‘Anong Oras Na?’
KAPAG may nagtanong sa iyo ng ganiyan, malamang na ikaw ay agad na susulyap sa iyong relo, basta sasagot, at hindi na mag-iisip pa tungkol dito. Subalit hindi laging ganiyan kadali ang pag-alam ng tamang oras.
Totoo, nilikha ng Diyos ang dalawang malaking mga tanglaw, ang araw at ang buwan, upang “magsilbing pinakatanda ng mga panahon, ng mga araw at ng mga taon.” (Genesis 1:14) Subalit ipinaubaya niya sa tao kung paano hahatiin ang mga araw sa mga oras at mga minuto. Marahil ginawa ito ng sinaunang tao sa pamamagitan muna ng pagmamasid kung paano kumikilos ang mga anino ng mga punungkahoy at iba pang mga bagay habang naglalakbay ang araw sa kalangitan. Sa pag-aaral sa pagkilos ng mga aninong ito, natutuhan niya ang simpleng pamamaraan ng pagtantiya sa oras: ang “aninong orasan.” Sa pasimula, ito ay basta isang tuwid na patpat o haligi at ang haba ng anino nito ang nagsasabi ng oras.
Sa paglipas ng panahon, ang pagsasaoras ng tao ay naging mas masalimuot. Ang sundial ay naimbento, isang aparato na popular kahit na bago pa ang panahon ni Kristo. Gayunman, bago pa ito, matalinong ginamit ng mga Ehipsiyo ang isang butas na timba upang magsabi ng oras. Ito ay simple. Habang ang tubig ay tumutulo, tinatantiya nila ang oras sa pagmamasid sa taas ng tubig. Gayunman, hindi ito ang uri ng bagay na nanaisin mong dalhin. Ang sandglass na mula sa Europa noong mga ika-14 na siglo, ay isang pagsulong. Gayundin ang orasang lampara, na sinusukat ang panahon sa dami ng langis na nakunsumo.
Gayunman ang tunay na pagsulong sa pagsasaoras ay dumating sa paggawa ng mekanikal na mga orasan, noong mga ika-14 na siglo. Ang matalinong imbentor ng mga ito ay hindi kilala, gayunman hinuhulaan ng mga dalubhasa na ang unang mekanikal na mga orasan ay ginamit sa mga monasteryo. Katulad ng ibang dakilang mga imbensiyon, ang pangunahing ideya sa likuran ng unang mga orasan ay ang kasimplihan: Isang pabigat ang nakabitin sa isang lubid na unti-unting bumababa dahilan sa hila ng grabidad. Habang ginagawa nito ang gayon, pinaaandar ng lubid ang makinarya na ginawa upang maghudyat ng alarma sa pana-panahon. Ipinaalaala ng alarma sa sakristan na patugtugin ang orasan, ipinaaalam sa mga monghe na panahon na upang magdasal.
Sa wakas tinantiya ng mga artesano kung paano paliliitin ang mga orasang ito. At noong bandang 1500, isang Alemang panday-kaban na nagngangalang Peter Henlein ay gumawa ng malaking pagsulong sa pag-iimbento ng mainspring o kuwerdas. Wala na ang nakasasagabal na mga lubid at mga kalô (pulley). Ang kuwerdas na “nagpapaandar” sa makinarya ay kinakailangan lamang higpitan o susian sa pana-panahon. Gayunman, ang kauna-unahang nabibitbit na relo o orasan ay talagang hindi naman gaanong maliit. Sabi ng The Encyclopedia Americana: Ito ay “anim na pulgada ang taas at yari na lahat sa bakal.” Subalit ang mga relo ay mabilis na lumiliit at higit na nagiging eksakto. Oo, ang ilan sa unang mga relo na ginawa ay talagang mga gawa ng sining!
Sa ngayon, maraming tao ang nagsusuot ng digital na mga relo. Di-tulad ng mekanikal na mga relo, ginamit nila ang prekuwensiya ng panginginig ng kristal na quartz upang sukatin ang oras. Sapagkat ito ay mura at lubhang eksakto, ang mga ito ang naging pinakahuling kausuhan sa pagsasaoras. Gayunman, para sa marami, wala sa digital na mga relo ang pang-akit at kagandahan ng sinauna, mahusay ang pagkakagawang mekanikal na relo na tumitiktak. Kaya, marahil kabaligtaran ng popular na opinyon, ang mekanikal na relo ay narito pa rin at mabilì! Subalit mga gawa ng sining? Bueno, ang ilan, kung mayroon man, sa maramihang ginagawang mga relo sa ngayon ang karapat-dapat sa ganiyang pagkatawag. Gayumpaman, may natitira pa ring ilang sinaunang mga artesano na nagpapagal upang mapanatili ang dating mga tradisyon sa paggawa ng relo.
Isaalang-alang, halimbawa, ang reloherong nagngangalang Van na nakatira sa Lunsod ng New York. Siya ay isa sa ilang mga tao sa daigdig na maaaring gumawa ng isang relong may katumpakan o presisyon mula sa wala. Si Van ay ipinanganak noong 1902 noong panahon nang ang mga relo ay mga gawa ng pag-ibig—hindi mga elektronikong gadyet na maramihang ginagawa. Tiyak na malaki ang kaniyang magagawa upang palakihin ang ating pagpapahalaga sa namamatay na sining ng paggawa ng relo. Kaya dalawin natin siyang sandali:
Pagkatutong Mahalin ang mga Relo
“Paano kayo naging isang relohero?” agad naming tanong.
“Ang aking ama ay isang relohero,” sabi ni Van, “at marami akong natutuhan mula sa kaniya. Mga ilang panahon pagkatapos na ako ay maisilang, ang aking ama ay naging inspektor sa orasan ng perokaril. Ang pagsasaoras ay napakahalaga sa kaligtasan noon at ngayon sa perokaril. Gayunman, noon ang mga inhinyero, mga konduktor, at mga tagapreno ay nagtutungo sa tanggapan tuwing magsisimulang tumakbo. Sila ay hinihiling na iayon ang kanilang mga orasan sa opisyal na orasan sa tanggapan at lagdaan ang isang papel na nagpapakita na ginawa nila ito. Kaya mauunawaan ninyo kung bakit ang trabaho ng aking ama ay mahalaga.”
“Binalak ba ninyong sundin ang kaniyang mga yapak?”
“Hindi, nasa isip ko ang pagiging isang musikero. Gayunman, sinabi ng aking ama: ‘Hindi namin makaya ang lahat ng gawain sa shop. Kailangan namin ng tulong.’ Hindi nagtagal nasumpungan ko ang aking sarili na tumutulong sa kaniya. Kakalasin niya ang relo, aayusin, lilinisin ang mga ito—panatiko siya pagdating sa paglilinis ng relo—at saka niya iaabot sa akin ang lahat ng parte. Karaniwan nang gumugugol ako ng kalahating araw upang buuin ito. Marami akong natutuhan tungkol sa mga relo sa ganitong paraan.”
“Paano ninyo nalalaman na ang mga relo ay eksakto?”
“Bueno, walang mga radyo noong panahong iyon, subalit ang aking ama ay gumawa ng isang orasan upang gamitin bilang isang pamantayan sa pagsasaoras ng mga relong inaayos namin. Sabi niya na sa pinakamalala ito ay huli ng mga tatlong segundo sa isang buwan. Maaari namin suriin iyan sa pamamagitan ng pagtungo sa tanggapan ng telegrapya. Sa tanghali, ang transmisyon ay hihinto at magkakaroon ng hudyat na nagsasabi ng oras ayon sa Naval Observatory Time.”
“Kailan ninyo ginawa ang inyong unang relo?”
“Noong 1919 nang ako ay nagtatrabahong kasama ng aking ama na nag-aayos ng mga relo ng perokaril doon sa Memphis, Tennessee. Doon pagkaraan ng mga ilang taon ginawa ko ang aking unang relo—isang relong pambulsa na ako mismo ang nagdisenyo. Pagkatapos tipunin ang kinakailangang mga kasangkapan, ginawa ko ang bawat parte nito. Tinabas ko ang mga ngipin at mga enggranahe. Gumawa ako ng sariling mga panroskas at turnuhan. Hinasa ko at pinakintab ang mga sapiro at rubi at inayos ang mga ito. Ang proyekto ay halos kompleto na nang sulatan ko ang isang lalaki na sumulat ng isang artikulo tungkol sa kilalang relohero na si Breguet. Nang mabalitaan niya na ako rin ay gumagawa ng isang relo na ako mismo ang nagdisenyo, ipinasiya niyang magtungo sa Lunsod ng New York upang makita ito mismo. Siya ay totoong namangha! Sabi niya na alam niya na ito ay isang gawa ng isang tao na nalalaman ang kaniyang ginagawa. Ang kaniyang pagpuri ay nagdulot sa akin ng malaking kasiyahan.
“Ibinalita ng aking bagong kaibigan ang tungkol sa aking relo. Bunga nito, ilang mga artikulo sa pahayagan ang naisulat tungkol sa akin, at dumagsa ang trabaho. Higit pa riyan, binuksan sa akin ng kaibigan kong manunulat ang kaniyang koleksiyon ng mga 3,000 bantog na mga relo, ang petsa ng iba ay noon pang 1600! Sa pag-aayos ng ilan sa mga ito, ako ay namangha sa presisyon, kaeksaktuhan, at napakahusay na pagkakagawa.
“Nang maglaon, ako ay nagtungo sa Lunsod ng New York, kung saan nanggagaling ang karamihan sa aking trabaho. Hinangad din ng mga kompaniyang gumagawa ng mga instrumento sa nabigasyon ang aking trabaho. At bagaman ako ngayon ay nasa aking maagang 80’s, patuloy akong nagtatrabaho sa isang mahusay na kompaniya ng relo, at tumatanggap din ako ng trabaho sa ilang pribadong mga parokyano.”
Kung Ano ang Kinakailangan Upang Maging Isang Relohero
Madaling maunawaan kung bakit ang mga lalaking gaya ni Van ay tila isang namamatay na lahi. Isaalang-alang ang katumpakan at katapatan ng kaniyang trabaho:
“Ang aking reloheria,” susog pa niya, “ay parang isang munting pagawaan ng makina. Ako ay nagtuturno, nagtatabas, naglalagare, nagbabarena, at iba pang mga gawain. Kung minsan sa laki na wala pang ika-10 ng ika-100 ng isang milimetro! Bakit ang gayong kaeksaktuhan? Tandaan, upang ang isang relo ay tumakbo nang maayos, ang mga ehe ay dapat na bilog na bilog, matulis, at timbang. Kaya ang relohero ay kailangang maging eksakto, matiyaga—artistiko pa nga. Ito ay nangangailangan ng katapatan. Natatandaan ko pa ang sabi sa akin ng aking ama, ‘Marahil ay tinitingnan mo ang kahuli-hulihang tapat na relohero na iyong makikita.’ Sa kalabisang ito ibig niyang tukuyin na napakaraming mga relohero ang gagawa ng mga shortcut at hindi gagawin nang wasto ang trabaho!”
Maliwanag, si Van ay hindi isa na gagawa ng mga shortcut. At samantalang tiyak na hindi siya ang kahuli-hulihan sa tapat na mga relohero, ipinagugunita niya ang nakalipas nang ang kagandahan at kalidad ay mahalaga kaysa mga pakinabang ng maraming paggawa. Sapagkat bagaman ang mga relong digital sa ngayon ay maaaring kumatawan sa pasulong na teknolohiya, si Van ay makikipagtalo sa iyo kung baga taglay ng mga ito ang “katapatan” ng mga relo na ginawa noong una.
Isa pa, kung ang gamit mo man ay isang mumurahing digital o isang mamahaling gawang-kamay na kronometro, malamang na ikaw ay nagagalak na hindi mo na kailangang magdala ng mga sandglass o tumutulong mga timba. Ang daan-daang taon ng paggawa at artesania ay gumawa rito na kasindali ng pagsulyap sa relo upang sagutin ang tanong na, ‘Anong oras na?’
[Larawan sa pahina 26]
Isang relo na ginawa ni Van Hoesen
[Larawan sa pahina 27]
Si Van Hoesen na nagtatrabaho sa kaniyang pagawaan