Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 1/8 p. 22-23
  • Mga Loterya—Sino ang Nagwawagi?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Loterya—Sino ang Nagwawagi?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Maginhawang Buhay?
  • Higit pa ang Nakataya
  • Mas Mabuti Kaysa Pagsusugal
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Mga Loterya—Sino ang Nananalo? Sino ang Natatalo?
    Gumising!—1991
  • Mga Loterya—Bakit Napakapopular?
    Gumising!—1991
  • Pagkahibang sa Loterya—Ang Sugal ng Daigdig
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 1/8 p. 22-23

Ang Pangmalas ng Bibliya . . .

Mga Loterya​—Sino ang Nagwawagi?

“KUNG nais mong magwagi dapat kang maglaro.” “Dalawang jackpot sa halaga ng 1.” “Higit kailanman mas maraming premyo para sa inyong pera!” Ang tensiyon at katuwaan ay tumitindi. Nauudyukan ng mga sawikaing ito, ang mga lalaki, mga babae, at pati na ang mga kabataan, saanman ay dumudukot sa kanilang mga bulsa at mga lukbutan. Kahit na ang mga handaan sa kasalan ay ginagambala nito. Nasasaksihan mo ang pagdaluhong sa loterya!

Sa wakas, ang “masuwerteng numero” ay inaanunsiyo. Malaking tuwa para sa ilan. Libu-libo, marahil ay milyun-milyong mga dolyar ang agad na nagiging kanila. Ang pagwawagi ng isang milyong dolyar na loterya, sabi ng isang nagwagi, ay “‘palamuti’ lamang ng makabuluhang buhay.” Sabi pa ng isa, “Nakagiginhawang malaman na hinding-hindi ka na kakapusin ng pera.” Para sa karamihan​—ang mga talunan​—ang mga gawain sa buhay ay nagbabalik sa kanilang normal na takbo.

Naaakit ka ba ng pang-akit ng loterya? Paano maaapektuhan nito ikaw at ang iyong kinabukasan? Sinong talaga ang nagwawagi?

Maginhawang Buhay?

Maaaring udyukan ng mga loterya ang mga puso ng naglalaro na nasain na maging mayaman. Gayunman, ang Bibliya ay nagsasabi na itong “pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uring kasamaan, at sa pagsusumakit sa pag-ibig na ito ang iba . . . ay tinuhog ang kanilang sarili ng maraming pasakit.” Totoo ito sa mga loterya.​—1 Timoteo 6:9, 10.

Ang mga naglalaro ay maaaring magumon sa pagsusugal. Si Dr. John Watt, direktor ng medisina sa Homewood Sanitarium sa Guelph, Canada, ay nagsasabi na ang isang tao ay maaaring ‘magumon sa loterya, na gaya ng isang tao na nagiging alkoholiko,’ sa pagtatangkang takasan ang katotohanan. Tinatawag niya itong loteritis.

At kapag ang isa ay nagwawagi, bumabangon ang bagong mga problema. “Akala ko ay giginhawa na ang aking buhay,” sabi ni Erika, nagwagi ng isang milyong-dolyar sa loterya. Subalit pagkaraan ng dalawang diborsiyo at patuloy na paghahabol ng mga maniningil ng buwis, siya ay naghihinagpis: “Kung alam ko lamang na ganito ang mangyayari, pinunit ko na sana ang tiket na iyon.” Ang iba ay nagkomento na ang pagwawagi ‘sa loterya ay pasimula ng isang buhay na sinalot ng sakit, takot at sa wakas ng poot.’ “Lahat ng tokata ng pagwawagi ay hinalinhan ng mabibigat na pasanin.” “Hindi na ako nagtitiwala kaninuman​—iyan ang nagawa sa akin ng pagwawagi sa loterya.” Para sa mga nagwagi sa loterya, iminungkahi pa nga ng mga opisyal ang pag-upa ng isang bodyguard at isang manedyer upang pangalagaan ang kanilang “mga gantimpala at ang kanilang mga sarili.” Oo, kahit na ang mga nagwagi ay maaaring maging mga talunan.

Higit pa ang Nakataya

Ang iba, pati na ang kilalang mga relihiyosong lider, ay nangangatuwiran na walang masama sa pagtaya sa mga loterya basta ito ay legal. Gayunman, ang bagay na ang loterya ay legal sa ibang mga bansa ay hindi gumagawa ritong tama. Upang ilarawan: Kung gagawing legal ng iyong lokal na pamahalaan ang prostitusyon, iyan ba ay gagawa ritong tama? Hindi sang-ayon sa Bibliya. (1 Corinto 6:9, 10) Ang isang taong nagnanais na palugdan ang Diyos ay pangunahing nang nababahala sa kung ano ang ipinahihiwatig ng Kaniyang Salita, ang Bibliya. Malamang na iyan din ang pangunahing bagay sa iyo. Subalit mayroon bang anumang sinasabi ang Bibliya tungkol sa loterya?

Hindi tuwiran, subalit yamang ang pangunahing pang-akit ng loterya ay ang pag-ibig sa salapi, ito ay nauugat sa kasakiman. Ang kasakiman ay nagbubunga lamang ng masamang mga bunga. Ang Bibliya ay nagpapayo sa atin na huwag linangin ang kasakiman sa ating mga puso. (1 Juan 2:15, 16) “Ngunit . . . ang kasakiman ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo.”​—Efeso 5:3.

Ang pag-ibig sa loterya ay batay sa kaimbutan. Hindi ba hinahanap ng bawat kalahok ang kaniyang sariling kapakinabangan, yaong pagwawagi ng kung ano ang pinagbayaran ng kaniyang kapuwa? Gayunman, ang Bibliya ay humihimok sa bawat isa sa atin na “patuloy na hanapin, hindi ang sariling pakinabang, kundi ang ikabubuti ng kapuwa.” Sa gayon, hindi ba mali na magkaroon ng kasiyahan at pakinabang mula sa kalugihan ng ibang tao?​—1 Corinto 10:24; Kawikaan 17:5.

Ang loterya ay maaari ring maging silo sa isang mahirap na tao, kinukuha sa kaniya ang mismong bagay na kinakailangan niya o ng kaniyang pamilya​—ang salapi. Napakalaki ng kahigitan na ang isa ay hindi magwawagi. Sinasabi ng mga awtoridad na mas malamang pa na tamaan ka ng kidlat kaysa manalo sa loterya. At sang-ayon sa Lightning Protection Institute, ang kahigitan na ang isa ay tamaan ng kidlat ay isang milyon sa isa. Samakatuwid, ang kahigitan sa pagwawagi ay maaaring kumuha ng mga ilang milyon sa isa!

Subalit mayroon pang higit na dahilan na mabahala. Ang mga tumataya sa loterya ay umaasa sa suwerte at hindi sa kasanayan, sa intuwisiyon at hindi sa lohika. Bunga nito, marami ang nagiging mapamahiin. Saan ito maaaring umakay? Binabanggit ng Bibliya yaong mga “naghahanda ng dulang para sa diyos ng Mabuting Kapalaran.” Idolatriya ang tawag dito. Samakatuwid, ang kahigitan ay hindi lamang sa pagwawagi sa loterya mismo, kundi maaaring ito rin ang unang hakbang sa idolatriya, na maglalagay sa kanila sa pagkikipag-away sa Diyos na Jehova.​—Isaias 65:11-14.

Mas Mabuti Kaysa Pagsusugal

Ipinaaalala sa atin ng Bibliya na may “higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” Tiyak, ang labis na pagkabalisa sa loterya ay hindi nagtataguyod ng espiritu ng walang pag-iimbot na pagbibigay, na siyang tunay na kapaki-pakinabang.​—Gawa 20:35.

Ang tunay na kaligayahan ay masusumpungan kung ilalagak natin ang ating pag-asa “hindi sa walang kasiguruhang mga kayamanan, kundi sa Diyos, na saganang nagbibigay sa atin ng lahat ng ating ikasisiya; na sila’y gumawa ng mabuti, maging sagana sa mabubuting gawa, . . . handang magbigay.” Kaya, ligtas tayong makapagtitipon para sa ating sarili “ng mainam na pundasyon para sa hinaharap” at “makakapit nang mahigpit sa tunay na buhay.”​—1 Timoteo 6:17-19.

Sa ganitong paraan, ikaw ay maaaring maging garantisadong panalo. At ito’y hindi maaaring nagkataon lamang o panghahawakan sa “masuwerteng numero.” Bagkus, gaya ng malinaw na sinabi ng Panginoong Jesus, dapat kang ‘kumuha ng kaalaman tungkol sa tanging tunay na Diyos’ at sa kaniyang mga layunin. Pagkatapos, isagawa ito. Mamuhay na kasuwato ng kaniyang Salita. Ang iyong kinabukasan ay depende rito, “sapagkat siya’y nagbibigay sa atin ng tagumpay.” Ang gantimpala ay mas mahalaga kaysa jackpot sa loterya. Ito ay “buhay na walang hanggan”!​—Juan 17:3; 1 Corinto 15:57.

[Blurb sa pahina 22]

Kahit na ang mga nagwagi ay maaaring maging mga talunan

[Blurb sa pahina 23]

Mas malamang pa na tamaan ka ng kidlat kaysa manalo sa loterya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share