Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Bakit Lubhang May Kinikilingan ang Aking Guro?
ANG katorse-anyos na si Vicky ay nagsasalita para sa maraming kabataan nang kaniyang sabihin, “Hindi ko matatagalan ang isang guro na may kinikilingan.” Aba, sa isang surbey noong 1981 ng 160,000 mga kabataang Amerikano, 76 porsiyento ng mga kabataang tinanong ang nagsabi na ang kanilang mga guro ay may paboritismo!—The Private Life of the American Teenager.
Mauunawaan kung gayon, ang mga kabataan ay nababalisa kapag sila ay nakakakuha ng mabababang marka sa kung ano ang ipinalalagay nilang mataas-markang gawain. Ikinagagalit nila ito kapag ang disiplina ay waring labis-labis, hindi nararapat, o may kinikilingan pa nga. “Minsan ay naghikab ako at ako ay pinalabas sapagkat ako ay Itim,” sabi ng 12-anyos na si Ivan.
Gayundin, ang mga kabataan ay nagagalit kapag pantanging atensiyon o pakikitungo ay ibinibigay sa paborito ng guro. Ang trese-anyos na si Diane ay nagsasabi: “Paborito nila ang pinakamatalino, o ang pinakamaganda.” Hindi kataka-taka, kung gayon, na sa nabanggit na surbey, minarkahan ng mga kabataan ang pagiging walang kinikilingan ng isang guro na mas mahalaga kaysa sa pag-alam niya sa asignaturang kaniyang itinuturo!
Ang mga Guro ay mga Tao Rin
Ang mga guro ay nagkakamali rin. Mayroon din silang mga problema, mga kakatuwaan, at, oo, mga maling opinyon. Kung minsan ang kanilang mga emosyon ay nakakaapekto sa kanilang paghatol. Nasumpungan ito ng isang kabataang nagngangalang Freddy nang mapansin niya na ang kaniyang guro “ay singhalan ang lahat.” Mataktikang nilapitan ni Freddy ang guro at natuklasan niya ang sanhi ng masungit na paggawing ito. “Nagkaroon lamang ako ng problema sa aking kotse kaninang umaga,” paliwanag ng guro. “Nag-overheat ito habang daan patungo sa paaralan kaya’t ako’y nahulí.”
Maaaring masumpungan mo rin ang iyong sarili—sa walang kadahilanan—na target ng galit ng isang guro. Gayumpaman, ang Bibliya ay nagbababala: “Huwag mong madaliin ang iyong espiritu na magalit.” (Eclesiastes 7:9) Oo, kailangan nga bang magalit ka tungkol sa bagay na iyon? Ito ba’y panandaliang galit lamang na agad ding malilimutan? Maaari mo ba siyang mapagpaumanhinan at kalimutan na lang ito? Ang disipulong si Santiago ay nagsabi: “Sapagkat tayong lahat ay malimit natitisod. Kung sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito’y taong sakdal, na nakapagpipigil din ng kaniyang buong katawan.”—Santiago 3:2.
Ang mga Guro at ang Kanilang mga Paborito
Gayunman, totoong nakayayamot ang pantanging pabor na ibinibigay sa mga paborito ng guro. Ganito ang paliwanag ng 13-anyos na si Caroline: “Ang mga paborito ng guro—ay mga estudyante na mas nagugustuhan nila kaysa sa iba. Karaniwan nang ang mga paborito ng guro ay yaong mga pinakamahusay sa klase, at hindi nasasangkot sa gulo.”
Isinisiwalat nga ng isang surbey ng mga guro sa mababang paaralan na ang mga guro ay mahilig na bigyan ng pabor ang “mga mapagpasakop at mga estudyanteng may kakayahan na higit sa pangkaraniwan, matalino, masunuring mga batang babae.” Ganito pa ang sabi ng isang propesor sa unibersidad na sinipi sa magasing Seventeen: “Ang isang estudyante ay maaari ring makatawag ng pansin sapagkat siya ay mabuti sa isang bagay na mahalaga sa gurong iyon.” Anuman ang dahilan, kapag ang isang guro ay nagbibigay ng pantanging pabor o atensiyon sa isang estudyante, kadalasan nang siya’y pumupukaw ng hinanakit. Sabi ni Caroline: “Sa palagay ko’y hindi makatuwiran sa ibang tao na hindi mga paborito ng guro.”
Bakit ganito ang pagkilos ng ilang guro? Bueno, isaisip na nakakaharap ng isang guro ang pambihirang mga pangangailangan at panggigipit. Inilalarawan ng aklat na Being Adolescent ang mga guro na nasa “mahigpit na katayuan,” na sinasabi: “Nakakaharap nila ang dalawampu o higit pang mga tin-edyer na ang mga isip ay karaniwang nasa ibang dako. Ang kanilang gawain ay ituon ang atensiyon ng mga estudyante sa impormasyon . . . na hindi nauugnay sa personal na mga buhay ng mga estudyante, at, higit pa riyan, maaaring mahirap para sa kanila na matutuhan. Nasa harapan nila ang isang grupo ng lubhang sumpungin, madaling magambalang mga tin-edyer, karaniwan nang hindi sanay sa pagtutuon ng kanilang isip sa anumang bagay sa mahigit na 15 minuto.” Walang alinlangan na sasang-ayon kayo na totoo ito.
Kaya, kataka-taka ba na ang isang guro ay magbigay ng pansin sa estudyante na ‘mabuti sa klase at hindi nasasangkot sa gulo’? Tutal, likas sa tao na maakit sa isa na gumagawa sa buhay na mas kaaya-aya para sa atin. Totoo, hinahatulan ng Bibliya “ang pagtatangi.” (Santiago 3:17) At maaaring makainis sa iyo kapag ang mga sipsip ay waring kumukuha ng higit na pansin kaysa iyo. Subalit masama ba ito?
Parang gayon nga. Subalit tandaan na binabanggit sa atin ng Bibliya na minahal ni Jacob ang kaniyang anak na si Jose nang higit kaysa iba niyang mga anak na lalaki. Bakit? Sapagkat ang ilan sa mga anak na lalaki ni Jacob ay nagbigay ng sama ng loob kay Jacob. Gayunman, ang paggawi ni Jose ay walang kamalian. Isa pa, si Jose ay anak ni Jacob sa kaniyang pinakamamahal na asawang si Raquel. Nangangahulugan ba ito na hindi mahal ni Jacob ang iba niyang mga anak na lalaki? Sa kabaligtaran. Nang isang pagkakataon sinugo pa nga ni Jacob si Jose upang tingnan kung ang iba niyang mga anak na lalaki ay “ligtas at nasa mabuting kalagayan.” At nang malapit na siyang mamatay si Jacob ay nagbigay ng basbas, siya ay makatuwiran at walang kinikilingan sa lahat niyang mga anak na lalaki.—Genesis 34:30; 35:22; 37:2, 3, 14; 49:1-33.
Kaya bakit ka mababahala o maninibugho kung ang ibang masigasig na estudyante ay paborito ng guro basta ba ang iyong edukasyunal na mga pangangailangan ay hindi winawalang bahala? Isa pa, maaaring hindi masamang ideya na ikaw ay maging higit na masikap.
Kapootan sa Silid-Aralan
Gayunman, kumusta naman ang guro na tila lubhang galit na galit sa kaniyang mga estudyante? Ganito ang sabi ng isang estudyante tungkol sa kaniyang guro: “Lagi niyang iniisip na kaming lahat ay napopoot sa kaniya kaya ipinasiya niyang unahan na kami. Siya ay isang taong labis-labis na mapaghinala.” Gayunman, inaakala ng maraming guro na may karapatan silang maging “labis-labis na mapaghinala.”
Sinabi ng isang kabataan sa isang reporter ng Awake!: “Sa aking paaralan, ang mga guro ay natatakot sa mga estudyante.” Oo, gaya ng inihula ng Bibliya, ito ang “mapanganib na mga panahong mahirap pakitunguhan.” Ang mga kabataan ay kadalasang “walang pagpipigil-sa-sarili, mababangis, hindi maibigin sa kabutihan.” (2 Timoteo 3:1-3) Sabi ng U.S.News & World Report: “Ang mga guro sa maraming lunsod ay nabubuhay sa takot sa karahasan.”
Kung hindi pisikal na sinasalakay, kadalasang nasusumpungan ng mga guro na sinasalakay ang kanilang dignidad. Ganito ang sulat ng dating gurong si Roland W. Betts: “Inaakala ng mga bata na likas na pananagutan nila na . . . [makasagisag] itulak sila at sundutin sila o sa ibang pananalita’y pagalitin sila upang makita kung hanggang saan ang makakayanan nila . . . Kapag napansin ng mga bata na sagad na ang pagtitimpi ng bagong guro, lalo nila itong iinisin.” Ikaw ba o ang iyong mga kaklase ay gumagawa ng ganiyang mga pagbibiro, o mga katulad nito? Kung gayon huwag magtaka sa reaksiyon ng inyong guro.
Ang Bibliya ay nagsasabi: “Tunay na nagpapamangmang sa pantas ang pagmamalupit.” (Eclesiastes 7:7) Sa kapaligiran ng takot at kawalang-galang na laganap sa ilang mga paaralan, mauunawaan nga kung bakit ang ilang mga guro ay labis ang reaksiyon at nagiging mabagsik na mga tagapagdisiplina. Ang karamihan pa nga ay nasisiraan ng loob at humihinto sa pagtuturo. Kaya, maaari ka bang magpakita ng empatiya sa mga guro na nagsisikap na makibagay sa mahirap na mga kalagayan?
Disiplina—Bakit Kailangan?
Gayunman, mahirap maging maunawain kapag ang isang bagay na kasinghalaga ng iyong mga marka ay nasasangkot. Halimbawa, ang 11-anyos na si Stefan ay nagrireklamo: “Hindi tama na maghiganti ang isang guro sa isang bata sa pamamagitan ng kaniyang marka. Halimbawa, ganiyan ang ginagawa ng isa sa aking mga guro. Kapag ang isang bata ay nahuling naghahagis ng mga balat ng kendi sa desk, ito ay nangangahulugan ng 1 1/2 puntong ibabawas sa report card.”
Totoo, ang pagbabanta sa mga estudyante ng mababang mga marka ay tila hindi makatuwiran. Subalit ito nga ba ay di-makatuwiran—o istrikto lamang? Ang mga guro ay may pananagutan na panatilihin ang kaayusan, at kung minsan iyan ay nangangahulugan ng paggagawad ng disiplina. Gayunman, ang payo ng Bibliya ay: “Manghawakan ka sa disiplina; huwag mong bibitiwan. Ingatan mo, sapagkat naroon ang iyong buhay.” (Kawikaan 4:13) Tandaan, kung walang disiplina ang pagkatuto ay naaapektuhan. Gaya ng sabi ng isang kabataan: “Magagawa mo ang lahat ng maibigan mo sa mga guro na maluwag sa disiplina, subalit wala kang matututuhang anuman.”
Subalit ikaw ay nasa paaralan upang matuto. At kung iyan ay nangangahulugan ng pagtanggap ng disiplina, o galit ng guro, maging gayon ito. Ang kakayahan na pakitunguhang may paggalang yaong mga nasa awtoridad ay isang kasanayan na maaaring mangahulugan ng pagkakaroon ng trabaho o kawalan ng trabaho pagdating ng araw. Mangyari pa, gaya ng ipakikita ng hinaharap na artikulo, may magagawa ka sa harap ng kawalang katarungan sa paaralan. Subalit pansamantala, sikapin mong magkaroon ng kaunting empatiya sa iyong mga guro. Marahil makikita mo ang ilan sa kanila ay hindi naman may kinikilingan na gaya ng inaakala mo.
[Larawan sa pahina 23]
Ang pansin na ibinibigay sa mga paborito ng guro ay kadalasang pumupukaw ng hinanakit
[Larawan sa pahina 24]
Ginagawang mahirap ng dumaraming karahasan sa paaralan ang gawain ng guro