Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Dapat Basahin ang Bibliya?
‘Isa lamang alwagi, niyanig ni Jesus ng Nazaret, ang daigdig ng kaniyang mensahe!’ sabi ng propesor. Hindi, hindi siya nagtuturo ng Bibliya kundi inihahambing niya ito sa akdang literaryo na pinanganlang Don Quixote. Gayunman, si Aaron (20 taóng gulang), ay matamang nakinig. Sapagkat ang propesor na ito, bagaman hindi relihiyoso, ay pinahalagahan ang Bibliya bilang isang literatura—gaya ng sabi niya, isang aklat na ‘dapat nabasa ng bawat edukadong lalaki at babae.’
MAAARI nga bang turuan ng Bibliya ang isang tao? At ano ang lubhang nakayayanig sa mensahe ng alwagi? Nais malaman ni Aaron, kaya ipinasiya niyang basahin ang Bibliya.
Nabasa ni George (12 taóng gulang) ang isang sinipi mula sa Bibliya: “Alalahanin mo, ngayon, ang iyong Dakilang Manlilikha sa mga araw ng iyong kabataan.” (Eclesiastes 12:1) Kaya tinanong niya ang kaniyang sarili: ‘Paano ko maaalaala ang Maylikha kung hindi ko siya nakikilala?’ Siya man, ay nakaunawa ng pangangailangan na basahin ang Bibliya.
Si Kelvin (21 taóng gulang) ay isa sa mga Saksi ni Jehova at regular na nagsasagawa ng bahay-bahay na pangangaral. Nasisiyahan siyang sabihin sa iba kung ano ang natututuhan niya tungkol sa Bibliya. Gayunman, nasumpungan niya na ang ibang mga tao na nakakatagpo niya ay nakabasa na ng mga bahagi ng Bibliya. At sapagkat nais ni Kelvin na magkaroon ng intelihenteng pakikipag-usap sa kanila, inihahanda niya ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral ng Bibliya. Sa kaniyang mga pangungusap, “Kailangang basahin mo ang iyong Bibliya upang malaman mo kung ano ang pinag-uusapan nila.”
Sina Aaron, George, at Kelvin ay naging seryosong mga estudyante ng Bibliya. Ngunit kumusta ka? Hindi ba dapat ikaw rin ay bumasa ng Bibliya? Gaya ng maraming kabataan, maaaring sabihin mo:
‘Hindi ba Nakababagot ang Bibliya?’
Ganiyan ang akala ng iba. Subalit, hindi nila nalalaman kung ano ang nawawala sa kanila. Ang Bibliya ay ang pagsisiwalat ng Diyos sa tao. Sinasabi nito sa atin kung paano tayo napunta rito at kung saan tayo patungo. Paano nga magiging nakababagot iyan?
Totoo, ang ilang bahagi ay tila mabilis ang takbo kaysa iba. Si David (19 taóng gulang) ay nagsabi: “Sa mga aklat ng Bibliya na Mga Bilang at Deuteronomio, may mga ilang pangyayari, subalit ang karamihan ay mga batas at mga dahilan para sa mga batas. Hindi naman sa ang mga ito ay nakababagot, subalit sa Josue, ang kasunod na aklat, mas maraming mga pangyayari; ikaw ay nasasangkot. Mula sa Josue patuloy, bumibilis ang takbo ng mga pangyayari.” Gayunman, habang sumusulong si David sa kaniyang pagbabasa, ang kaniyang opinyon tungkol sa tinatawag na mabagal na mga bahagi ng Bibliya ay malamang na magbago. Bakit? Isaalang-alang ang iyong sariling karanasan.
Nakapanood ka na ba ng isang sine na una mong nakita nang ikaw ay bata-bata pa? Nang panahong iyon, marahil ay hindi mo naunawaan ang karamihan nito, at bunga nito, kakaunting tagpo ang tila kapana-panabik. Subalit ngayon na ikaw ay malaki na, mas marami ang iyong nauunawaan. Ang kuwento ay nagkakaroon ng higit na kahulugan, at ang mga tanawin ay bumibilis. Gayundin ang nangyayari habang ikaw ay lumalago sa pagkaunawa sa pinakamabiling aklat sa daigdig. (Hebreo 5:14) Sa tuwing babasahin mo ito, ang mga batas at ang mga dahilan para sa batas na iyon ay nagkakaroon ng higit na kahulugan. Napapahalagahan mo ang mga detalye.
Subalit bakit napakahalaga ng mga detalye? Bueno, isaalang-alang ang isang tagapagbalita ng palakasan sa radyo. Ang kaniyang trabaho ay gawing makatotohanan ang laro ng bola sa kaniyang mga tagapakinig. At paano niya ginagawa iyan? Siya ay nagbibigay ng maraming detalye—kung paano pinalo ang bola, ang distansiya, ang laro, ang iskor, mga estadistika, mga kuwento tungkol sa mga manlalaro. Nakababagot ba iyan? Mangyari pa hindi! Gayundin, ang Bibliya ay punô ng mga detalye—mga talaangkanan, mga bilang, mga sukat, mga batas. Ginagawang buháy nga ng mga detalyeng ito ang mga pag-uulat!
Higit pa riyan, isinisiwalat ng mga batas na ito ang personalidad ng Diyos. Sa Exodo 22:21, 22 at Levitico 19:32, halimbawa, ang Diyos ay nag-uutos na pakitunguhang mabuti ang mga babaing bao, mga ulila, at mga matatanda. Oo, nais ni Jehova na ang lahat ay pakitunguhan na may paggalang, anuman ang sekso o edad. Hindi ba iyan ay magpapangyari sa iyo na kilalanin siyang higit? Ito ang nadama ng isang kabataang babae na nagngangalang Georgie. Tungkol sa kaniyang pagbabasa ng Bibliya, sabi niya: “Ito ay magpapalapit sa iyo kay Jehova.”
Ikaw man, ay makatutuklas na ang Salita ng Diyos ay “buháy at mabisa.” (Hebreo 4:12) Papaano?
Ang Bibliya ay Buháy!
“Ang pagbabasa ng Bibliya ay kakaiba sa pagbabasa ng pahayagan o ng magasin,” sabi ni Marvin (19 taóng gulang). “Ang iyong mga kaisipan ay kailangang nakatuon sa iyong binabasa. Ang iyong isipan ay hindi maaaring gumala-gala habang binabasa ang mga pahina. Ang pagbabasa ng Bibliya ay nangangailangan ng pagsisikap. Sinisikap kong ilarawan ang tagpo at ilagay ang aking sarili roon kapag binabasa ko ang tungkol sa paghawi ng Dagat na Pula o ang pagbukas ng mga langit at ang pagsasalita ni Jehova.”
Magagawa mo ito! Kapag binabasa mo ang ulat tungkol kay Daniel sa yungib ng leon, ilarawan mo ang iyong sarili na naroon! Gunigunihin na ikaw ay nag-iisa at walang armas sa isang yungib ng gutom na mga leon! (Daniel 6:16-23) O kumusta naman ang ulat tungkol kay Reyna Esther? Ang kaniyang bayan ay nanganganib na maging biktima ng lansakang pagpatay. Anong mapanganib na kalagayan! Upang iligtas sila kailangang gumawa siya ng isang serye ng mga pagmamaneobra na magsasapanganib sa kaniya mismong buhay at iharap ang kaniyang sarili nang mukhaan sa kaaway. Nadarama mo ba ang kaigtingan?—Esther 3:6–5:4; 2:10; 8:3-6.
Mayroon ka pang magagawa upang gawing mas kapana-panabik at nakapagpapasigla sa isipan ang Bibliya. Habang nagbabasa ka, pansinin kung papaano nagkakaugnay-ugnay ang iba’t ibang bahagi ng Bibliya. Halimbawa, anong kaugnayan mayroon ang mga ulat tungkol kay Daniel at kay Esther? Pinatutunayan nito kapuwa ang katotohanan ng Awit 34:7: “Ang anghel ni Jehova ay nagbabantay sa lahat ng natatakot sa kaniya, at inililigtas sila.”
Ang isa pang tema na nag-uugnay-ugnay sa iba’t ibang bahagi ng Bibliya ay ang Kaharian ng Diyos. Ang Daniel 2:44 ay nagsasabi: “Ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian.” Subalit ano ang gagawin ng Kahariang ito? Mula sa pasimula hanggang sa wakas, ipinakikita ng Bibliya na gagamitin ni Jehova ang Kaharian na ito—ang kaniyang pamahalaan—upang magdala ng walang hanggang kapayapaan. “Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa kadulu-duluhan ng lupa,” sabi ng Awit 46:9. At sa pamamagitan ng Kaharian, “papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng panambitan man o ng hirap pa man.”—Apocalipsis 21:4.
Ang lahat ay nagkakaugnay-ugnay. Wawakasan ng pamahalaan ng Diyos ang sakit, paghihirap, pati na ang kamatayan. Ang kawalang katarungan ay magiging lipás na bagay. Ang lahat ay pakikitunguhan nang may katarungan at may paggalang. Hindi kataka-taka na sinabi ni Jesus na manalangin, “Dumating nawa ang kaharian mo”! (Mateo 6:10) Ang mensaheng iyan ng Kaharian ang yumanig sa daigdig noon at yumayanig sa daigdig ngayon! Hindi ba sulit kung gayon na suriin mo ang nagbibigay-buhay na mensaheng ito? Magagawa mo ito, sa pagbabasa ng Bibliya!
‘Subalit Paano Ko Ito Mababasa?’
Kung ikaw ay nasa paaralan, maaaring akalain mo na ikaw ay totoong abala sa iyong mga araling-bahay. Subalit napakahirap nga bang gawin ang iyong mga araling-bahay at magbasa ng Bibliya? Para kay Richard (17 taóng gulang) ay hindi: “Tuwing hapon kapag ako ay may araling-bahay, ginagawa ko ito at tinatapos ito. Sa aming bahay ay walang TV mula Lunes hanggang Biyernes.” Kung gagawin mo ang gayon, magugulat ka na malaman na maraming panahong matitira sa iyo para sa pagbabasa ng Bibliya. Aba, kung babasa ka lamang ng 15 minuto isang araw, maaari mong matapos ang buong Bibliya sa isang taon!
Makatutulong Ito sa Iyo Ngayon!
Ikaw ay lumalaki sa mga panahon na totoong “mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Gayunman, tinutulungan ng Bibliya ang mga kabataang ito na makapagtagumpay:
“Kung minsan ako ay nanlulumo sa kalagayan ng daigdig. Binabasa ko ang mga kasulatan na gaya ng Apocalipsis 21:4, at nagbibigay ito sa akin ng pag-asa.”—Prentice.
“Ang pagbabasa ng Bibliya ay totoong kapaki-pakinabang, lalo na kapag ako’y may problema. Kadalasan, may tauhan sa Bibliya na may gayon ding problema, at nakatutulong iyan sa akin upang pakitunguhan ito.”—Myrtie.
“Nakikita ko ang aking sarili na sumusulong sa pamamagitan ng pagbabasa ng Bibliya.”—Theresa.
Makikita mo rin ang iyong sarili na sumusulong. Danasin ang kasiyahan ng pagsisimula ng isang bagay na mahalaga, manatili rito, at tapusin ito. Higit na kasiya-siya pa ang pagkakilala sa Dakilang Maylikha. (Eclesiastes 12:1) Di magtatagal, nanaisin mong gamitin ang Bibliya upang tulungan ang iba. Tunay, ang pagbabasa ng Bibliya ay isa sa pinakamahalagang proyekto na maaari mong gawin!
[Blurb sa pahina 20]
“Ang pagbabasa ng Bibliya ay totoong kapaki-pakinabang, lalo na kapag ako ay may problema”
[Mga larawan sa pahina 19]
Sikaping ilarawan ang mga pangyayari habang ikaw ay nagbabasa