba ay sunud-sunuran sa kaniyang mga kapritso. Siya ay sumusuong sa panganib, nasasangkot sa mga kaguluhan, at saka hinihiling na siya ay piyansahan at patawarin.

Ang mga magulang ang una sa mahabang talaan ng mga biktima ng kriminal.

Ang bata ay gumagawa ng higit na di-matagusang hadlang sa komunikasyon. Namumuhay siya ng isang buhay na nais niyang ikubli sa kaniyang mga magulang. Ipinalalagay niya na wala silang pakialam sa kung ano ang kaniyang ginagawa.

Ang delingkuwente ay madalas magsinungaling anupa’t ang kaniyang pagsisinungaling ay sumisidhi. Gayunman ang pagsisinungaling ay ganap na nasa ilalim ng kaniyang kontrol.

Hinahamak ng bata hindi lamang ang payo at awtoridad ng kaniyang mga magulang kundi ang paraan ng kanilang pamumuhay, anuman ang kanilang sosyal at ekonomikong kalagayan. Sa kaniya, ang pagkakaroon ng good time ang siyang lahat sa buhay.

Kapag may ibang bata sa pamilya, sila ay nabibiktima ng kanilang delingkuwenteng kapatid, na umaapi sa kanila, pinakikialaman ang kanilang mga gamit, at sinisisi sila kapag sila ay didisiplinahin.

Pinipili ng delingkuwente na makisama sa mga kabataan na mahilig makipagsapalaran sa paggawa ng bawal.

Ang delingkuwente ay tumatangging ipasakop ang kaniyang sarili sa anumang awtoridad. Pinipili niya sa halip na gumawa ng isang bagay na mas kapana-panabik, na kadalasan nang labag sa batas.

Kadalasan nang hindi alam ng mga magulang ng mga batang ito kung nasaan ang kanilang mga anak, hindi dahilan sa kapabayaan kundi dahilan sa paglilihim ng kabataan ng kaniyang mga gawain.

Ang delingkuwente ay kumukuha subalit bihirang magbigay. Hindi niya alam kung ano ang pakikipagkaibigan sapagkat ang pagtitiwala, katapatan, at pakikibahagi ay hindi kasuwato ng kaniyang paraan ng pamumuhay.

Ang bahagi ng sosyal na tanawin ng delingkuwenteng kabataan ay paggamit ng alkohol, na nagsisimula bago pa man siya magbinata.

Tinatanggihan ng kriminal ang paaralan bago pa man siya tanggihan nito. Sinasamantala niya ang paaralan, ginagamit ito bilang isang tanghalan ng krimen o kaya ay bilang panakip dito.

Kung ano ang ipinalalagay ng iba na pagpasok sa gulo, itinuturing niya na pagbubunsod sa kaniyang sarili.

(Pakisuyong pansinin na ang isa o dalawa lamang sa mga salik na ito ay maaaring hindi magpahiwatig na ang isang bata ay isang sumisibol na kriminal. Subalit kung marami ang nasasangkot, may dahilan upang mabahala.)

[Kahon sa pahina 9]

Larawan ng Isang Pusakal na Kriminal

Ang mga kriminal ay karaniwan nang laban sa trabaho.

Ang trabahong kailangang gawin agad ng kriminal ay krimen, hindi isang regular na trabaho.

Siya ay positibo na ang kaniyang kahusayan at pambihirang talino ay nagtatangi sa kaniya sa ibang karaniwang pangkat.

Pinahahalagahan niya lamang ang mga tao kung sila ay susunod sa kaniyang kalooban. Kahit ang kaniyang pagtingin sa kaniyang ina ay urong-sulong mula sa banal tungo sa makademonyo, depende kung paano siya handang sumunod sa kaniyang nais.

Hindi itinuturing ng kriminal ang kaniyang sarili na obligado kaninuman at bihira niyang bigyang-matuwid sa kaniyang sarili ang kaniyang mga pagkilos.

Gayon na lamang ang kaniyang kapalaluan na ayaw niyang tanggapin ang kaniyang sariling pagkakamali.

Ayaw ng kriminal na inuusisa ng ibang membro ng pamilya ang kaniyang paggawi.

Alam ng kriminal ang tama sa mali. Kung nagugustuhan niya, siya ay masunurin sa batas.

Gaya ng anupamang bagay, pinagsasamantalahan ng kriminal ang relihiyon upang magsilbi sa kaniyang sariling mga layunin.

Maingat na hinahabi ng kriminal ang kaniyang kuwento upang maglaan ng inaasahan niyang nakakukumbinsing ulat kung bakit ginawa niya ang kung ano ay ginawa niya.

Hindi itinuturing ng kriminal ang biktima na isang biktima. Siya mismo ang biktima dahilan sa siya ay nahuli.

(Ang mga larawan sa pahina 8 at 9 ay batay sa Inside the Criminal Mind.)

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share