Ginugol Ko ang Aking Buhay sa Musika
ANG pinakamaagang mga alaala ko sa musika ay babalik sa panahon ng aking lola. Tuwing Linggo ang buong pamilya ay magtitipun-tipon sa kaniyang bahay para sa pananghalian. Ang musika ay tumutugtog sa buong araw. May mga katutubong awitin na Irlandes, light opera, musika mula sa mga dula sa Broadway, at iba pang musika.
Nang ako ay mga walong taóng gulang, nag-aral ako ng gitara. Subalit dahilan sa kakulangan ng interes, di nagtagal ay huminto ako ng pag-aaral. Gayunman, nang mga panahong iyon, kapag naririnig ko ang pag-eensayo ng banda sa aming lugar, tuwang-tuwa ako.
Nang sumunod na mga taon, nagkaroon ako ng interes sa pop na musika, pati na sa rock. Gaya ng iba pa na kapanahon ko, laging nakabukas ang radyo. Pagkatapos ay nag-aral akong muli ng gitara at di nagtagal ay tumutugtog na ako sa lokal na mga banda. Regular kaming tumutugtog sa mga sayawan sa lokal na parokya. Samantala, lumipat ako sa bass guitar at hindi nagtagal ay binibili ko ang lahat ng mga gamit na kasama nito.
Nang panahon ding iyon, may nangyari sa akin. Nakita ko ang kapaimbabawan ng simbahan, yamang kami ay nakikitungo sa lokal na pari ng parokya na umuupa sa amin sa mga sayawan. Wala akong kamalay-malay na ito ay lubhang makakaapekto sa aking buhay sa dakong huli.
Ang Kapaligiran
Nang mga panahong iyon ng pagtugtog ng rock ’n’ roll, madalas kaming magbiyahe. Naging abala kami sa pagtugtog sa maraming bar at mga sayawan sa loob at labas ng Lunsod ng New York ng mga ilang taon, subalit ang kapaligiran ay hindi mabuti. Nariyan ang saganang imoralidad, malayang daloy ng mga droga, at lubhang nakapanlulumong kapaligiran.
Nagkaroon kami ng mga tagahanga na binubuo ng mga junkie at mga acidhead (mga sugapa sa heroin at mga gumagamit ng LSD). Hindi mahalaga sa amin kung ano sila. Naiibigan nila ang aming musika at naiibigan naman namin ang kanilang pagtaguyod. Naalaala ko pa isang gabi nang isang lalaki ang naghihihiyaw na lumabas. Siya ay langó sa LSD at minamasdan niya kami na lubusang nasasangkot, sa mental at pisikal na paraan, sa aming musika. Hindi niya ito nakayanan!
Bagaman kami ay nagiging popular at nagsimula kaming gumawa ng mga konsiyerto, nagsawa ako. Lubha akong di nasiyahan sa pagkamusiko. At ang masamang mga bisyo na nakapaligid sa akin ay nagsimulang makaapekto sa akin, inaakay ako na gumamit din ng mga droga. Dahilan dito, ang aking buhay ay naging totoong malungkot at nakapanlulumo. Kaya hinanap ko ang sa palagay ko ay mas mabuting uri ng musika. Noon ko natuklasan ang klasikal na musika.
Pagtataguyod ng Karera sa Musika
Samantalang ako’y nakikinig sa klasikal na musika, natuklasan ko ang kakaibang daigdig. Dati, mayroon tayong malaking paggalang sa músikó ng jazz na mahusay kumatha, subalit narito, sa klasikal na musika, ang isa na makalalagay ng kaniyang mga katha sa papel. Kasabay nito, pinagtutugma niya ito sa isang orkestra. Iyan ang tunay na músikó!
Ngayon nais kong itaguyod ang uring ito ng musika. Kaya’t ako ay pumasok sa isang kolehiyo ng estado at nag-aral ng musika. Ang aking instrumento ay ang doble baho. Natututo akong magsulpejo, umawit sa koro, mag-aral ng armoniya, at magkaroon ng pangunahing mga pamamaraan sa piyano. Inaakala ko na sa wakas ay natututo ako ng isang bagay. Sa sumunod na mga ilang taon, nagpatuloy ako sa rutinang ito.
Pagkatapos ay gumawa ako ng isa pang disisyon. Ako ay sumusulong, totoo, subalit inaakala ko na higit pa ang magagawa ko. Kaya’t ako ay nagpasiya na pumasok sa isang konserbatoryo. Subalit batid ko na marami pang kulang sa aking musikal na pag-aaral. Huli na akong nagsimula. Sa larangang ito ng musika, yaong mga ginawa itong karera ay karaniwan nang nagsimula rito mula sa pagkabata. Kaya’t dinagdagan ko ang aking panahon ng pag-eensayo sa apat na oras isang araw.
Nag-awdisyon ako at ako ay tinanggap sa Manhattan School of Music sa New York. Inaakala ko ngayon na talagang maaari akong maging isang tunay na músikó. Dinagdagan ko ang aking oras ng pag-eensayo sa anim na oras isang araw. Ugali na ng bantay sa gabi na puntahan at sabihan ako na mag-impake na sapagkat magsasara na siya. Pagkatapos ay ang pagsakay sa subwey pauwi ng bahay, at kinabukasan ay magsisimula na naman ang buong rutina.
Sa paglipas ng panahon, inaakala ko na marami ang aking natututuhan. Subalit ipinasiya ko na lumipat mula sa Manhattan School of Music tungo sa Juilliard School, na nasa lunsod din ng New York. Ito ay mas kilalang paaralan, bagaman ang kapaligiran doon ay mas paligsahan. Kaya nang sumunod na summer ako ay nag-awdisyon at tinanggap. Subalit nang panahon ding ito may nangyari sa ibang bahagi ng aking buhay.
May Kulang
Alam mo, nang mga taóng iyon, ako ay nagdodroga. Gayunman, ang problema ay na ang mga pagkalangó sa droga ay nagiging hindi na kasiya-siya. Humantong ito sa punto kung saan ang tanging bagay na may tunay na kahulugan sa aking buhay ay ang aking musika.
Naging loner din ako at literal na kumakain lamang, natutulog, at papasok sa eskuwela. At lalo akong nag-alala. Dadalaw ang dating mga kaibigan sa bahay, at hindi na ako marunong makipagtalastasan sa kanila. Hindi na ako marunong makipag-ugnayan sa mga tao.
Ano ang gagawin ko? Itinataguyod ko kung ano ang nais ko, subalit sa kalooban ko nadarama ko na may kulang. Sinuri ko ang mga relihiyon na Silanganin para sa patnubay at kapayapaan ng isip. Hinahanap ko ang tinatawag kong katotohanan, subalit napakaraming pagpapaimbabaw roon, at napakaraming tao ang hindi na iniintindi ang tungkol sa katotohanan. Kaya ayaw ko ng anumang kaugnayan sa kanila o sa sinuman.
Ang buhay ko ay naging lubhang mapanglaw. At isang gabi, pagkatapos mag-ensayo hanggang sa hatinggabi, nadama ko na para bang ako ay masisiraan. Saka ako nanalangin sa Diyos, kung sino man siya o saan man siya naroroon, na nagsusumamong tulungan niya sana ako.
Pagkasumpong ng Kung Ano ang Talagang Nais Ko
Noon, dalawa sa mga kaibigan ko ang nakatagpo ng mga Saksi ni Jehova. Ang mga kaibigan ko ay nagsimulang magsalita sa akin tungkol sa kanilang mga natututuhan, subalit ayaw kong mapasangkot dito! Nang makatagpo ko ang isa sa mga Saksi ni Jehova, ipinakipag-usap niya sa akin ang tungkol sa Bibliya at ipinakita sa akin ang literatura na nagpapaliwanag sa Bibliya. Subalit minaliit ko ito, para bang hindi ito mahalagang basahin.
Isang gabi, mga linggo pagkaraan na ako ay humingi ng tulong sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, pauwi na ako ng bahay mula sa eskuwela nang mga bandang alas onse, nang ako ay sunduin ng taksi ni Tom, ang Saksi na nakipag-usap sa akin. Nakipag-usap siyang muli sa akin tungkol sa Bibliya, subalit ako ay tumanggi. Gayunman, sa kalooban ko alam ko na totoo ang sinasabi niya! Nagtanong ako ng maraming mahihirap na katanungan, subalit mahinahon at wastong sinagot niya ako. Sa loob ng limang oras kami ay nagpaikut-ikot at patuloy na nag-usap.
Habang kami ay nag-uusap, ang ligalig na naranasan ko noong mga nakalipas na taon ay naglaho. Talagang naunawaan ko ang gustong sabihin ni Tom sa akin nang mga buwang iyon. Bueno, iyan ay maaaring magtinging isang lubhang emosyonal na karanasan, subalit hindi gayon. Ito ay isang payak na bagay na basta pagkaunawa sa katotohanan sa kung ano ito. Ang sinabi ni Tom ay may tunay na kabuluhan. Halimbawa, naunawaan ko, gaya ng itinuro niya, na ang sangkatauhan ay nabigo sa lahat ng paraan upang lutasin ang pangunahing mga suliranin nito. Walang pulitikal, ekonomiko, o relihiyosong sistema ng daigdig na ito ang umakay sa kapayapaan, kaligayahan, kalusugan, at buhay na lubhang kinakailangan ng tao. Tanging ang pamahalaan lamang na itinuro ni Jesus ang makagagawa nito.—Jeremias 10:23; Mateo 6:9, 10.
Gayundin, ang pangmalas ng Bibliya sa kung paano nakikitungo ang Diyos sa mga tao ay totoong nakapagpapasigla. Hindi siya tumitingin sa panlabas ng isang tao at hindi siya kumikiling sa isang nasyonalidad na higit kaysa iba. Ang mahalaga ay kung ano ang nasa isipan at puso ng isang tao.—Gawa 10:34, 35.
Lubha akong humanga sa dignidad na nasumpungan ko sa mga Saksi. Kaya’t sinimulan kong dumalo sa mga miting sa isa sa kanilang mga Kingdom Hall. Doon, ang lahat ay maayos at magalang. Agad kong nakita ang pangangailangan na linisin ang aking buhay at ihinto ang pagdodroga. Galak na galak akong gawin ito, yamang ang dati kong paraan ng pamumuhay ay totoong di-kasiya-siya!
Hindi na ‘Numero Uno’ ang Musika
Pagkaraan ng bakasyon, nagbalik ako sa paaralan para sa isa pang semestre. Subalit ibang-iba na ang palagay ko tungkol sa mga bagay ngayon. Ang pagnanais na maging isang músikó ay hindi na kasintindi na gaya ng dati. Batid ko na mayroon pang higit sa buhay at na ang musika ay hindi na maaaring maging ‘numero uno.’
Isang araw sa Kingdom Hall, nakita ko si Tom na hawak-hawak ang isang application form. Ito ay para sa pagpasok sa buong-panahong pagmiministro. Ang kaniyang kagalakan ay tumulong sa akin upang malaman kung ano talaga ang ninanais ko sa aking buhay. Ako man, ay nagnanais na maglingkod kay Jehova nang buong panahon, sinasabi sa iba ang kahanga-hangang mga bagay na natutuhan ko tungkol sa kaniyang layunin na wakasan ang di-kasiya-siyang daigdig na ito at halinhan ito ng isang malaparaisong bagong sistema.—Awit 37:10, 11, 29; Lucas 23:43.
Tandang-tanda ko pa ang reaksiyon ng aking ama sa aking pasiya. Hinampas niya ang mesa at mahigpit na sinabi sa akin na ako’y palalayasin sa bahay kung iiwan ko ang aking pag-aaral. At ako ay umalis ng bahay. Pagkaraan ng dalawang buwan ako ay nabautismuhan upang sagisagan ang aking pag-aalay sa Diyos, at di nagtagal ako ay pumasok sa buong-panahong pagmiministro. Sa wakas, pagkaraan ng ilang mga taon, maibiging inanyayahan ako ng aking ama na bumalik ng bahay, nakikita na talagang disidido akong maglingkod kay Jehova.
Pagkatapos isang bagong pribilehiyo ang nabuksan sa akin. Noong 1979 ako ay nag-aplay at tinanggap na maglingkod sa punung-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York, na tinatawag na Bethel (“bahay ng Diyos”). Talagang iyan ay isa sa pinakamaligayang karanasan ko sa buhay. Hinahangaan ko yaong mga tapat na lalaki at babae, mga ilang libo sa kanila, na nagtatrabaho roon. Ngayon ako ay nagkapribilehiyo na maglingkod na kasama nila. Marami sa kanila ang maaari sanang pinili ang malalaking-sahod na mga karera sa daigdig na ito subalit ipinasiya nila sa halip na manatili sa buong-panahong paglilingkod sa Maylikha.
Oh, hindi madali ang paglilingkod sa Bethel! Subalit hindi ko naman inaasahan na maging gayon. Di-mumunting pagsasakripisyo-sa-sarili ang nasasangkot. Maraming mahalagang gawain na dapat gawin, at dapat kaming maging masigasig.
Ang paglilingkuran sa Bethel ay nagturo sa akin na ang tunay na kaligayahan ay hindi nagmumula sa katuparan ng personal na mga hangarin. Ito’y nagmumula sa paglilingkod sa Maylikha, na nakakaalam kung ano talaga ang kinakailangan natin upang magkaroon ng tunay na kaligayahan. Tumutugtog pa rin ako ng musika ngunit kaunting panahon lamang ang inuukol ko rito kaysa inilalaan ko rito noon. Isa pa, kung minsan ako ay tumutugtog para sa mga kaibigan at nagkaroon pa nga ng pribilehiyo na tumugtog sa isang orkestra ng Saksi. Pinananatili nitong tumugtog ako ng musikang aking naiibigan.
Pagpapanatili sa Musika sa Kaniyang Dako
Anong payo ang maibibigay ko sa isang kabataan na mahilig sa musika? Bueno, tandaan na ang musika ay isang napakaselosang Lakambini (isa sa ipinalalagay na mga anak na babae ng paganong diyos na si Zeus). Ang isang karera sa musika ay humihiling ng bukod-tanging debosyon. Sa ganito’y nakikipagkompitensiya ito sa ating Maylikha at sa paggawa ng kaniyang kalooban. Ang musika ay para pa ngang isang sakit. Napakadaling labis na mapasangkot dito. Nakakita ako ng mga músikó na nagsimulang mag-aral ng Bibliya subalit itinigil ito dahilan sa nanghihimasok ito sa kanilang musika. Anong kamangmangan na ipagpalit ito, yamang ang paglilingkod sa Diyos ay makapagdadala hindi lamang ng kapayapaan at kasiyahan ngayon kundi buhay na walang hanggan sa paraisong lupa sa malapit na hinaharap!
Ang totoo niyan, minalas ko ang musikal na mga institusyon bilang makabagong panahong mga templo ng pagsamba na humihiling sa mga tao na ilaan ang kanilang buong buhay sa musika. Subalit iyan ay pagdiyos sa musika, at tiyak na wala itong pagsang-ayon ng Maylikha. Totoo, ang musika ay isang kaloob mula kay Jehova, subalit dapat itong panatilihin sa kaniyang dako.
Isa pa, tandaan na ang uri ng musika na ating tinutugtog o pinakikinggan ay talagang nakakaapekto sa atin, sa ikabubuti o sa ikasasama. Kaya’t dapat tayong maging totoong mapamili. Ang musika ay dapat na maging kaaya-aya at nakapagpapasigla, subalit ang karamihan ng mga musika ngayon ay nakasasama, kapuwa sa espiritu nito at sa mga salita nito. Kung nais mong matuto ng mga saligan ng musika, mas makabubuting gamitin ang aklat-awitan na inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Naglalaman iyan ng mahusay na musika at mayroon ng lahat ng mga saligan at mga panimula ng armoniya.
Binigyan tayo ng Diyos ng isang kahanga-hangang kaloob sa musika. Ang panloob na kagalakan na tinatanggap ng isa mula sa mahusay na pagtugtog at ang may pagpapahalagang pagtugon ng mga tagapakinig ay kasiya-siya. Ngunit upang masiyahan dito nang wasto, dapat itong panatilihin sa kaniyang dako—sa likuran ng pagsamba sa ating Dakilang Maylikha, si Jehova.—Gaya ng isinaysay ni William Mullane.
[Blurb sa pahina 14]
Hinanap ko ang sa palagay ko ay mas mabuting uri ng musika
[Blurb sa pahina 15]
Dadalaw ang dating mga kaibigan sa bahay, at hindi na ako marunong makipagtalastasan sa kanila
[Blurb sa pahina 17]
Lubha akong humanga sa dignidad na nasumpungan ko sa mga Saksi
[Larawan sa pahina 16]
Nasisiyahan pa rin akong tumugtog sa aking mga kaibigan at kung minsan ay may pribilehiyo akong tumugtog sa isang orkestra ng Saksi